"Kung iniisip mong magagantihan mo rin ako nang pailalim sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, " biglang wika ni Miranda sa kalagitnaan ng mataimtim na pananahimik ni Aretha, "mag-isip kang munang mabuti. Dahil kung mapatay mo man ako sa paraang alam mo, sisiguraduhin ko sa 'yo na mauuna ka sa akin." Kasabay ng pagpapakita nito ng pulang pilat na hugis bilog sa kanyang kaliwang balikat.

Nagulat si Aretha, "i-isa kang..."

"Mabuti't alam mo!" Mariing wika ni Miranda, kasabay ng pag-alingawngaw ng pagdatal ng mga sari-saring insekto, uod at mga bulate sa buong paligid, na tila mga aliping sumusunod sa bawat kumpas ni Miranda.

***

"Aretha, magbihis ka at bihisan mo na rin ang mga bata."

Linggo ng umaga. Araw na hindi naman sila umaalis ng bahay.

"H-ha? B-bakit, s-saan tayo pupunta?"

"Kailangan nating dumalo sa misa, diyan lamang naman sa malaking simbahan sa bayan." Masayang sagot ni Lucio na tila sibat namang dumaluyong sa dibdib ni Aretha.

"H-ha?" na may halong pagkataranta, "k-kailangan ba naming suma–?"

"Ano ka ba naman?" buong lambing niyakap ni Lucio ang asawa na labis namang ikinabigla ni Aretha. Ito kasi ang kauna-unahang pagkakataon na niyakap siya nito nang walang gayuma. "Dapat lang na kasama ko kayo ngayon dahil ngayong araw rin magaganap ang isang espesiyal na okasyon sa ating buong pamilya."

"Espesyal na okasyon? A-anong espesiyal na okasyon?"

"Espesiyal na okasyon ang mabinyagan ang ating mga anak sa simbahan ngayong araw na ito!"

***

'Anong ginagawa ng magkukulam na iyan dito?' mahina man ay iyon ang paulit-ulit na nauulinigan ni Aretha mula sa mga taong sumisimba. Ang lahat ng mga ito'y sumusulyap-sulyap sa kanya habang naglalakad sila patungo sa bangkong kanilang mauupuan. 'Balita ko bibinyagan na ang mga anak nila ni Lucio ngayong araw.' Sabi naman ng isang babae sa kabilang dako, 'hindi nga...' sagot ng ibang tinig, 'akala ko'y kasama siya, di kaya masunog 'yan kapag pati siya ay bibinyagan?" Sinundan iyon ng paghahagikhikan. Inis na inis man si Aretha ay tiniis niya ito alang-alang kay Lucio at sa kanilang mga anak.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

'Mga nagbanal-banalan.' Wika ni Aretha sa kanyang isipan, 'tingnan natin kung maililigtas kayo sa 'kin ng DIYOS niyong nayayamot rin naman yata sa mga tulad niyong mga hipokrito!'

***

"Hay naku, nabalitaan niyo ba ang nangyari kina Lagring at Bebang?"

Iyon ang sumalubong na usap-usapan sa palengke habang namamaraka si Aretha. Palihim na napangisi naman ito sa kanyang mga naririnig.

"Bakit? Ano bang nangyari sa kanila?"

"Si Lagring, bigla na lamang daw lumaki at tiyan at ang mga binti kagabi, at si Bebang naman ay tila sinasapian daw ng masamang ispiritu. Nagwawala at sinasaktan ang sarili kaya napilitan silang igapos sa katre!"

"Susmaryosep. Ano naman kaya ang nangyari sa kanila? Naku, paano na kaya ang padasal ko sa isang linggo eh sila lamang naman ang magdadasal dito sa atin."

Nais masuka ni Aretha sa kanyang mga narinig, 'magdadasal? Pweh! Mga mapanghusgang tsismosa, 'yun sila! Tingnan na lang natin kung dinggin sila ng DIYOS na dinadasalan nila!'

***

Senda's P.O.V.

"Ano bang trabaho mo kay Lucio, Luis? Baka naman puwedeng isali mo na lang ako kaysa magpursigi akong maging Reyna o Kalunya? Ano kasi eh...." kakamot-kamot ako.

"Ano?"

"Hindi mo naitatanong, ano kasi ako..."

Nangunot ang noo nito, "ano nga?!"

"Eh Kristyano kasi ako! Bawal sa PANGINOON ko ang mag-alay ng laman at ang mangalunya. Lalong-lalo pa sa isang haring kampon ng kadiliman. Kuha mo ba?"

Sumimangot ito sa narinig, "hindi maaari sa isang babae ang ginagawa ko para kay Lucio."

"Bakit naman? Ano bang ginagawa mo para kay Lucio?"

"Isa akong mandirigma."

Tiningnan ko ito mula paa hanggang ulo.

"Oh, bakit ganyan ka makatingin?"

"Di ka naman mukhang mandirigma." Sagot ko, "'di ka naman dugyot, ni wala kang pilat at hindi naman malaking-malaki ang katawan mo.

Bigla itong napatawa, "dugyot? Ilocana ka ba?"

"Hindi, pero di ba't kapag mandirigma, di naliligo, marumi, hindi nagsusuklay ng buhok, dugyot nga! Hindi ka naman dugyot. Hindi ka naman mabaho at–"

"Senda!" Tinig iyon ng isang babae sa di kalayuan. Napalingon ako. Si Kapitanang Hilda ito, at kasunod na nito ang hindi mabilang na mga babae. Bumaling rin naman agad ako ng tingin kay Luis ngunit wala na ito.

'Nasan na kaya ang Luis na 'yun?' bulong ko sa sarili ko, 'Naku, lagot na ako,' nang muli kong nilingon ang papalapit na grupo nina Kapitanang Hilda, 'ano bang gagawin ko?'

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon