"Naku Inay Maria, 'wag na po."

"Ano ka ba?" ito na ang kumuha sa aking kamay upang ilagay ang kanyang relo sa aking kanang palad. "May isa pa akong relo sa bahay kaya sa 'yo na 'to para naman makarating ka ng ala sais ng umaga impunto sa kanto bukas. Doon na lang tayo magkita."

Wala na akong nagawa kundi ang tanggapin ito dahil ito lamang ang tanging paraan upang makarating ako sa tamang oras, "s-sige po. Makakaasa po kayo na darating ako sa oras. Maraming salamat po rito, Inay Maria. Napakabait niyo pong mag-iina sa akin. Hindi ko po ito makakalimutan."

Tinapik ako nito sa kaliwang braso, "walang anuman, Senda. Mabait ka rin naman sa amin. Akala mo ba hindi ko alam na inabutan mo rin si Mylene ng perang pinagbentahan mo ng mga punong-kahoy mo?"

Ngumiti na lamang ako dahil nahihiya na ako sumagot. Hindi naman kasi ako naghihintay ng kapalit sa gagarampot na halagang ibinahagi ko kay Mylene.

Sa pagtingin ko sa relong ibinigay sa akin ni Inay Maria, bigla kong naalala ang kuya ko. Ito kasi ang huling nagbigay sa akin ng isang relo.

Kumusta na kaya siya? At kumusta na rin kaya ang pamangkin ko sa kanya?

***

Lucio's P.O.V.

Natatawa pa rin ako kapag naaalala ko ang inis na inis na mukha ni Senda. Hindi ko alam kung bakit aliw na aliw akong inisin ito kaya hindi ko namamalayang bitbit ko pa rin ang ngiti sa aking mukha sa pagbalik ko sa aking trono.

"Panginoon," nakayukong pabati sa akin ng punong Ujier. "Nasa labas po ng bulwagan si Patruska. Nais raw po niya kayong makausap."

Lumulutang pa ang isipan ko kaya kumumpas na lamang ako upang patuluyin nito ng bulwagan si Patruska. Agad naman umalis ang punong Ujier upang utusan ang kanyang mga tauhan na pagbuksan ng pintuan si Patruska.

Hindi maipinta ang mukha ni Patruska habang lumalapit ito sa aking harapan. Bakas sa mukha nito ang matinding pag-aalala at namamagang mga mata na tila baga ilang araw na itong umiiyak. Halos humalik na ito sa lupa nang dumako na ito sa aking paanan.

"Anong kailangan mo?"

"Kailangan ko po sana ng kaunti pang palugit, Panginoon. Kung saan-saan na po ako nakarating, ngunit wala po akong mahanap na babaeng may eksaktong katangian na ipinapahanap ninyo sa akin. Parang awa niyo na po, Panginoon, tatlong araw na lamang po kasi ang natitira, at batid ko pong hindi po sapat ang panahon na ito para sa aming paglalakbay upang mahanap namin ang espesyal na babaeng nais niyong makaniig."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Sandali akong nag-isip, ngunit hindi naman ito malalim, dahil ang totoo'y hindi naman talaga ako seryoso sa ipinapagawa ko kay Patruska. Natipuhan ko lamang naman kasing takutin ito, at wala naman talaga akong balak parusahan ito kung hindi man nito matupad ang iniuutos ko. Ang nais ko lamang talaga ay ang matigil na ang pagpapadala nito ng mga babaeng halos kita na ang kaluluwa sa aking bulwagan.

"Gaano katagal ang hinihingi mong palugit?"

"Tatlong--"

"Tatlong linggo?!" Itinaas ko ang boses ko upang sindakin ito. Nagtagumpay naman ako dahil napapitlag ito sa tinig ko.

"H-hindi po, Panginoon. T-tatlong buwan po sana."

"Tatlong buwan!" Pinandilatan ko na rin ito ng mga mata kaya halos manginig na ito sa takot sa akin.

"P-patawad po, Panginoon. Tulong-tulong na po kami sa paghahanap sa mga bayan-bayan, ngunit nahihirapan pa rin po kami. Balak po naming maglakbay sa mas malalayong lugar, ngunit kailangan po namin ng sapat na panahon."

"Ayoko sa taga ibang lugar!" Sinigawan ko ito.

"Pero, Pangino--"

"Tatlong araw, Patruska! Kapag wala kayong naiharap sa akin, ihanda niyo na ang mga ulo niyo! At dahil sa kapangahasan mong tumawad ng palugit, dadagdagan ko pa ang katangian ng babaeng hinahanap ko. Ang nais ko ay isang babaeng may kulay luntiang mga mata na tulad ng sa mga puting diwata at lambana. Nais ko rin ng mamula-mula ang natural na buhok na eksaktong hanggang balakang ang haba na tulad ng sa isang diyosa. Nais ko ng perpektong balat, walang pilat, walang sugat at pantay ang kutis mula ulo hanggang paa." Inoobserbahan ko ang reaksiyon ni Petruska na tila nais na nitong mawalan ng ulirat. "Nais ko rin ng isang babae na kahit hindi putungan ng korona ay mukhang isang reyna--"

"Sa-sandali p-po Pangi--"

"--at uli-uli na sisingitan mo ako sa aking pagsasalita, mas lalo kong dadagdagan ang problema mo para matapos na rin ang maliligayang araw mo!"

Bigla itong nag-animong isang istatwa na may mas malalang ekspresyon sa kanyang mukha, kumpara sa hitsura nito nang dumating ito kanina.

***

Hinintay ko munang makarating ako sa loob ng aking pribadong silid bago ko pinakawalan ang kanina ko pang pinipigilang pagtawa. Daig ko pa ang baliw na humahalakhak nang halos hindi na makahinga.

Nakakatawa talaga ng hitsura ni Patruska dahil halos maihi na ito nang sinigawan at pinalayas ko ito sa aking harapan.

Ano kayang gagawin nito ngayong mas malala na ang problema niya? Lalo't batid ko naman na napaka imposible na makakita ito ng isang babae na may eksaktong katangian ng perpektong babae sa aking imahinasyon. Sapagkat maging ako, sa kinahaba-haba ng pananatili ko rito sa mundo'y wala pa rin namang nakikita na gayung kagandang babae...

Ang perpektong babae na sa mga panaginip ko lamang talaga umiiral.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilWhere stories live. Discover now