17. Suspect

1.9K 146 24
                                    


Sanay pumatay si Edric—ultimo sariling dugo ay papatayin nito basta alam niyang may hustisya ang gagawin niya base sa pinaniniwalaan niya mula pa noong unang panahon nila. Masasabi ng karamihang iba ang perspektibo nila sa ginagawa niya ngunit hindi siya basta-basta kumikitil ng buhay dahil naniniwala siyang mga tao lang ang gumagawa niyon sa mga kapwa nito. At hindi siya gagaya sa mga ito dahil pinatay ang kanyang ina sa paniniwalang hindi niya lubos maunawan mula pa noon.

Napakaraming dahilan para patayin si Chancey. Maliban sa pagiging Dalca nito, kung ano-anong sumpa ang nakadikit dito at isa siya sa pangunahin nitong biktima mula nang pagtangkaan niya itong patayin tatlong taon na ang nakalilipas. Iyon nga lang, sa dami ng dahilan para patayin ito, natutumbasan iyon ng katotohanang hindi ito dapat mamatay hangga't hindi natatapos ang sumpa ng testamento ng Ikauna. Pero para sa kanya, may higit pang dahilan kaya ayaw niyang mamatay ito. At hindi na mabilang kung ilang beses niyang itinangging personal ang dahilan na iyon.

Maaga siyang nagising at naabutan si Chancey na mahimbing na natutulog pagsapit ng alas-kuwatro ng madaling-araw. Wala siyang balak maging alipin nito o maging sunod-sunuran dito sa kung ano man ang kailangan nito, pero kilala niya si Chancey. Hangga't kaya nitong gawin ang isang bagay, ito na ang gagawa niyon at babalewalain ang lahat ng tulong na puwede nitong makuha sa paligid. Ito lang ang kilala niyang magpaparinig na kailangan ang isang bagay pero ito pa ang unang-unang tumatanggi kapag ibinibigay iyon dito.

Mabait si Chancey, nakaparaming beses na niyang napatunayan iyon—bagay na kinaiinisan niya rito dahil sinasabi na niyang huwag itong magiging mabait sa lahat dahil hindi rin lahat ay magiging mabait para dito. Ayaw niyang sinasamantala ng iba ang pagiging matulungin nito. Mabuti sana kung nakokontrol ito ng ibang gaya niya, kaso hindi. Kung kikilos ito, palaging bukal sa loob, walang nag-uutos.

Gaya ng nakasanayan, pagbaba niya dining area, naabutan niya roon ang pamilya niyang nag-aalmusal sa mahabang mesa.

"Brother," bati sa kanya ni Morticia nang makita siya nitong naglalakad papunta sa puwesto nito. "I was in Prios yesterday. Hughes said the mortal cursed you again."

Walang inimik si Edric. Binalewala ang balita ng kapatid. Iyon nga ang nangyari at ayaw na niyang ibalik pa umagang-umaga.

"If you're planning to ruin the family's decision, you better not try it, son," paalala agad ni Rorric habang mahinhing hinihiwa ang mahilaw-hilaw na karneng nasa plato nito.

Wala pa ring imik si Edric. Pinag-iisipan pa lang niya ang gagawin kay Chancey. Kapag pinatay niya ito, madadamay ang buong Prios sa sumpa ng testamento. Kapag pinatay niya ang anak nito, wala pang nababanggit doon na may mangyayaring masama sa buong pamilya.

Naghain ang mga tagapagsilbi nila ng almusal para sa kanya. Pero kung siya ang tatanungin, gusto pa rin niya ang niluluto sa kanya ni Chancey. Hindi nga niya alam kung ano ang inilalagay nito sa pagkain kung bakit sumasarap iyon kahit wala namang kahit anong dagdag sa plato maliban sa karne.

"Brother, you will guard my room for today. You promised," paalala ni Morticia sa kanya. "Protecting my little munchkins from that witch is a huge responsibility. I have my trust in you."

Wala naman nang pakialam si Edric sa mga teddy bear. Buo pa rin naman ang kanya sa kuwarto at nadagdagan pa ng isa. Ang tanging nasa isip niya ay kung paano papatayin ang dahilan kung bakit gustong kumagat ng kung ano ni Chancey tuwing gabi.

Natapos ang almusal na ang daming sermon at paalalang natanggap si Edric, pero ni isa roon ay hindi niya sinagot. Iba talaga ang laman ng isip niya mula pa paggising. Pagbalik niya sa kuwarto, gising na si Chancey at ngumunguya na naman ng marshmallow kahit wala pang almusal. Pansin niyang basa na ang buhok nito at nakasuot na ng hoodie at jogging pants kaya sigurado na siyang katatapos lang nitong maligo.

Prios 4: Living with the VanderbergsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon