Chapter 13

8 1 0
                                    

[Chapter 13]
The Most Eventful Fiesta

MAAGA kaning dumating sa gymnasium. Ala singko magsisimula ang laro. Sumama ako kina Ryker at Batchoy upang manood. District V ang kalaban nila ngayon.

Kung maraming tao noong kalaban nila sa laro ang District IV, mas lalong marami ngayon. Nagsisimulang mapuno ang bleachers. Nagsisigawan ang mga kabataan. Malakas ang tugtog sa speakers. Magulo ang mga taong palakad-lakad sa court.

Dalawampung minuto pa bago magsimula ang laro. Mula nang dumating kami ay hindi ko pa nakikita si Trisha. Hindi naman sa gusto ko siyang makita pero gusto kong malaman kung itataas pa ba niya ang noo niya sa amin o titingnan niya ba ako nang may galit sa mga mata?

Imbes na matuwa dahil mayroon nang dahilan sina Batchoy upang maiba ang tingin nila kay Trisha, nag-alala ako. Naalala ko na hindi ganoon ang ugali ni Trisha sa kuwento ni Batchoy. Naalala ko ang nangungusap at pangungulila sa mga mata niya noong nagkatinginan kami.

Nilibot ko ang paningin. Pula, dilaw, at asul ang kulay sa mga bantings mapaloob o labas ng gymnasium. Kung puno na ang gym ng mga manonood, dinadagsa rin ng mga tao ang mga nagbebenta sa labas, mapa-damit man, pagkain, o mga laruan. May nagbukas pa sa bakanteng lote ng isang mini amusement park kung saan mayroong mga rides.

Susubukan kong ayain sina Batchoy at Ryker mamaya roon. Hindi pa ako nakasasakay kaya nasasabik ako.

"Isla, pwede bang makisuyo? Magbibihis na kasi kami," wika ni Ryker. Dala-dala na ng team Pula ang mga bags nila at naglalakad patungo sa C.R.

"Ano 'yon?"

"Dumating kasi bigla ang pinsan kong si Amy, baka pwede mo siyang abangan sa labas?" Inabot niya sa akin ang cellphone niya bago pa man ako makasagot. "May picture ako sa kanya d'yan. Alam niya na ikaw ang susundo sa kanya, sinabi ko lang na muslim ka at may suot kang hijab."

Sinilip ko ang litrato. Isang babae, maliit ang mukha, makapal ang mga labi at may malalaki at magagandang mga mata. Manipis lang din ang kilay niya at maikli ang mga buhok. Sa litrato ay may suot itong dilaw na headband sa ulo.

"Sige, Ry. Ako na'ng bahala. Magbihis na kayo, nakabibis na ang District V o," sagot ko sabay nguso sa kabilang bahagi ng gym kung saan nakaupo sa katapat naming bleachers ang mga players mula sa kabilang team.

Naglakad ako palabas sa gym at nag-abang sa tabi ng entrance. Panay ang lingon ko sa mga bagong dating at mga pumapasok na babae.

Isang matandang babae at matangkad na lalaki ang nagkabanggaan sa entrance. Natumba ang ginang at natapon ang wallet ng lalaki.

Agad kong pinulot ang wallet habang tinutulungan ng lalaki ang natumbang ginang.

"Sorry po."

"Pasensya ka na, hijo, 'di kita agad napansin," paumanhin ng ginang saka naglakad papasok ng gym.

"Excuse me," pagtawag ko sa lalaki. Nilingon niya ako kaya itinaas ko ang itim niya na wallet. "Natapon kanina." Ngumiti ako sa kanya.

Napatitig siya sandali sa akin bago kinuha sa kamay ko ang wallet. "Thank you ha." Inabot niya ang kamay sabay sabing, "Tio nga pala, Miss."

Kahit hindi sanay na makipagkamay ay inabot ko rin ang kamay niya.

"Isla. You're welcome."

Belonging SeasonWhere stories live. Discover now