Kabanata 24

722 65 10
                                    

Kabanata 24


GANOON ba talaga ang love? Bigla-bigla na lang uusbong. Gugulatin ka na lang. Isang araw, magigising ka na lang na mahal mo na 'yong taong hindi mo inaasahan na mamahalin mo. Wala man lang "excuse me." Wala man lang warning signs. Wala man lang warning bells. Medyo nakakainis kasi hindi man lang nakapag-prepare si Marri. Ni hindi man lang siya nakailag.

Ang daming iba d'yan, ang daming puwede d'yan. Nandyan si Flint. Bakit si Prinz pa? Bakit kay Prinz pa?

Bakit 'yong lalaking nagawan pa niya ng hindi maganda noong nasa high school sila? Bakit 'yong lalaking parang may ulterior motive pa sa pakikipaglapit sa kanya? Bakit 'yong lalaking malabong magustuhan din siya?

Kahit saang anggulo niya tingnan, isa lang ang kahahantungan ng feelings niyang ito: sa heartbreak.

Sino ba ang niloloko niya? Malabong magkaron ng katugon 'tong feelings niya para kay Prinz. Gusto nang matawa ni Marri. Ang laki kasing joke nito.

Napabuga siya ng hangin. Inayos na niya ang bitbit na backpack saka bumaba ng taxi. Dito siya matutulog sa mga Ramirez ngayong weekends dahil nasa Seminar si Flint at walang kasama ang kambal.

Thinking of Flint, she could not help but sigh again. Bakit ba hindi na lang ito ang minahal niya? Bakit si Prinz pa?

Halos sabunutan na ni Marri ang sarili. Kahit ilang ulit pa niyang itanong 'yan sa sarili niya, kahit ilang ulit niyang kuwestiyunin ang pangyayari, wala pa rin magbabago.

She was in love with Prinz. Period.

"Miss Marri!"

"Good morning, Marri," sabay na bati sa kanya ni Flint at ng mga kambal pagkabukas ng pinto ng bahay ng mga ito.

"Good morning."

"Salamat sa pagpayag na samahan 'tong mga bulinggit. Biglaan kasi 'yong seminar. Nasa bakasyon naman grandparents nila," ani Flint saka kinuha sa kanya ang backpack niya.

Iwinasiwas niya ang palad. "Ayos lang."

Sa second floor sila dumiretso ni Flint. Isang silid ang hinintuan nila. Binuksan nito ang pinto saka sinenyas na pumasok siya.

"This will be your room. Katabi mo 'yong kay Jayden. Sa tapat naman 'yong kay Raiden. The room next to Raiden is my room." Inilapag ni Flint ang backpack niya sa may kama. "I think Prinz will be coming today after work."

Napataas ang kilay niya. "Oh?"

Napailing si Flint habang may misteryosong ngiti sa mga labi. "That guy is too transparent."

"Transparent? Pa'no mong nasabi?"

"Nothing. Don't mind me. Anyway, I need to go."

"Ah, sige. Ingat."

Nagliligpit ng gamit si Marri nang pumasok sa silid na tutuluyan niya ang kambal. Bitbit ng mga ito ang kanya-kanyang activity workbook. If, and that was a big if, she would have her own kids in the near future, she wanted to have someone like the twins. Maybe a boy and a girl. 'Tapos 'yong babae, kamukha niya, habang 'yong lalaki, eh, kamukha ni Prinz—whoa. Wait, wait. Hold that thought. As if that would happen.

"Miss Marri, can we do our activity here while you are arranging your stuffs?" tanong ni Raiden habang si Jayden ay sumampa na sa kama saka dumapa. "Jayden, manghihingi muna tayo ng permission, 'di ba?"

Umayos ng upo si Jayden sa kama saka siya binalingan. Pinalamlam nito ang mga mata saka pinagsalikop ang mga kamay. "Please, Miss Marri?"

Natatawang tumango siya. "Sige."

"Yay!"

Nang matapos mag-ayos ng gamit ay tinabihan ni Marri ang kambal sa kama. Nakapagitna siya sa dalawa habang tinuturuan ang mga ito.

"Do you like Uncle Prinz, Miss Marri?" biglang tanong ni Raiden sa kanya.

Gulat na napatitig si Marri sa bata. Bahagya pang napaawang ang bibig niya. "A-ano? B-bakit mo naitanong, Raiden?"

Nagkibit ito ng balikat saka itinutok ang pansin sa kinukulayan. "Hmm. Kasi I want you to be with Daddy but if you like Uncle Prinz, then I guess that's fine, too."

"Why?" si Jayden 'yon.

"She'll still be with us." Hindi sumagot si Jayden kaya nagpatuloy si Raiden. "Saka Uncle Prinz really, really likes Miss Marri while Daddy... I think Daddy still loves Mommy." Naging mahina ang tinig nito nang banggitin ang huli.

"But Mommy isn't with us anymore." Binalingan siya ni Jayden. "Paano sasaya si Daddy, Miss Marri, kung si Mommy pa rin loves niya?"

Ipinatong ni Marri ang palad sa ulo ni Jayden saka ginulo ang buhok nito.

"I think your Daddy Flint needs more time to move on, Jayden. Minsan kasi, kapag sobra nating minahal ang isang tao at bigla siyang nawala sa atin, hindi madaling lumimot. Pero hindi ibig sabihin n'on na hindi masaya ang daddy niyo. He is happy because he has you two, right?"

Unti-unting lumiwanag ang mukha ng kambal. Sabay na tumango ang mga ito saka sumagot. "Yes!"

Napangiti na rin si Marri habang umiikot sa isip ang isinagot niya sa kambal. Kailan ba kasi naging madali ang paglimot? Siya nga, ilang taon na ang lumipas pero hindi nagawang nakalimutan si Prinz. Ilang taon na pero hindi pa rin ito nawala sa puso niya.

Hindi lang 'yon guilt feelings, eh. Nandoon 'yong panghihinayang. Nandoon 'yong unresolved feelings. Nandoon lahat 'yong mga sayang, 'yong mga sana. Sana hindi niya 'yon ginawa. Sana hindi to nawala. Sana... Sana...

"Aba, ano 'yan, heart-to-heart talk?" anang kadarating lang na si Prinz. Nakasandal ito sa hamba ng pinto habang nakahalukipkip. Pinagtaasan sila nito ng kilay. "Hi, boys. May dala akong food."

"Yay!"

Halos hindi magkahumahog na lumabas ng silid ng kambal. Akala mo'y ginugutom niya kung magmadali ang mga ito.

"Ano 'yon, give up ka na kay Kuya Flint?"

Umayos ng upo si Marri saka inirapan si Prinz. "Sino naman nagsabi, aber?"

Naiiling na umupo ito sa tabi niya. Itinukod nito ang mga palad sa kama sa may bandang likuran nito. Tumingala ito saka tumitig sa kisame.

"I agree with you, though."

"Saan?"

"Na hindi madaling lumimot."

Biglang bumalot ang kaba sa sistema ni Marri. Parang may biglang pumisil sa puso niya at nahirapan siyang makahinga.

"B-based from experience ba?" Ay, tanga. Masokista ba siya? Kailangang itanong pa? "Bakit naman hindi mo makalimutan?"

Nagkibit ng balikat si Prinz. "May virus kasi 'yon, eh. Ayaw maalis. Gustong tumambay. Kahit ano'ng pilit mo, hindi matinag. Daig pa 'yong kanta ng The Script."

Pilit na tumawa si Marri. "Baka kasi ayaw mo rin alisin kaya gano'n."

Hindi sumagot si Prinz dahilan nang pagtingin niya dito. Tutok ang tingin nito sa kanya pero ang dating kay Marri, para bang lagpasan ang tingin nito. It was as if he was looking at her but he wasn't really seeing her.

"Huy! Natulala ka na sa kagandahan ko," pagbibiro niya para alisin ang sakit na biglang sumirit sa puso niya.

Biglang tumawa si Prinz. Itinaas nito ang isang kamay saka idinutdot sa noo niya. "Masyado kang mayabang, ineng."

Tinapik niya ang kamay nito. "Mana sa 'yo."

Tumayo na si Prinz. Inilahad nito ang palad sa kanya na kimi niyang ginagap. Hinatak siya nito patayo. Ang akala niya ay bibitawan na nito ang palad niya pero hindi. Magkahawak ang kamay na lumabas sila ng silid para puntahan ang kambal.

Napatingin si Marri sa palad nilang dalawa. Unti-unting umangat ang tingin niya mula sa likod ni Prinz hanggang sa ulo nito.

Handa ba ang puso niya sa hindi magandang kahahantungan ng pagmamahal niyang ito?

Love Me Tinder (To be published under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon