KABANATA 29

94 5 0
                                    

Kabanata 29

Sorry

--

Anong ginagawa ni Benjamin dito? At bakit parang sa kanya ang mansyon kung makapasok siya nang basta basta?

Pero bukod pa roon, mukha siyang iritado at nakabusangot ang mukha kanina.

Hindi ko talaga maintindihan! Anong ginagawa niya rito?

O baka naman kaibigan niya si Mayor? Mayaman siya at mayaman si Mayor kaya siguradong magkaibigan sila! At syempre common sense na magkaibigan sila dahil imbitado sila kagabi! Hindi lang talaga ako makapag isip nang maayos ngayong nakita ko na naman siya! At mukha pang galit!

Pumasok ulit ako sa mansyon kahit na nag aalangan. Siguradong kailangan na ni Mama ang tulong ko. Kanina pa ako wala sa kusina.

Tinabi ko ang box ng mga hairpin sa loob ng shoulder bag na dala ko at nagtungo na papuntang kusina. Nagpalinga linga pa ako dahil baka nandyan lang si Benjamin at nakatingin na naman sa akin!

Sa'n nagpunta 'yon?

Hindi ko naman siya nakita hanggang sa nakarating ako sa kusina. Nagsisimula na si Mama kaya agad ko siyang tinulungan.

"Oh? Anong nangyari? Balita ko ngayon ang alis ni Carter, ah?" si Mama.

"Opo. Umalis na siya. Nagpaalam lang sa akin."

"Sabi ko sayo gusto ka no'n, e," nanunuksong sinabi ni Mama.

"Mama!" saway ko ngunit tumawa lang siya at tumango.

"Oo na. Oo na. Titigil na ako..."

Ngumuso ako. Hindi ko alam kung paano napansin ni Mama 'yon e ako nga nalito pa.

Nagsimula akong tumulong kay Mama. Syempre tinuro ko na sa kanya ang pagba-bake ko dahil ang sabi niya gusto niya rin akong tulungan dito sa pangarap ko. Pumayag ako at pinatigil ko na siya sa pagtatrabaho niya sa palengke bilang tindera ng mga gulay.

Huminga ako nang malalim at panay ang tingin sa pinto sa tuwing may papasok na kasambahay. Kinakabahan ako dahil baka mamaya kung sino ang pumasok. Nakakahinga naman ako ng maluwag sa tuwing kasambahay lang talaga.

Pumikit ako ng mariin at iniling ang ulo. Bakit ko ba inaasahan na papasok siya rito? Tsaka hindi pa nasasagot ang tanong kong bakit siya nandito. Alam ko namang baka magkaibigan sila ni Mayor pero mas matanda si Mayor sa kanya, e. Ano 'yon? Tito niya si Mayor?

Sumasakit ang ulo ko kakaisip. Hindi tuloy ako masyadong nakapag focus sa pagba-bake. Napansin 'yon ni Mama at siya nalang tuloy ang gumagawa ng mga hindi ko natatapos dahil natutulala.

Maraming cupcakes ang ni-bake namin ni Mama gaya ng gusto ni Mayor. Kumain kami ng tanghalian sa mansyon at nang naghapon na, dinala ang mga cupcakes sa kabila kung saan ang site na maraming trabahador.

"Oh!" si Mayor nang nakita kami. Nandoon din siya at kinakausap ang ibang tauhan. "Ito na pala ang meryenda. Magmeryenda na muna kayo! Paki sabi sa ibang trabahador na magmeryenda muna sila," ani Mayor sa kausap niya.

Nilagay namin ang mga cupcakes sa malaking table na naroon. May malaking payong din doon kaya hindi maiinitan ang mga kakain.

Maya maya lang ay nagsidatingan na ang mga trabahador na pinatawag ni Mayor. Natuwa sila nang nakita ang cupcakes na meryenda. Meron ding juice roon at kape kung gusto nila.

Ngingiti na sana ako sa mga trabahador at sasabihing kumuha na sila sa mga pagkaing naroon kaya lang naputol 'yon nang natanaw ko kung sino pa ang isang lalaking palapit.

Para akong binuhusan ng malamig na tubig at biglang naalala na... oo nga pala! Pumikit ako nang mariin!

"Oh, Benjamin! Kumain ka muna," anyaya ni Mayor sa kanya.

The Love (The Trilogy #1)Where stories live. Discover now