SA MAY POSO

8 1 0
                                    

10 years ago, ipinadala ako ng mga magulang ko sa mga tiyahin ko sa isang probinsya sa norte. Hindi ko rin maintindihan kung anong dahilan, basta ang naaalala ko lang isang buwan bago ako iuwi sa probinsya.

Noong nasa probinsya na ‘ko, hindi naman nagkulang ang mga magulang ko sa pagpapadala ng mga kailangan ko, walang palya kada buwan, minsan nga’y sobra pa.

12 years old lang ako noon, kakatapos lang ng elementarya kaya doon na ako nag aral ng high school sa probinsya. Ang totoo’y hindi ako nakipag kaibigan masyado noong first year kasi pakiramdam ko mas mapapabilis ang takbo ng oras kung eskwelahan at bahay lang ang aatupagin ko, excited akong umuwi ulit ng Maynila eh. Ayun kasi ang sabi sa’kin, pagtapos ko ng high school babalik na ulit ako sa amin.

Exam week namin noon kaya half day lang, nakauwi ako sa bahay nila Tita Gemma ng ala una ng hapon. Niyaya niya akong kumain na dahil kaluluto niya lang daw ng tanghalian, wala pa ang pinsan ko na si Isay at Kuya Mike kaya kaming dalawa lang.

Habang kumakain kami sa likod bahay biglang may tumawag kay Tita Gemma sa labas, teacher kasi siya kaya kung sinu sino ang nagpupunta sa bahay, pinuntahan niya muna yung nagtatawag sa kanya kaya naiwan ako mag isa. Tuloy tuloy lang naman ako sa pagkain ko nang biglang may tumawag sa’kin, akala ko nga si Tita Gemma pero hindi niya naman kaboses. Hindi ko pinansin kasi akala ko nagkamali lang ako, hanggang sa may tumawag ulit sa’kin, this time hinanap ko ang pinanggagalingan. Tuloy tuloy lang ang pagtawag sa’kin, babae ang boses. Hanggang sa lumingon ako sa poso ng tubig na pinag iigiban ko. Mga sampung metro lang naman ang layo sa likod bahay nila Tita Gemma, nakatayo lang ako doon at hinihintay marinig ulit ang boses, may tumawa, parang nang aasar. Inisip ko na galawin ang poso, pagpihit ko pababa ng bakal na hawakan nito, itim na tubig ang lumabas. Noong una’y nagtaka ako dahil imposibleng putik ito, maya’t maya naman kaming nag iigib sa poso na ‘to kaya imposibleng may mabara na dumi. Ipinag patuloy ko ang pag bomba ng poso hanggang sa mapansin ko na kulay dugo na ang lumalabas dito. Inamoy ko ang likidong lumabas sa bukana ng poso at alam ko na dugo ‘yun, napa upo ako sa gulat nang marinig ko na naman ang boses na tinatawag ang pangalan ko. Hanggang sa gumalaw mag isa ang poso at tuloy tuloy ang pag agos ng dugo papunta sa binti at hita ko, hindi ako makagalaw sa pagkabigla at takot, hanggang sa nahimatay ako.

Nagising ako madilim na, nakabukas ang bintana sa kwarto namin ni Isay. Hindi ko alam pero bigla kong isinara ang mga bintana at ibinaba ang mga kurtina. Lumabas agad ako sa kwarto at nakita ko sila Tita Gemma, Isay, at Kuya Mike sa sala.

Oh gising ka na, ano na nararamdaman mo?” tanong ni Tita Gemma sa’kin sabay kapa ng noo ko
“Hindi ka naman na mainit, kain ka na. Tapos na kami, nandun sa likod yung mga pagkain kuha ka na lang.” dagdag ni Tita Gemma.

Nakabukas ang pinto sa likod papunta sa likod bahay, kitang kita ‘yun dito sa sala dahil isang diretso lang naman ang bahay nila tita. Makikita rin mula rito sa sala ang poso. Naalala ko ulit, kinilabutan na naman ako. Napansin ata ni Kuya Mike na nakatitig lang ako sa pinto kaya hinila niya na ‘ko papunta sa likod at sinamahan kumain.

Ano ba nangyari sa’yo?” tanong ni Kuya Mike habang pinag hahainan ako ng pagkain, naka tulala pa rin ako sa poso at iniisip ang nangyari kanina.
Lumingon din si Kuya Mike sa poso nang makitang nakatitig ako roon.

Ah ayan ba? Hayaan mo lang, lilipas din ‘yan at masasanay ka na.” sabay lapag ng pagkain ko, umupo siya sa harap ko para matakpan ang poso na kanina ko pa tinitignan.

Mas lalo mo lang maaalala kapag inisip mo nang inisip, kumain ka na babantayan kita.”

Hindi pa rin ako kumakain at nakayuko lang habang nakatingin sa plato ko, paborito ko ang ulam, pero wala akong gana.

Oh sige, ubusin mo ‘yan at may ike kwento ako sa’yo.” napatingin ako sa kanya nang may maaninag na naman ako sa poso.

Huwag mo na pansinin at bilisan mo na kumain, kinikilabutan na rin ako.” dali dali ko inubos ang kinakain ko pagsabi ni Kuya Mike ng mga ‘yun, diretso tingin sa plato at hindi na lumngon sa kung saan saan. Natapos na ako kumain at inutusan niya agad akong kumuha ng kandila sa cabinet sa baba ng altar, siya na ang naghugas ng pinag kainan ko. Pagbalik ko’y sinindihan niya ang kandila at nilagay sa tapat ng pinto sa likod bahay at isinara na ang pinto at ilaw. Hinila niya na ‘ko sa kwarto namin ni Isay, na noong mga oras na ‘yun ay pumasok na rin pala sa kwarto namin at nagce cellphone. Sinabihan siya ni Kuya Mike na makinig kami sa mga ike kwento niya at isinara ang pinto.

10 years old daw noon si Kuya Mike, si Isay naman ay 6 years old noong magising silang magkakapit bahay sa isang sigaw. Alas singko pa lang daw nang umaga at pagising pa lang siya para maghanda sa pagpasok sa eskwelahan, naging instant alarm niya yung sigawan ng mga tao sa labas. Paglabas nila nina Tita Gemma at Tito Martin sa likod bahay, nagkukumpulan ang mga tao sa gilid ng poso, nakisiksik daw si Kuya Mike noon kaya mas nauna niyang nakita ang nangyayari keysa kila Tta Gemma. Isang babae, nakahandusay sa tapat ng poso, naliligo sa sarili nitong dugo at naka mulagat ang mata, nakatingin sa direksyon niya. Maya maya pa ay dumating na raw ang mga pulis para mag imbestiga, hindi siya nakapasok sa sobrang takot at pagka alala sa itsura ng biktima. Ayon sa mga narinig niya, nag aagaw buhay na ang babae bago pa dalhin sa poso at doon tuluyang pinatay. Wala silang ideya kung bakit doon dinala at kung anong dahilan ng pagkamatay nito, ngunit may mga sapantaha na kaya doon dinala ng suspek ang biktima ay dahil sa madilim ang lugar na pinaglalagyan ng poso at napapalibutan pa ng sari saring halaman. Simula raw noon ay naglagay na ang mga tao ng ilaw sa poso dahil bumalot sa komunidad nila ang takot at pangamba na mag multo ang biktima.

Ilang buwan daw ang nakalipas at sinalanta sila ng bagyo, nawalan ng mga kuryente kaya naging madilim ang komunidad nila. Nawalan man ng liwanag, hindi na nangangamba pa ang mga tao na mag igib sa poso nang hatinggabi dahil napag lipasan na rin naman daw ng panahon ang insidente.

Alas dos ng madaling araw, nadudumi raw si Kuya Mike at saktong walang tubig sa banyo nila, gusto niyang gisingin si Tito Martin sa pagtulog pero naalala niyang pagod ito sa trabaho, tangan ang maliit na timba ay tumungo siya sa poso. Ang totoo’y wala sa isip niya ang insidente ilang buwan na ang nakalilipas, madilim ang paligid at ang liwanag lang na nakikita niya ay ang ilaw na nakasindi sa likod bahay nila. Pinakikiramdaman niya lang daw kung puno na ang timba dahil hindi niya ito makita, nang sa tingin niya puno na’y binuhat niya na ito. Ngunit nagtaka siya kung bakit tila ang bigat bigat nito samantalang kayang kaya niya nga bumuhat ng dalawang timba na ganoon din ang size. Gagamitin niya sana ang kanyang dalawang kamay ng may mahawakan siya, kamay din na nakikipag agawan sa kanya sa timba. Nakarinig siya ng tawa na halos sa tenga niya ibinubulong kaya napatakbo siya habang umiiyak. Pagdating niya sa tapat ng pinto nila sa likod bahay, nakita niya na may dugo ang kanyang mga kamay kaya alam niyang totoo ng nangyari. Dali dali siyang pumasok sa kwarto nila ni Isay at halos ubusin ang alcohol para tanggalin ang dugo sa kanyang mga kamay. Hindi niya raw matanggal ang mga ito kahit na halos mapudpod na ang balat niya kakakuskos, hanggang sa nahimatay na lang siya.

Nagising siya na may bimpo sa ulo at maliwanag na, inaapoy siya ng lagnat. Ikwinento niya kay Tita Gemma ‘yun pero tinawanan lang siya, pagtalikod ni Tita Gemma para kuhaan siya ng pagkain, nagsalita raw si Isay

“Eh mama totoo po ‘yun, nakita ko rin po.”

Nanlaki ang mata ni Kuya Mike at napalingon si Tita Gemma kay Isay, na ngayon ay may tinititigan sa labas ng bintana.

- Maria

Tres(Horror Stories Compilation)Where stories live. Discover now