#19

68 2 0
                                    

#19

"Kaya mo na ba?"

Kanina ko pa nararamdaman ang panaka-nakang baling sa'kin ni Mama. Sabado ngayon at walang pasok ang mga bata kahit ako. Nilalaro ko si Gigi na kalong ko at nilingon si Mama. Nakikiramdam s'ya sa isasagot ko.

"Opo, Ma. Konti lang din naman ang lalabahan ko."

Tumango s'ya. "Basta 'wag ka na lang masyadong magpakapagod. Kagagaling mo lang."

Napangiti ako roon. My mother is not a very affectionate person, but I can feel her love for us. Hindi man ganu'n kalantad pero minamahal n'ya kami sa sarili n'yang paraan kahit minsan mahirap intindihin. Isang buwan mahigit na rin nang mangyari ang insidente sa'min ni Ynok. Nang magising ako sa ospital, si Justin at si Mama ang bumungad sa'kin. Walang ibang nasa mukha n'ya kundi pag-aalala. Inalagaan n'ya ako at hindi na nagtanong pa sa kung anong nangyari. Siguro dahil ayaw n'yang makatrigger 'yun ng masamang alaala sa'kin. And I really appreciated that she didn't leave me. 'Yun ang unang pagkakataon na naramdaman kong nand'yan talaga s'ya para sa'kin.

Isang linggo rin akong nagpahinga bago bumalik sa pamantasan. Hindi ko na nakita si Ynok. Ang huling balita ko dinala raw ito sa ibang bansa para du'n ipagamot. May lungkot pa rin sa'kin na hindi ko man lang s'ya nakausap bago umalis. Tinuring ko s'yang malapit na kaibigan. At kahit nabuo ang pagkakaibigan nami dahil sa motibo n'yang pagganti, alam kong totoo ang Ynok na nakasama namin. Nararamdaman ng puso ko na hindi pagpapanggap ang lahat ng ipinakita n'ya.

I miss him. Pero hindi ito ang tamang panahon para magkita kami. Pinagdarasal ko na gumaling s'ya. At kung papalarin man kaming magkita balang araw, mas may kompiyansa na ako na makakaya naming magsimula sa mas maayos at maginhawang pakiramdam.

"Anak, tumigil ka na kasi sa paglalaba. Si Jek 'di na naglalako ng pandesal. Magfocus ka na lang din sa pag-aaral," sabi ni Mama na kinuha sa'kin si Gigi. Aalis kasi s'ya ngayon at isasama n'ya raw si Gigi. May date daw sila ng bago n'yang boyfriend. "Buti nga at pumayag ang mga prof n'yo na makapagdefend kayo ni Justin. Kung hindi, susugurin ko talaga sila! Inagrabyado kayo ng kaibigan n'yong siraulo. Buti na lang talaga at nilagay na sa mental!"

Napayuko ako at huminga nang malalim. Dahil nakapadalang kung buksan namin ang usapin tungkol sa nangyari, hindi ko tuloy alam kung nalaman ni Mama na may kinalaman si Mrs. Talaverra rito. "Ma, si Mrs. Talaverra..."

Malalim ring napabuntong hininga si Mama at napaupo na lang. "Alam ko na ang ginawa n'ya. Kahit sa pagtitinda ko, s'ya pala ang nagpabawal. Personal na humingi ng tawad sa'kin si Matias." Ilang saglit kaming natahimik, kapwa nag-iisip. Alam kong iisa ang tumatakbo sa isipan namin ngayon. "Hayaan na natin 'yun. May laban tayo pero tayo na lang ang umiwas. 'Wag na natin palakihin. Nangako naman ang tatay ni Rino na kakausapin n'ya 'yung babae."

Tama si Mama. Hangga't maaari kami na lang ang iiwas. Hindi naman na nanggugulo si Mrs. Talaverra. May konsensya akong nararamdaman dahil pakiramdam ko ako ang puno't dulo ng galit n'ya sa'min. Kapag malaman n'yang mas higit na sa pagkakaibigan ang meron kami ni Mon, tiyak na mas lalaki ang galit n'ya sa'kin.

Ayoko s'yang kalabanin dahil nanay s'ya ng lalaking mahal ko, pero hindi rin ako papayag na lumayo kay Mon. Alam kong sinusugal ko rito pati ang kapakanan ng pamilya ko pero hindi ko kayang pakawalan si Mon. May paraan para ipaglaban ko ang pagmamahal sa kan'ya nang hindi nadadamay ang pamilya ko. Kailangan lang namin ito pag-isipan ng mabuti. Pero hangga't wala pa kaming matibay na plano, itatago muna namin sa pamilya namin ang meron kami. Maliban kay Abuela na halos ayaw na akong pauwiin kapag bumibisita ako sa mansyon.

Sa tingin ko naman walang makakapansin dahil simula't sapul, malandi na si Richmon. Natural na kumbaga.

Hinawakan ni Mama ang kamay ko. "Tumigil ka na sa paglalaba. Sapat na 'yung sustento ng tatay mo para sa pag-aaral mo. Sinasagot na rin naman ng boyfriend ko ang pangangailangan natin sa bahay. Mga Talaverra na rin ang nagpapaaral sa mga kapatid mo. Gumiginhawa na tayo, Phillie. Hindi mo na kailangan magbanat ng buto. Magfocus ka na lang sa pag-aaral."

Phillie, Wear Your Shoes (Loving Her Series I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon