Kabanata 3

97 11 0
                                    

Nakatago lamang kami sa isang madilim na eskinita. Sandali akong sumilip upang obserbahan ang galaw ng mga tauhan ni Gellius sa labas. May isa sa kanilang nag-iikot at madadaanan nito ang puwesto namin.

"Gerda, pahiram ako ng kutsilyo mo." Inilahad ko ang aking palad sa tapat niya. Nang naramdaman ko ang paglapag ng malamig na metal sa aking balat ay ipinaikot ko ang bagay na ito.

"Ano ang binabalak mo?" tanong ni Trent na hindi ko pinansin.

Muli akong sumilip upang hanapin iyong uunahin ko ngayong gabi. May dala-dala itong mahabang baril. Napatingin ako sa patalim na hawak ko. Ibinaon ko ito sa kahoy na pundasyon ng bahay na nasa kanan ko at pinadausdos. Napangisi ako nang madali ko lamang itong nagawa.

"Hindi ka maaaring basta-basta na lamang kumilos, Kalista. Kasama natin si Gerda," muling pagsasalita ni Trent.

"Ikaw na ang magbantay sa kaniya. Tulad nga ng sinabi mo, kaya ko na mag-isa ang mga lalaki rito." Tinanggal ko sa pagkakabaon ang kutsilyo at ipinalintik upang magtatalon ito sa aking kamay.

"Dapat pala ay ang iminungkahi ko na lamang kanina ay pauwiin ka." Sinamaan ko siya ng tingin na sinuklian niya ng nakalolokong ngiti. "Kung nasa ibang lugar tayo, hahayaan naman kita dahil alam kong may katwiran ang pagmamayabang mo."

"Kahit si Izora ay hindi ka hahayaang maiwan mag-isa rito dahil siguradong maeestatwa ka. Hindi ko nais na pumalpak ang misyon natin ngayong gabi dahil lamang sa katigasan ng ulo mo. Alam mo sa sarili mo na hindi mo kakayaning harapin ang---"

Hindi ko na siya hinayaang makatapos, agad ko siyang itinulak sa pader at idiniin ang matalim na bahagi ng kutsilyo sa kaniyang leeg. Dahil mas mataas siya sa akin ay itinangala ko siya.

"Hindi mo alam kung ano ang nangyari sa akin noon. Hinding-hindi ko makakalimutan kung ano-anong kagaguhan ang dinanas ng pamilya ko dahil sa mga nasa kapangyarihan. Kahit na ganoon pa man, hindi ko nalilimutan ang dahilan kung bakit ako kasama ni Izora ngayon, hindi ko siya bibiguin dahil sa personal kong problema," mariin kong saad. Inilayo ko ang aking katawan nang mapansin ang maliit na linya ng dugo sa leeg nito.

Mukhang napansin din ito ni Gerda. Akma na sanang bubuksan nito ang kaniyang kustal upang kuhain ang kailangan niya ngunit pinigilan naman ito ni Trent.

"Huwag mo nang sayangin pa ang tubig na mayroon ka. Baka may mas mangailangan pa niyan mamaya." Inirapan ko ito nang nakita ko ang pagdapo ng kaniyang mga mata sa akin.

"Paano mo nga pala nalaman ang tungkol sa nakaraan ko? Tanging si Izora lamang at iyong mga matagal na sa Lehiyon lang ang nakakaalam niyan," sambit ko habang hindi inaalis ang tingin doon sa tauhan ni Gellius.

"Iyong naging reaksyon mo kanina habang pinapaliwanag ni Izora ang lagay sa daungan," sagot ng kausap ko. "Parang may kung anong dumungaw na alaala sa isipan mo. Saka iyong biglang paghawak mo rin sa akin--hindi mo gawain ang sumandal sa mga kalalakihan."

Tiningnan ko ang dulo ng eskinita. Madilim ito at may mataas na pader na nakatindig. Mabuti na lamang at may hagdanang gawa sa lubid ang nakasabit dito.

"Simulan niyo nang akyatin ni Gerda iyong pader sa dulo. Kailangan nating makuha ang atensyon ng lahat sa kanila," panimula ko sa aming plano. "Papatayin ko ang isa sa kanila at gagawin kong pain ang sarili ko. Siguradong magtatawag sila ng mga kasama nila, at kapag nangyari iyon ay kikitain ko kayo sa kabilang panig ng pader."

"Tapos tatakbo papunta roon sa plasa?" Tumango ako sa kaniya. Walang tao roon nang dumaan kami kanina at malaki-laki ito, sakto lamang upang maging lugar ng aming pakikipaglaban.

Hindi ko na sila pinanood pang gawin ang nasa plano ko dahil itinutok ko na ang aking atensyon doon sa tauhan ni Gellius.

Nang malapit na ito sa eskinita ay sinubukan kong kuhain ang atensyon nito. Pansamantala ko munang tinanggal ang aking maskara.

The Legion [ ongoing ]Where stories live. Discover now