Chapter 20

215 7 0
                                    

Kinabukasan ay magkasama kami ni JR sa pagbisita kay Camille na nasa ospital. Kasama ang doctor at ang ina ni Camille ay dahan dahan ang pagbukas sa pinto. Mahimbing na natutulog si Camille. Ngayon ko napagmasdan ang dalaga. Kaya siguro nahulog ang kapatid ko rito dahil sa angkin nitong ganda.

"Maiwan ko na muna kayo. Hindi pa naman magigising ang pasyente dahil sa gamot na ibinigay namin sa kanya."

"Salamat, doc."

Nang lumabas ang doctor ay lumapit ang ina ni Camille sa kama nito. Nasa gilid siya at pinadaan ang kamay ay mahabang buhok ng dalaga.

"Hindi pa ako nakakahingi ng tawad sa inyo dahil sa nangyari. Mahal ko ang anak ko kaya ko nagawa ang bagay na iyon. Mabigat ang pinagdaanan ni Camille. Pabalik balik na siya sa isang facility. Noon ilang buwan lang ay maayos na siya. Madali lang ang recovery niya pero ngayon ay lumala na siya. Hindi na nadadala ng gamot ang sakit niya. At hindi na rin namin kaya na ipasok siya sa facility. Kaya humihingi ako ng tawad sa inyo dahil nadamay kayo sa problema namin. At malaki din ang pasasalamat ko sa'yo, JR dahil sa tulong mo. Dahil kahit papaano kumakalma siya kapag nakikita ka."

Lumapit ako sa ginang. "Huwag po kayong mag alala sa abot ng aming makakaya ay tutulong po kami. Hangad din po namin ang kanyang paggaling."

Una akong lumabas ng silid. Iniwan ko si JR muna doon para makasama niya pa si Camille. Hindi rin naman kami nagmamadali. Tumawag din ako kay Rod kagabi. Wala siya ngayon dahil may inasikaso. Biyernes ng gabi pa ang uwi niya. Pahinga din ako sa club ng isang linggo. Nakakapanibago nga na wala akong trabaho. Nakakabagot din.

Ilang minuto akong naghintay kay JR sa labas at nang lumabas ay nakita ko ang pamumugto ng kanyang mata. Ngayon ko lang ulit nakita si JR ng ganito. At ang masaklap ay mas masakit pa ang nakikita ko sa kanya ngayon kesa noong umalis si tatay at iniwan kami noon. Niyakap ko lang kapatid ko. Iyon lang ang kaya kong ibigay sa kanya—ang suporta ko bilang ate niya.

Umuwi kami sa bahay. Nang makarating ay nagtaka dahil may sasakyan sa harap ng bahay. Ang buong akala ko ay si Rod ang nandito. Baka sinurpresa niya ako sa pagdating  niya. Pero nang makapasok kami sa bahay ay kapwa kami ni JR ay nagulat sa nadatnan. Si tatay. Tahimik na nakaupo sa maliit naming sofa. Mag isa.

"Anong ginagawa mo rito?" Tanong ni JR.

Ngayong muli kong nakita si tatay sa mahabang panahon na nawala siya at ang paglaki ni JR makikita talaga na carbon copy si JR ni tatay.

Umangat ang tingin niya sa amin. Galak ang makikita sa mga mata niya.

"Mga anak... K-Kamusta na k-kayo?"

Nakita ko kung paano kumuyom ang kamao ni JR. Hinawakan ko ang kamay niya at pinapakalma siya. Hindi ko siya masisisi sa nararamdaman niya, ako man ay ganoon din. Galit ako kay tatay. Galit ako sa kanya dahil sa  pag iwan niya sa amin noon na walang wala. Hanggang ngayon galit at poot ang nararamdaman ko.

"Pumasok ka muna sa kwarto mo," bulong ko kay JR.

Marahas ang paglingon niya sa akin. "Pero, ate—"

Tumango ako at marahan siyang tinulak papunta sa kwarto niya. Nagprotesta si JR pero hindi ko na hinayaan na hindi niya ako sundin. Nang makapasok si JR ay ako ang humarap kay tatay.

"Ano pong ginagawa ninyo rito?" Sinusubukan kong huminahon. Ginagalang ko pa rin siya dahil matanda siya sa akin at hindi bilang ama ko.

"Gusto ko lang sana kayong kumustahin, anak. Matagal na rin noong—"

"Matagal niyo na pokaming iniwan. Sa awa ng diyos ay maayos naman po kami at nabubuhay na wala ka. Kaya wala na pong dahilan para pumarito kayo. Nang umalis kayo sa bahay na 'to tinuring ka na po naming patay. Nasa isip na namin na wala na po kaming tatay. Kaya kung mamarapatin po ninyo ay umalis na po kayo. Hindi po namin kayo kilala at hindi po namin kayo kailangan."

Naglakad ako sa may pinto at binuksan ito. Nasa pintuan lang ako nakakapit at sumusuporta ngayon dahil nanginginig ang mga tuhod ko. Hindi ko tinignan ang reaksyon ni tatay sa mga sinabi ko. Ayokong makita sa mukha niya ang pagsisisi sa pag iwan sa amin. Ayokong makita ang sakit dahil sa pagtakwil ko sa kanya. Dahil kung makita ko baka pagsisihan ko rin ang lahat. Dahan dahan na naglakad si tatay palabas. Nang tuluyang makalabas ay agad kong sinirado ang pinto at doon sumandal. Tinakpan ko ang bibig dahil ayokong kumawala ang hikbi at baka marinig niya iyon. Ilang minuto akong nakasandal sa pinto hanggang narinig ko ang pag alis ng kanyang sasakyan. Doon rin lumabas si nanay at sinundan ng mga kapatid ko. Patakbo akong lumapit kay nanay at yumakap sa kanya. Mas lalong kumawala ang emosyon na kanina ko pa pinipigilan. Naramdaman ko rin ang pagyakap ni JR at Riza.

Bumalik man ang sakit noon pero ngayon handa kami dahil kinaya namin noon mas lalo namin kakayanin ngayon. Hindi na namin kailangan si tatay. Wala na siyang puwang sa bahay at buhay namin. Kompleto kami na kami lang. Dahil buo ang pagmamahal namin sa isa't isa at matibay.

Tumawag si Rod sa akin kinagabihan. Sinabi ko sa kanya ang mga nangyari sa araw na iyon. Ang tungkol kay Camille at kay tatay. Tutulong si Rod para kay Camille. Maghahanap siya ng mas modernong facility para sa kagaya ni Camille. At ang tungkol naman kay tatay ay wala lang siyang imik. Pinakinggan niya lang ako at nagpasalamat dahil nandiyan at handang makinig sa lahat ng saloobin ko. Masaya ako dahil nakatagpo ako ng isang taong kagaya ni Rod. At masaya ako na siya ang napili ng puso ko na mahalin.

May sinabi rin siya sa akin na dadalhin niya raw ako sa isla. Uuwi siya rito ng biyernes at sabado ng umaga ay magtutungo kami roon. Excited ako dahil miss ko na rin ang maligo at magtampisaw sa dagat. Ang huli kong punta sa beach ay iyong kompleto at masaya kaming pamilya.



***

Last chapter before finale.

Enjoy reading ♥️♥️♥️

𝚂𝙷𝙴 𝚆𝙷𝙾 𝙻𝙾𝚅𝙴𝙳 𝙷𝙸𝙼 ✔️Where stories live. Discover now