“Ho? Eh, paano naman pong mangayayri ‘yun kung hindi naman siya nag-aasawang muli, at ni hindi minsan nag-iiwan ng kanyang punla sa kahit sinong babae na kanyang nakakasiping?”

“Hindi lamang naman bagong anak na babae ang maaari niyang pagpasahan ng trono,” sagot ni Patruska, “maaari rin na magmula ito sa salinlahi ng kanyang panganay na anak sa kanyang unang asawang si Aretha. Nabalitaan kong nanganak na ang apo ng panginoong Lucio na si Marietta sa asawa nitong kalahating Lambana. Isang babae ang naging anak nito. Ang sanggol na ito ay mayroon ding karapatang maluklok sa trono kaya kailangan natin itong mahanap upang masiguro ang kaligtasan nito. Kung talagang wala nang balak pang magkaanak ang panginoong Lucio, partikular sa isang Lambana, ang anak ni Marietta lamang ang ating pag-asa.”

****

Senda’s P.O.V.

“Nasa ‘yo na lahat, Luis,” habang tinatanaw namin ang karagatan mula sa kanyang balkonahe. “Wala ka bang balak magkapamilya?”

Hindi ito sumagot, bagkus ay nananatiling nakapikit na tila sinasamyo ang ihip ng hangin na nagmumula sa karagatan.

“Mas bagay sa lugar na ganito ang may kasama sa buhay.” Sabi ko.

“Bakit ikaw?” Nakabungisngis na tumingin ito sa akin, “bakit mas gusto mo rin namang walang kasama sa buhay?”

“Iba naman ang sitwasyon mo sa sitwasyon ko.”  Nakangusong wika ko.”Ako, wala akong mapagpipilian dahil ayaw naman akong kupkupin ng kaisa-isa kong kapamilya. Eh ikaw, may choice ka. Sa hitsura mong ‘yan kasama na ‘tong mga nasasakupan mo, madali kang makakahanap ng makakasama kung gugustuhin mo. Eh ako, ni wala nga akong manliligaw. Ewan ko ba, may mga nagpapakilala naman sa akin, meron din naman nagsasabi na gusto raw nila akong ligawan, akala ko naman mga seryoso, pero biglang-bigla na lang umaatras at kapag nakikita ako ay tila ba may kinatatakutan at bigla na lang kumakaripas ng takbo. Nagtataka talaga ako dahil hindi naman istrikto ang kuya ko para takutin sila. Eh wala ngang pakialam sa ‘kin ‘yun eh.”

Napatikhim ito na tila nasamid ito sa sariling laway. 

“Sinasabi mo ba na maaari akong makabingwit ng makakatuwang sa buhay gamit lang ang hitsura at kayamanan ko? Bakit, ganoong klaseng babae ka ba, Senda?” nakasimangot ito.

“Hindi naman ganun ang ibig kong sabihin, Luis. Ako pa ba? Eh ayos nga lang ako kahit basahan lang ang suot ko buong buhay ko, ang sinasabi ko lang ay kung gugustuhin mo ng makakasama sa buhay, may mapagpipilian ka dahil bukod sa may kakayanan ka nang bumuhay ng pamilya, eh lalaki ka pa, maaari kang manligaw sa kahit sinong babaeng matitipuhan mo. Eh ako, kung walang lalapit sa akin, alangan naman ako pa ang manligaw!  Hindi pa naman ako ganoong kadesperado. Ayos nga lang ako kahit na maging ermitanya na lang ako sa kuweba hanggang sa araw ng kamatayan ko ‘no.” 

“Magkakaroon ka rin ng mapagpipilian sa kahariang ito, Senda.”  Muli itong tumanaw sa malayo. “Kung aalukin ka ni Lucio na maging ina ng magiging tagapagmana ng kanyang trono, tatanggapin mo ba?”

“H-ha?”

“Nagustuhan ka niya, Senda.” Nilingon ako nito at tinitigan.

“A-ako? Pero bakit ako? Eh isang beses pa lamang naman niya akong nakita?”

“Ilang beses ba dapat makita ng isang lalaki ang isang babae upang magkagusto rito?”

“H-ha, a…e..ewan ko. Ilan nga ba?”

Muli itong tumanaw sa karagatan, “hindi ba’t nais mong mailigtas ang mga kababaihan sa kahariang ito? ‘Yun ang dahilan kung bakit tayo nagpupulong ngayon, hindi ba?”

“O-oo pero…”

“Kailangang maibalik ang trono ng kaharian ng Elysio sa isang babaeng may lahing Lambana at Nephilim, Senda. ‘Yun lamang ang paraan upang muling sumanib ang tumiwalag na kaharian ng Mashuria. Maniwala ka man o sa hindi. Ayaw na ni Lucio na manatili sa trono. Nais na niyang maipasa ito sa kanyang talagapagmana upang malaya na siyang makapamuhay ng tahimik at malayo sa lahat ng ito. Ngunit hindi ito makapapayag na mapunta ito sa anak ng iyong kapatid sa kanyang suwail, abusado at malupit na apong si Marietta na maaari lamang gamitin ang kanyang anak upang magkaroon ng kapangyarihan sa magkabilang mundo.”

Namilog ang mga mata ko, “a-ang pamangkin ko? Lehitimong t-tagapagmana ng trono ni Lucio?”

“Kung wala nang ibang mapagpipilian ay oo. Pero kung papayag ka na maging lehitimong asawa niya. Ang maging pansamantalang Reyna ng kahariang ito, at mabigyan siya ng anak na babae, maging ang kahariang ito ay magkakaroon na ng mapagpipilian kung sino ang mas karapatdapat na malukolok sa trono. Dahil dito, magkakaroon na rin ng mas matibay na pag-asa na muling magbuklod ang Mashuria at Edenus, upang muling mabuo ang kaharian ng Elysio.”

Napaisip ako, “Hindi ko akalaing hindi na pala nais ni Lucio na manatili sa trono.  Hindi kasi ganoon ang nariring ko sa mga usap-usapan. Ang sabi kasi nila ay kabaligtaran. Ang naririnig ko ay ang pagnanais nitong manatili rito sa habang panahon.”

Ngumisi ito sa akin,  “‘yan ang napapala mo sa kakapakinig ng tsismis, Senda.”

“Tseh!” Inirapan ko ito,“eh ano na pala ang gagawin niya kapag naipasa na niya ang trono?”

“Ano pa. Eh ‘di ang makasama ka sa isang simpleng buhay na tahimik at masaya.”

“A-ako? Ako pa rin?”

“Oo, bakit? Ano sa palagay mo?”

“A-akala ko kasi…ahm.” Kakamot-kamot ako.

“Ano?”

“Akala ko aanakan lang niya ako eh.” Medyo nahihiyang wika ko.

Humalakhak si Luis.  Bigla namang uminit ang mukha ko sa sobrang hiya. Maya-maya lang ay humupa na ang kanyang pagtawa at seryosong tiningnan ang aking mukha.

“May gusto talaga siya sa ‘yo, Senda. Gusto ka niyang makasama. Hindi lang bilang ina ng kanyang anak, kundi bilang katuwang at kabiyak na mamahalin niya hanggang dulo ng buhay mo.”

“M-mahal? Mamahalin? Isang beses pa lang kami nagkita kaya parang ang hirap namang paniwalaan niyan! Kala mo kung sinong astig. Kay dali naman pala niyang ma-inlab. Naku ha…” hinawi ko ang buhok ko sa magkabilang balikat, “mag-ingat siya. Baka maging under the ‘saya’ siya. Ako pa naman, medyo tamad din ako minsan. Kung hindi siya marunong maglaba, mamlantsa, magkargador, magbayo ng kape, mangahoy, magtanim, mag-ani, mamalengke, at magluto, aralin na kamo muna niya bago ako mapapayag na maging ina ng anak niya 'no.”

Muli na namang humagalpak tawa si Luis na tila sasambulat na ang mga litid nito sa leeg.

“Anong nakakatawa ro’n?” naka-ismid na wika ko, “seryoso ako ‘no!”

“‘Wag kang mag-alala, Senda. Kahit ano, kakayanin niya para sa ‘yo.”

Nakahalukipkip na nginiwian ko si Luis dahil hindi ako naniniwala rito.

Ang astig na si Lucio, magpapa-under sa ‘kin? 

Weh! ‘Di nga?

[ITUTULOY]

My Guardian Devilजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें