"Siya na nga ba ang anak ni Lambino?" nakatingin ito sa akin, bagaman batid kong si Inay Maria ang kinakausap nito.

"Siya na nga si Rosenda." Sagot naman ni Inay Maria, "ang bunsong anak ni Lambino sa isang mortal."

Biglang umaliwalas ang mukha ng babae. Bakas sa mukha nito ang labis na pagkagalak, "mukhang totoo nga ang propesiya!" Sinundan ito ng pagbubulungan ng mga kababaihan sa paligid. "Mga kasama. Totoo nga ang propesiya. Siya! Siya ang ating tagapagligtas!?"

"Ano raw?" bulong ko sa aking sarili.

Sa isang iglap ay napuno ng ingay ang buong silid.

"A-ano po bang sinasbi niyo?" kunot-noong tanong ko sa magandang babaeng kasama ni Inay Maria.

Hinawakan nito ang aking kanang kamay, "mahal na Prinsesa, ikinagagalak kong makilala ka."

"Ha?" sa isipan ko.

Marahan kong binawi ang kamay ko na may halong pagkailang, "teka lang. Ano bang sinsabi niyo? Baka nagkakamali lang po ako. Ako po si Senda, isang abang magtitinda lamang ng kape at tsokolate mula sa baryo ng San Gabriel. Hindi po ako prinsesa-" muli akong umakmang baba sa katre ngunit muli nitong hinawakan ang aking kamay.

"Hindi kami maaaring magkamali. Ikaw ang bunsong anak ni Lambino na kaisa-isang anak ni Haring Edwino, hindi ba?"

Nagulat ako, dahil bukod sa mga kapatid kong lambana ay wala akong ibang kakilalang nakakaalam ng pangalan ng aking ama. "Hindi ko alam ang sinasabi niyo." Pagsisinungaling ko.

"Pinunong Patrus-este Kapitang Hilda," pagsingit ni Inay Maria, "kami po mismong mag-iina ang nagbabantay sa kanya simula pa sa pagkabata at sinisigurado ko po sa inyo na siya nga ang anak ni Lambino-"

Habang nag-uusap sila ay bigla kong naalala si Mylene at si Lumen. Kung binabantayan na nila ako simula pa sa pagkabata, bakit ngayon ko lamang sila nakilala?

"--walang duda," sa muli kong pakikinig sa sinasabi ni Inay Maria, "dahil madalas namin siyang makitang kausap ang iba pang mga anak ni Lambino na sina si Thea, Dalia at Hera at tinatawag niya itong mga kapatid-"

"Sandali lang..." pag-awat ko sa pagsasalita ni Inay Maria, "bakit kilala niyo ang mga kapatid ko? Bakit kilala niyo ako? Bakit kilala niyo ang aking ama? Sino ba kayo?" mangiyakngiyak na ako, "anong kailangan niyo sa akin? Ano bang propesiya ang sinasabi niyo?"

Naramdaman ko ang paghigpit ng pagkakahawak sa akin ni Kapitanang Hilda, "hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Rosenda. Ang karamihan sa amin dito ay nagmula sa mundo ng mga Engkanto at Lambana. Ngunit dahil sa iba't-ibang mga kadahilanan, higit sa lahat sa partisipasyon namin sa pagkakamabutihan ni Lambino at ng iyong mortal na ina ay tuluyan na kaming napalayas at naging palaboy hanggang sa magkatipon-tipon kami rito bukod sa isla ng Edenus upang maging alipin ng mortal na kaaway ni Haring Edwino at ng iyong ama, simula ng tumiwalag at humiwalay ang mga puting Engkanto at mga Lambana sa kaharian ng Elysio."

"M-mortal na kaaway?"

Tumango lamang si Kapitang Hilda.

"Sino naman po ang mortal na kaaway ng aking ama?"

"Ang malupit na haring pinaglilikuran namin ngayon. Si Haring Leon na tinatawag rin sa pangalang Lucio."

Pamilyar ang pangalan, dahil ito rin mismo ang pangalang laging nababanggit ng aking mga kapatid.

"Malupit? Kung malupit siya ay bakit kayo nagtitiis na maging alipin niya?"

"Dahil wala naman kaming ibang mapupuntahan simula ng palayasin kami sa mundo ng mga Engkanto." Malungkot sa sagot ng Kapitana. "Hindi naman kami lubos na tanggap ng mga tao. Tinatanggap lamang nila kami kapag nasa anyong tao kami at nagpapanggap na ordinaryong mamayan ng San Antonio, ngunit hindi naman maaaring palagi na lamang kaming nagkukunwari dahil hindi rin namin gusto ang pakiramdam ng nagsisinungaling at nagbabalatkayo. Malupit nga ang Panginoong Lucio. Matigas ang puso at hindi nagdadalawang isip na kumitil ng buhay sa isang kumpas lamang ng kanyang kamay, ngunit batid ko rin naman na dahil din lamang ito sa kanyang matinding kalungkutan. Kaya nga ito ang napili naming paraan ng pagsisilbi sa kanya. Ang magbigay aliw at saya, kahit na hindi ko pa talaga ito nakitang naaliw, sumaya o tumawa sa kahit anong bagay na ginagawa namin para sa kanya. Heto nga at may isa pa kaming suliranin na kung hindi namin matutupad sa loob ng tatlong araw ay nagbanta itong papatayin kaming lahat, ngunit kahit umaasa kami na hindi naman magiging ganoon kalala ang parusa sa amin, kailangan pa rin naming gawin ang lahat ng aming makakaya upang matagpuan ang babaeng ipinahahanap niya. Nang sa gayun, patayin man niya kami ay nagawa naman namin ang lahat ng aming makakaya. Para wala kaming pagsisihan at panghihinayangan hanggang sa huli."

Napakunot-noo ako, hindi lang sa haba ng kanyang sinabi, kundi sa nilalaman nito. "Hindi niyo lang mahanap, papatayin na kayo agad?"

"Gano'n na nga."

"Aba, eh napakawanghiya naman pala ng Luciong 'yan!" Bulalas ko.

Agad kong napansin ang pagkasindak sa mukha ng mga babaeng nakapalibot, kahit na si Inay Maria at Kapitang Hilda. "O, bakit parang takot na takot kayo?"

"Mag-iingat ka sa sinasabi mo laban sa Hari ng Elysio, Rosenda." Ani Inay Maria, "hindi mo pa siya kilala. Baka mapahamak ka kapag nakarating sa kanya ang ganyang mga pananalita."

"Puwes, ngayon pa lang, sinasabi ko na sa inyo, hindi ako natatakot sa kanya..." unti-unti na akong lumalapag pababa ng kama upang tumayo sa gilid nito. Sinusundan naman nila ako ng tingin, "kahit patayin pa niya ako, alam kong mabubuhay rin naman akong muli sa ngalan ng aking tunay na PANGINOONG nasa langit, para patamaan ng sibat ang tumbong ng Luciong 'yan!"

Lalong tumindi ang pagkagimbal sa kanilang mga mukha, lalong-lalo na si Kapitang Hilda.

"Bakit ganyan kayo makatingin?" tanong ko ko sa mga ito.

"Anong ibig mong sabihin sa alam mong mabubuhay kang muli?" tanong ni Inay Maria sa akin, "hindi naman imortal ang isang kalahating engkanto lamang, hindi ba?" si Kapitang Hilda na ang tinatanong nito sa huling pangungusap.

Sa halip na sagutin ito ng Kapitana ay lumapit ito sa akin upang sipatin ang aking mga mata. "Madilim ngunit may bahid ng Luntian," bulong nito. Hinawakan din nito ang aking buhok at hinimay ang bawat hibla nito. "Madilim ngunit may bahid ng pula," sandali itong natigilan, "Ariella!" Biglang pagtawag nito sa isa sa grupo ng mga babae, "pakikuha nga ng langis!"

Sandaling nagkagulo ang ilang mga kababaihan sa pagmamadali ng mga ito. Saglit pa'y may isang babae na nag-abot sa Kapitana ng isang maliit na botelyang may kumikinang na likido sa loob. Agad naman nito itong binuksan bago ito nagbuhos ng kaunti sa kanyang magkabilang palad upang ipahid ito sa kaunting hibla ng aking buhok.

"Mamumula-mula..." bulong nito bago nito unti-unting pinagmasdan ang aking mukha. "Mamula-mula!" Nakangiting sigaw nito habang ipinakikita nito sa iba pang mga kababaihan ang isang bungkos ng aking buhok na nilagyan nito ng langis.

Nagulat ako ng biglang nagsihiyawan ang lahat na tila may isang pagdiriwang.

"Rosenda!" Masiglang wika sa akin ni Kapitana, "berhen ka naman, hindi ba?"

"Ha?" hindi ko inaasahan ang tanong na iyon.

"Wala ka pa namang nakakasiping na lalaki, hindi ba?"

Biglang natahimik ang lahat nang hindi ako sumagot. Bakas sa mukha ng mga ito ang pag-aalala. Hindi ako makasagot dahil bagaman berhen nga ako ay hindi ko naman masasabi na wala pa akong nakakasiping na lalaki sa higaan. Ngunit dahil hindi ko naman sigurado kung panaginip ko lang o hindi na nagsiping kami ni Luis sa isang higaan ay sumagot na lamang ako ng oo, berhen pa ako at wala pa akong nakakasiping na lalaki. Labis naman ang pagtataka ko nang muli silang naghiyawan at nagbunyi.

"Huling tanong na lang, Rosenda." Ani Kapitana, dahilan upang muling manahimik ang lahat.

"A-ano 'yun?"

"Maaari ko bang makita ang iyong buong katawan?"

Agad kong niyakap ang aking sarili, "H-ha? P-pero bakit?"

Ngumiti ito na tila nagsusumamo, "sige na, kahit 'yung kili-kili mo na lang at mga singit."

Namilog ang aking mga mata, "ano?!" Lalo kong hinigpitan ang yakap ko sa aking sarili, "ayoko ko nga! Ikaw ha! Medyo bastos ka." Lumayo ako sa Kapitana, "lesbiyana ka ba?"

Humalakhak ito, "sige na, titingnan ko lang kung may kailangan pang ayusin sa katawan mo."

Lalo akong lumayo rito, "Ano?! Ayoko nga! Ba't 'di na lang sa 'yo ang pakialaman mo? Magkapareho naman tayo ng mga piyesa 'di ba?" Pasimple na akong nalalakad paalis. "Diyan na nga kayo!" Sigaw ko sa kanilang lahat bago ako tuluyang kumaripas ng takbo kahit na hindi ko alam kung saan ako patutungo.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now