Chapter 1

52 11 24
                                    

[Chapter 1]
Someone's Ending Can Be Your Beginning

"ISLA, twenty ka na."

Napatuwid ako ng upo nang marinig ang baritonong boses ni Papa. Binubuklat niya ang bawat pahina ng dyaryo na kabibigay lang ni Yaya Rose sa kanya. Binalingan niya ako ng seryosong tingin. Malayo ang agwat niya sa sofa na aking inuupuan ngunit nagdulot pa rin ito ng matinding kaba sa dibdib ko.

"Pa, hindi pa po ako handa," sambit ko na hindi makatingin sa mga mata niya. Naglikot ang mga mata ko sa mga muwebles ng bahay. Hindi siya sumagot ng ilang segundo kaya dahan-dahan akong tumingin sa kanya.

"Handa?" Nanatili ang mata niya sa dyaryong hawak ngunit nakaangat ang isang kilay na tila nagtaka sa sinabi ko. "What do you mean?"

Natauhan ako bigla. Hindi ba kasal ang tinutukoy niya?

"'Yang hijab mo ang tinutukoy ko. You're already twenty yet you still don't know how to wear that properly."

Nanlaki ang mga mata ko. Kinuha ko ang round mirror na nasa ibabaw ng glass coffee table dito sa living room. Agad kong tiningnan kung ano ang tinutukoy ni Papa sa hijab ko. Nakita ko ang iilang hibla ng buhok ko na kumawala sa hijab.

"Go to your room. Ayusin mo 'yan."

Tumayo ako at nagpaalam sa kanya. Malayo-layo ang living room sa kuwarto ko kaya hindi ko maiwasang mapaisip habang naglalakad. Nasanay ako na palaging sumusunod kay Ma at Pa. Ni hindi ko napansin na para akong may allergic reaction sa tuwing inuutusan nila dahil agad akong napapatayo at sumusunod.

Para kang robot, Isla.

Sinilip ko ang hawak kong cellphone. Ni isa sa mga naging kaibigan ko noong high school ay hindi na nagparamdam pa. Aktibong-aktibo sila sa social media pero wala man lang nangumusta matapos ang graduation namin two years ago. Napabuntong-hininga ako at laglag ang balikat na nagpatuloy sa paglalakad.

Bago makarating sa silid ko ay nagkasalubong kami ni Kuya Aaris. Nakasuot siya ng uniform ng university na pinapasukan niya. Third year college student na siya at kumukuha ng engineering course. Hindi ako tulad ni Kuya na malayang nasusuot ang nais at nagagawa ang mga bagay na pinapangarap.

Huminto siya sa harap ko kaya napatigil ako sa paglalakad. Tumingin ako sa kanya at naabutang nanliliit ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Kuhang-kuha niya ang iilang features ni Papa sa mukha maliban sa ilong niyang nakuha niya sa kanyang ina.

"Bakit na naman, Kuya?"

"May nangyari ba, La?"

Si Kuya Aaris ang pinakamalapit sa akin dahil na rin siguro sa iisang taon na agwat ng edad namin. Second year college student na sana ako ngayon kung nakapag-aral pa. Ngunit dahil hindi na ako pinayagan pang mag-aral ng dalawa naming nakatatandang kapatid ay wala na akong magawa.

Pareho silang may mga asawa na at nakatira sa malayo ngunit malapit sila kay Papa. Sabi nila, hindi ko na rin naman magagamit ang matatapos ko dahil sa bahay lang din lagi ang bagsak ko kapag nag-asawa na.

Minsan ay naiinggit ako sa iba pang pamilyang muslim na hinahayaang mamili ng malaya at magdesisyon ang mga anak. Sa isang tulad ko na lumaki sa pamilyang mahalaga lamang ang mga lalaki at itinuturing na malas ang mga babae, lalong nawala ang tiwala ko sa sarili. Pasalamat na lang siguro ako na hindi nila ako itinakwil dahil lamang sa pagiging babae.

Belonging SeasonWhere stories live. Discover now