#16

63 2 0
                                    

#16

"Ano pong ibig n'yong sabihin?"

Hindi makapaniwala si Phillie habang nagpapaliwanag ang tatay n'ya. Kahit na ako na nandito at tahimik lang na nakikinig ay nagulat din sa biglaang pagpapakita ni Tito Harold. Pagkatapos ng ilang taon mula nang maghiwalay ang mga magulang ni Phillie, ngayon na lang ulit nagpakita ang tatay n'ya.

"K-Kayo po ang sumusunod sa'kin?" naguguluhang sabi ni Phillie. Mabigat akong bumuntong hininga kahit na kalahati naman nu'n ay ginhawa nang malaman na si Tito ang taong sumusunod sa kan'ya. Handa na akong ipahalughog ang buong Cabuyao kung hindi lang kusang lumapit si Tito.

Dismayadong-dismayado ako sa sarili ko dahil hindi ko nagawang makita ang mga takot ni Phillie. Nawalan ako ng atensyon sa kan'ya and now this happened! Sa tuwing napapasadahan ko ng tingin ang hita at dibdib n'yang may mga pasa, nanghihina ako at nagagalit sa sarili ko!

Tumango si Tito Harold at nalulungkot na tumingin sa'min. "Patawarin mo ako, anak. Natakot lang ako na magpakita sa'yo dahil baka ipagtabuyan mo ako. Wala akong intensyon na takutin ka. Hindi ko lang alam kung paano ka lalapitan pagkatapos kitang iwan sa Mama mo. Sumunod lang ako sa kondisyon ni Pia."

Umiiling-iling si Tito na parang hiyang-hiya. Hawak ko ang kamay ni Phillie na mas naguluhan lang ngayon. Humigpit ang kapit n'ya sa kamay ko at halos pabulong na nagsalita. "Anong kinalaman ni Mama rito?"

"Matagal na kitang gustong makita, anak, pero pinipigilan ako ng Mama mo. Matagal akong naduwag na magpakita sa'yo at nang nagkaroon na ako ng lakas ng loob, pinuntahan ko si Pia para humingi ng permiso pero sinabi n'yang galit na galit ka sa'kin... na matagal mo na akong tinakwil dahil iniwan ko kayo... na ayaw mo na akong makita kahit kailan." Namumula ang mga mata ni Tito Harold sa mga luha. "Tanggap ko naman 'yun pero gusto pa ring subukan kahit huli na. Natakot ako nang sabihin ni Pia na lalayo kayo kapag sinubukan kong magpakita sa'yo. Ayokong mangyari 'yun. Ayokong mawalan ulit ng koneksyon sa'yo, anak, kaya pinakiusapan ko ang Mama mo na baka kahit sustento na lang sa'yo at mga kapatid mo ang maging koneksyon ko sa inyo. Pumayag s'ya kaya..."

"Nagbibigay kayo ng sustento? Kailan pa?" Phillie asked, surprised. Kahit si Tito nagtaka sa pagtatanong ng anak.

"Nasa tatlong taon na rin..."

Mariing napapikit si Phillie at parang pinanghinaan sa sinabi ng tatay n'ya. Bumagsak ang mga luha n'ya at umiling. "Wala po kaming natatanggap. Walang sinabi si Mama tungkol sa inyo. Wala akong alam sa loob ng tatlong taon! Pa, naman! Ang lakas ng loob n'yo nung iniwan n'yo ako at naghiwalay kayo ni Mama tapos nang gusto n'yo akong makita, naduwag kayo? Ang tagal kong kinikimkim 'yung galit, Pa! Galit na galit ako na naghiwalay kayo pero iniisip ko lagi na may dahilan kung bakit hindi kayo pwede ni Mama! Galit ako pero sana hinarap n'yo ako at hindi 'yung para kayong masamang loob na laging sumusunod sa'kin! Halos hindi po ako makatulog sa gabi sa takot!"

"Patawarin mo ako..."

"At 'yung tungkol sa sinabi ni Mama na ayaw ko kayong makita, hindi 'yun totoo. Gustong-gusto kitang makita, Pa..." Parang pinipiga ang puso ko sa bawat hikbi ni Phillie. Hindi ko s'ya kayang makitang ganito pero kailangan n'ya ako sa mga oras na 'to. Kailangan kong maging malakas para sa kan'ya. "Bawat mahahalagang okasyon, lagi pa ring sumasagi sa isip ko, paano kaya kung nandito ka? Paano kaya kung hindi kayo naghiwalay ni Mama? Paano kung imbis na naghiwalay kayo, sinubukan n'yo na lang ayusin... kahit sana para na lang sa'kin... taon-taon naghihintay ako, Pa. Kahit naiinis na si Mama kasi lagi kitang tinatanong sa kan'ya. Kahit halos lumabo na ang mga mata ko kakahanap sa inyo sa social media. Kahit para akong tanga kasi ang laki-laki ko na, naghahanap pa rin ako ng kalinga n'yo..."

She bitterly smiled. "Hindi ko alam, Pa... kung bakit hanggang ngayon uhaw na uhaw pa rin ako para sa pagmamahal n'yo ni Mama."

Phillie...

Phillie, Wear Your Shoes (Loving Her Series I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon