12. Manifestation

1.9K 177 17
                                    


Madaling malaman ni Edric kung buntis ang isang babae dahil nakararamdam siya ng ibang aura at nakalalanghap siya ng ibang amoy rito. Alam lang niya kung paano pipili ng biktima. Hindi pa niya kahit kailan tinangkang mag-alaga ng buntis.

Bakit nga naman kasi niya gagawin iyon samantalang ang dami nilang katulong at wala rin naman siyang asawa?

Kahit paano ay nakatulog naman siya matapos umiyak ni Chancey. Nagising na nga lang siyang may kumot na habang nasa kama. Nasa kabilang dulo naman siya kung saan niya inihiga si Chancey, at wala rin naman siyang ginawang kakaiba rito. Sabi nga niya, mamamatay muna siya bago maulit ang nangyari sa ritwal.

Wala siyang pasok sa trabaho. Maaga pa kung tutuusin ang alas-otso y medya na gising niya. Kung walang kung sinong bisita sa kastilyo nila, malamang na gabi na siya gigising dahil pinuyat talaga siya ng mga babaeng naroon sa bahay nila na pulos iyak nang iyak.

"Witch?" pagtawag niya pagbangon na pagbangon. Maliwanag na sa labas, pumapasok ang sinag ng araw mula sa balcony.

Pinaling-paling niya ang leeg sa magkabilang direksiyon habang himas-himas ang batok. Wala si Chancey sa paligid. Naisip niya na baka naunahan siyang magising dahil tanghali naman na. Kumakain na naman siguro ng maliliit na unan na sinasawsaw nito sa dugo.

Dumeretso agad siya sa banyo para maligo. Bumungad agad sa kanya ang may-kadilimang banyo dahil sa itim na tiles sa dingding at sahig. Kulay dilaw ang ilaw kaya hindi rin gaanong maliwanag kahit nakabukas iyon.

Walang salamin sa Winglov. Kahit gaano pa kakintab ng tiles ay hindi pa rin sila naaaninag doon. Maliban sa ilang uri ng salamin na kulay itim at walang pilak sa base plate.

Mabigat ang pakiramdam niya dahil alanganin ang tulog at alanganin pa ang gising. Pagtapat niya sa shower, tiningnan agad niya ang brasong kinagat ni Chancey kagabi. May bakas pa rin naman ng kagat pero masyadong mababaw para sabihing masakit.

Napapaisip tuloy siya kung bakit nagawa iyon ni Chancey. Hindi niya masabing dahil gusto lang nitong gumanti kaya siya kinagat. Dahil kung gaganti man ito sa kanya, malamang na gagamit talaga ito ng armas o kapangyarihan para magalusan man lang siya na ikaiinis niya.

Pero hindi.

Umiiyak si Chancey at tumahan lang pagkatapos panggigilan ng kagat ang braso niya.

Mas kinakabahan siya sa ginagawa nito sa pinsan niya dahil likas pa namang uto-uto si Donovan.

Nakatapis lang siya ng tuwalya nang lumabas sa banyo. Gumagapang pa ang tubig sa matipunong katawan niyang namintina ang kisig sa loob ng napakaraming dekada.

Pero walang pumupuna ng ganda ng katawan niya dahil wala nga raw espesyal doon para sa mga uri nila at hindi rin naman nakapagsasabi ng totoo ang mga babaeng nakasama niya dahil walang sariling kamalayan.

Nagpupunas siya ng gintong buhok nang mapahinto kasi kapapasok lang ni Chancey sa kuwarto niya. May yakap na naman itong puting unan habang kumakain din ng mas maliit na puting unan na kasya sa bibig nito. Pero pansin niya na nakasuot ito ng red hoodie at denim jeans. Mahilig itong magpaa kaya naninibago siyang naka-running shoes ito.

Nilingon siya nito nang hindi humihinto sa paglakad. "Akala ko, mamayang gabi ka pa gigising."

"Are you going out?" tanong pa niya. Isinampay niya ang tuwalya sa kanang balikat at lumapit kay Chancey na inilapag ang yakap na unan sa couch. "Where are you going?"

"Di ba, sabi ko, bibilhan kita ng teddy bear."

"You'll go alone?" Iniharang niya agad ang bulto niya sa daanan ni Chancey pagtalikod nito.

Prios 4: Living with the VanderbergsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon