Ch31 | Marites & friends

1K 86 14
                                    

↤❤↦

KANINA pa ako pabiling-biling sa higaan. I couldn’t sleep. Uminom na ako ng mainit na gatas, pinatay ko na lahat ng ilaw sa kuwarto, ni wala na nga ring liwanag na tumatagos sa bintana dahil nagpalit na rin ako ng kurtina pagkauwi.
 
     Initsa ko sa paanan ang makapal na comforter na bumabalot sa akin at saglit na nakipagtitigan sa kisame. Bumuntonghininga ako at napahilamos sa mukha. Frustrated, I sat on the edge of my bed, grabbed my phone off the nighstand, and checked the time. Pasado alas-diyes pa lang naman ng gabi. Obvious naman sa ingay sa labas na buhay na buhay pa rin ang lugar namin.

     Tinatamad man ay tumayo ako para pumunta sa bintana. Pagkahawi ko ng kurtina, tumambad sa akin ang matao pang kalsada. Nakita ko ‘yong nagba-barbecue sa tapat. Busog pa naman ako dahil may mga pinabaong pagkain sa akin si Reed pagkauwi kanina, pero hindi ko na maalala kung kailan ba ako huling nakapag-isaw o betamax. Just the thought of these foods alone made me drool. Namalayan ko na lang, papunta na ako sa barbecue-han. Kiber ba nila kung nakasuot na ako ng pajama.
 
     “Oh, hija! Parati kitang nakikitang nakadungaw sa bintana mo, pero ngayon lang kita nakitang lumabas at bumili,” nakangiting sabi sa akin ng matandang tindera habang nagpapaypay ng nakasalang niyang mga inihaw.
 
     “Lumalabas naman po ako, pero ngayon lang po talaga ako lumabas sa gabi.” Ngumiti ako at nagsimula nang dumampot ng kung ano-ano. Ang sabi ko kanina, isaw at betamax lang, pero lahat na yata ng tinda nila, kinuhaan ko. Natakam ako, e!
 
     “Kumare, pabili naman kami ng laman at saka ano, tainga,” rinig kong sabi ng isang ale na kadarating lang sa barbecue-han.
 
     Ngumiti ang aleng nagtitinda. “Sige, kumare, dumampot ka na lang diyan.”
 
     “Kumare, bakit pala nagba-barbecue ka pa rin hanggang ngayon?” anang isang matandang babae na kasama rin ng bagong dating. Kapwa sila nakasuot ng kupas na duster.

     “Oo nga naman, Isme, hindi ba’t tapos na sa pag-aaral ang anak mo? Dapat ay tinutulungan ka na ni Sandy,” segunda ni Kumare #1.
 
     Tahimik lang ako sa gilid habang hinihintay na maluto ang order ko. Ang Sandy siguro na tinutukoy n’ong isa ay ang anak ng tindera.
 
     Tumawa si Aling Isme. “Last year lang naman g-um-raduate si Sandy, hinahayaan ko muna siya na magpahinga saglit at gawin ang mga gusto niya.”
 
     Nagkatinginan ang dalawang magkumare na bumibili ng barbecue na para bang may mali sa sinabi ni Aling Isme.
 
     “Naku, batugan pala ang anak mo,” komento ni Kumare #2 na para bang hinihingi ng huli ang opinyon sa anak.
 
     “Tingnan mo ang mga panganay namin ni Kumareng Marites, aba’y nakakatulong na sa amin at nakakapagbigay na ng pera!” ani pa ni Kumare #1.
 
     “Na dapat lang, hindi ba?” Kinumpas pa ni Kumare #2 ang kamay sa ere. “Maano pa’t iginapang natin sila sa pag-aaral para makapagtapos kung hindi sila tutulong sa atin.”
 
     Nagpatuloy sa pagpaypay si Aling Isme. “E, isang taon pa lamang naman. Sinubukan niyang mag-call center dalawang buwan pagka-graduate niya, pero masyadong toxic doon.”
 
     Muling ngumiwi ang magkumare. “Call center? Bakit naman doon niya naisipan? Napakaraming magagandang trabaho riyan!”
 
     Tumigil si Aling Isme sa pagpaypay para pahiran ng kung anong sauce ang mga nakasalang sa ihawan. “Bakit hindi? Marangal na trabaho naman din iyon. May kataasan din ang sahod.”
 
     “Bagsakan iyon ng mga taong tamad maghanap ng trabaho, Isme, o kaya ng mga trabahong hindi makapasok sa dapat na industriya nila,” ani Kumare #2.
 
     “Ano nga ulit ang kurso ni Sandy?” Si Kumare #1.
 
     “Political Science,” tila proud na saad ni Aling Isme.
 
     “O, e, bakit siya nag-call center lang? Aba’y napakamahal ng kurso niyang iyon. Akala yata talaga ng ibang kabataan, e, pinupulot ng mga magulang ang pagpapaaral sa kanila.” Maliban sa mga nakasalang nang order nila, muling dumampot si Kumare #2 ng dagdag at siya na mismo ang naglatag niyon sa ihawan.
 
     “Alam mo, Isme, payong magkumare lang, ha,” turan ni Kumare #1, “kung ako sa iyo, paghanapin mo na si Sandy ng matinong trabaho, iyong pasok sa pinag-aralan niya. Humihirap na ang buhay ngayon at tumataas na ang mga bilihin. Aba’y wala nang panahon para magpa-bandying-bandying pa, ano. Tulungan ka na kamo niya’t para hindi ka na magtinda!”
 
     Umismid ako at humalukipkip. Pinag-aaralan ko ang ekspresyon ni Aling Isme, mukhang hindi naman siya nao-offend sa sinasabi ng dalawa niyang kumare. Kung ako siguro ang sinabihan nila, baka napalayas ko na sila. Sa kanila na ang barbecue nila. Nakakaloka!
 
     “Mga kumare, hindi ko naman pinag-aral si Sandy at pinaghirapang pagtapusin para lang saluhin lahat ng problema namin. Para rin iyon sa pangarap niya. Pinag-aral ko siya at pinagsikapang mabigyan ng magandang buhay para hindi niya maranasan ang buhay na dinanas ko—namin ng tatay niya. Resposibilidad namin iyon bilang mga magulang niya.” Umayos ng tayo ang ginang, nagpahid ng pawis gamit ang likod ng palad, at saka magiliw pa ring ngumiti sa dalawa. “Kung tutulungan niya kami, nagpapasalamat ako. Pero hindi naman katulad si Sandy ng ibang mga kabataan diyan, noong nag-call center siya, palagi niya kaming binibilhan ng tatay niya ng kung ano-ano.”
 
     Saglit na natameme ang dalawa at tila napahiya, pero mukhang hindi naman din magpapatalo ang dalawa dahil wala pa ring hihigit sa mapagmataas nilang mga kilay.
 
     “Kahit na, dapat ay obligahin mo ang anak mo, Isme! Kaya siguro pasarap lang ang iniintindi! Magulat ka na lang at umuwing buntis iyan, ha? Naku, ikaw rin ang mag-aalaga at bubuhay sa magiging apo mo kung hahayaan mong ganiyan ang anak mo,” ika ni Kumare #1.
 
     “Para kang nagtapon ng pera sa pag-aaral niya kung hindi related doon ang magiging trabaho niya. Ano naman kung magaling at matalino, nakakapagbayad ba ng mga utang mo? Ta’s ang bagsak, e, call center lang?” komento pang muli ni Kumare #2, may himig na ng pangmamaliit ang boses niya.
 
     That conversation took my stress levels to unprecedented heights. May naging ambag ba ang magkumareng mga ito sa tuition fee n'ong Sandy? Kung makapagsalita kasi, e, para namang sinagot ang pag-aaral ng bagets. Kagat-kagat ko ang ibabang labi ko at pilit na nagpipigil. Bakit ba sinasabihan nila si Aling Isme kung papaano maging ina sa anak niya?
 
     Nanatiling kalmado si Aling Isme. “Hindi ganoon si Sandy. Hindi rin porque dinanas ninyo sa mga anak ninyo, ganoon din ang dadanasin ko.”
 
     “Shade!” bulalas ko, pero agad din nama akong napatutop sa bibig dahil sabay-sabay silang lumingon sa direksyon ko.
 
     “Shade?” ulit ni Kumare #1 sa sinabi ko.
 
     “Ah, wala ho ‘yon, dapat po pala nagdala ako ng shades ‘kako dahil nasisilaw ako sa poste ng ilaw, sobrang liwanag!” Tatawa-tawang kinumpas ko ang mga kamay ko sa ere.
 
     “Gabi, e, magsusuot ng salamin, aba’y ayos ka lamang ba, ‘neng?” tanong pa sa akin ni Kumare #2.
 
     Tumango-tango ako. “Oho, sensitive lang ho kasi talaga mga mata ko minsan lalo na kapag sobrang nakakabulag ‘yong liwanag.” Napakamot ako sa ulo at hindi na nagpigil. “Pero makikisingit lang ho usapan ninyo, imposible po kasing hindi ko marinig kung abot sa kabilang kanto ‘yong mga boses ninyo sa sobrang lakas.” Saglit kong tinapunan ng tingin si Aling Isme at saka nginitian bago muling bumaling sa dalawa. “Sa palagay ko, ayos lang naman kung iyong maging trabaho, e, malayo sa naging kurso noong college. Ganoon din kasi ako. Wala naman pong masama roon. Normal lang din po ‘yon. I didn’t want my degree to limit my choice of career. Hindi rin po ang kurso ang nagde-define sa mga career namin. Ang mahalaga naman, naggu-grow kami as a person at natututo po sa buhay.”
  
     Iiling-iling ang magkumare. “Alam mo, hija, papunta ka pa lang, pabalik na kami. Hindi ninyo naiintindihan ang buhay.” Tumingin si Kumare #1 kay Kumare #2. “Bakit kaya ganito mag-isip ang mga kabataan, ano? Kaya hindi kayo umaasenso, e.”
 
     “Heto na ang mga binili ninyo.” Kapagkuwa’y abot ni Aling Isme sa dalawang nakasupot na samu’t saring mga barbecue.
 
     “Kumare, utang muna ito, ha? Binili ko na ng gatas ng dalawang apo ko ‘yong allowance na binigay ni Pia,” ani Kumare #1 na ang tinutukoy siguro na Pia ay ang anak niya.
 
     “Itong akin din, kumare, ha? Malapit naman na ang mga sahod ng mga anak namin. Abot na lang nila sa iyo,” hirit din ni Kumare #2.
 
     I couldn't help but hiss. Lakas ng loob magsalita ng kung ano-ano, mangungutang lang din pala. The audacity of these two women!

     Nanatiling nakapagkit ang ngiti sa mga labi ni Aling Isme. “Walang problema, mga kumare. Ililista ko na lang din muna kasama ng mga nauna ninyong mga inutang.”
 
     “S’ya, uuwi na kami. ‘Wag mong kalilimutan ang payo namin, Kumareng Isme!” pahabol pa ni Kumare #1 bago tuluyang umalis.
 
     “Pagpasensyahan mo na ‘yong dalawang ‘yon, ‘neng,” rinig kong sabi ni Aling Isme sa akin kaya napabalik ang tingin ko sa kaniya. “Gano’n talaga magsalita ang mga ‘yon. Palibhasa’y masyadong nakadepende sa mga anak.”
 
     Humalukipkip ako at saka pumalatak. “Sinilang yata nila ang mga anak nila para maging bangko, Aling Isme.”
 
     Natawa ang ginang. “Iyong mga anak nila, nagrereklamo rito minsan kapag nabili rin ng barbecue, aba’y nauubos daw ang mga pera kasi kung ano-ano rin ang mga pinagbibibili. Hay, buhay.”
 
     Lumalmam ang mga mata ko. “Pero ang suwerte po ni Sandy sa inyo.” Tumanaw ako sa malayo. “Kadalasan kasi, parang isang pagkakamali kapag wala ka agad na-landing-an na trabaho once na g-um-raduate ka. Ang iba pa, grabeee mag-expect sa unang trabaho ng mga anak nila—akala yata’y milyon-milyon agad ang sahod.”
 
     “Ayos lang naman sa akin kung sakali mang gusto magtrabaho ng anak ko sa ibang industriya, kung doon siya magiging masaya, kung doon siya magkakaroon ng growth.” Nagsalang si Aling Isme ng order ng mga bagong dating na customer. “Buhay niya naman iyon. Ayaw ko naman siya pilitin sa mga bagay-bagay. Kung gusto niyang maging komedyante, susuportahan ko rin siya. Ang mahalaga, my daughter is doing the things she loves and enjoys the most. Sayang ang buhay, maikli lang din ito, gawin mo na kung ano ang magpapasaya sa iyo. ‘Ika nga sa isang nabasa kong libro, ‘life is meant to be lived’.”
     
     Ngumiti ako at ninamnam lahat ng sinabi ni Aling Isme.
 
     “Ayaw ko ring dumating si Sandy sa panahon na magsisisi siya kasi hindi niya ginawa iyong mga bagay na gusto niya. Ganoon kasi ako, e. Nagsisisi ako, pero wala, e, hindi naman kasi ako nabigyan ng pagkakataon para gawin ang gusto ko. Hindi ako nabigyan ng pagkakataon para i-purse ‘yong gusto ko. Mukhang mamamatay na lang ako na nakatingin na lang sa malayo at umaasa na sana kaya kong ibalik ang mga oras para nasulit ko naman ang buhay ko kahit papaano. Pero nagpapasalamat pa rin ako kasi kung hindi ito ang kapalaran ko, hindi ito ang pamilyang mabubuo ko.” Tumitig siya sa akin. “Kaya ngayon, ibinibigay ko ‘yong pagkakataon na ‘yon sa anak ko. Hangga’t maaga pa at kaya pa niya.”
 

↤❤↦

Someone To Kiss This Valentine's Day ✓ (Published under Talking Pages) Where stories live. Discover now