Kabanata 18

50 7 0
                                    

Buong gabi ay nakamulat at gising na gising ang aking katawan. Hindi ako mapakali sa kaiisip na baka may biglang umatake sa amin habang mahimbing kaming natutulog. Madali na lang din naman gawin ang pagpupuyat para sa akin dahil nasanay na ako sa ganitong gawain sa Lehiyon.

Pinaghandaan ko pa naman ang mga maaaring mangyari. Katabi ko pa ngang matulog ang aking baril upang hindi na ako mahirapang hagilapin ito kapag may umamba na hayop sa akin. Ngunit ni isang nilalang ay walang umatake.

May ilang ingay akong narinig tulad ng kaluskos at huni ng mga hayop sa malayo. Kaya mas lalo akong kataka-taka na walang lumapit sa amin. Kung kahapon ay tila nabunutan ako ng tinik dahil sa ginhawa, ngayon naman ay pakiramdam kong may hindi magandang mangyayari.

Nang sumisilip na nang bahagya ang araw ay nagbabalak na sana akong matulog. Ipipikit ko pa lamang ang aking mga mata nang bumangon na sa kaniyang pagkakahiga si Laura. Hindi ko na lamang siya pinansin.

Ngunit kahit na nakapikit ako, malinaw pa rin na tumatambad sa aking isipan ang kaniyang ginagawa dahil sa ingay na dulot nito. Sinindihan niya ang siga na pinatay namin bago matulog, naglagay ng tubig sa kaldero, at naglabas ng mga butil ng kape matapos ay pinagdidikdik ito.

Subukan ko mang matulog ay hindi ko magawa sapagkat nagagambala ako ng tunog ng pagdurog niya sa kape.

Bumangon ako na may sama ng loob.

"Gising ka na pala, Kalista. Nais mo rin ng kape?" Sandali niya lamang akong nilingon. Binalik niya rin ang kaniyang tuon sa mga buto na kailangang niyang dikdikin.

"Mas maigi yata kung ang sinabi mo ay 'Gising ka PA pala, Kalista,'" pagtatama ko sa sinambit niya. "At oo, nais ko rin ng kape."

Iniabot niya sa akin ang lagayan ng mga buto ng kape. Siguro ay mamaya na lamang ako matutulog.

"Ano nga pala ang una mong gagawin sa unang nayon na bibisitahin mo?" Sinubukan kong basagin ang katahimikan sa pagitan namin. Nakakailang naman kasi na tunog ng pagdidikdik lamang ang ingay sa aming paligid.

"Bibisitahin ko muna iyong mga kakilala ko roon, sana lamang ay naaalala pa nila ako. Nagpadala na ako ng sulat sa pinuno ng mga nayon dito noong nakaraang linggo. Pinakiusapan ko silang tipunin ang kanilang mga nasasakupan upang marinig nila ang aking mga plataporma," sagot niya.

"Matagal mo na bang plano ang pagtakbo?"

"Oo, matagal ko nang nais na magkaroon ng puwesto sa gobyerno. Ngunit hindi ko ginagawa ang pagtulong dahil tatakbo ako sa pinakamataas na puwesto at kailangan kong magpakitang-tao," paliwanag niya. "Nais ko talagang tulungan ang lahat, lalo na iyong mga nasa laylayan."

"Ngunit ang pagiging isang Punong Tagapamahala ay hindi lamang tungkol sa pagtulong, Laura," sabat ko. "May isang buong isla kang kailangang patakbuhin."

"Alam ko naman iyan. Kaya nga ay may nakalatag akong mga plataporma, eh. Nais ko lamang na mas iparamdam sa mga mamamayan na may pamahalaan na maaari nilang lapitan sa oras na sila ay nangangailangan. Alam mo naman siguro ang pakiramdam na hindi ka matulungan ng kahit na sinong may kapangyarihan, hindi ba?"

Hindi ako agad nakasagot sa kaniya. Hindi ko rin naman kasi alam kung ano ang sasabihin ko dahil tama siya, matagal ko nang nararamdaman na walang pakialam sa akin yaong makakapangyarihan.

"Magandang umaga, mga binibini." Naputol ang pag-uusap namin ni Laura nang nagising na rin ang kaniyang kapatid. "Kape ba ang inyong ginagawa? Maaari bang makahingi rin ako?"

"Manong, mabuti na lamang at nandito ka. Hindi kasi nakatulog si Kalista kaya ikaw na lamang ang pasasamahin ko sa akin habang naglilibot ako sa Ardleby mamaya," sambit ni Laura.

The Legion [ ongoing ]जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें