Chapter 43

2.2K 138 7
                                    

Chapter 43


TITUS


"Bakit kailangan nilang umalis? Bakit kailangan nila tayong iwan?" nanginginig na tanong ko kay Milo habang yakap-yakap ang aking mga tuhod.

Marahan niyang hinimas ang tuktok ng aking buhok "Kinakailangan nilang umalis dahil ipinatawag sila ng Emperador. Simula ngayon ay doon na sila maglilingkod. Hindi ka ba masaya na nasa sangay ng gobyerno ang iyong mga magulang?" malumanay naman na sagot niya sa akin.

Tumango ako habang kagat ang pang-ibabang labi. Kagabi ay umalis ang mga magulang ko dito sa Bayan dahil ipinatawag sila ng Emperador. Ang saad nila sa akin ay doon na raw muna sila maglilingkod pansamantala. Wala silang sinabi kung kailan sila babalik. Kalahating araw pa lamang sila na wala rito sa aming bahay ay labis na akong nangungulila sa kanila.

Apat na taon na ang lumipas matapos mawala ni Nanay Inez. Kaya nagdesisisyon ang mga magulang ko na kupkupin na lamang si Milo dahil wala itong ibang kamag-anak na malalapitan. Apat na taon na rin kaming magkasama sa iisang bahay. Apat na taon na rin umiikot sa kanya ang aking mundo. Siya lamang ang nag-iisang kaibigan na may malalim akong koneksyon.

Sa loob ng apat na taon na pananatili ni Milo rito sa amin ay labis na nagbago ang kanyang ugali. Kung noon lagi niya akong inaaway at sinasaktan gamit ang kanyang kapangyarihan, ngayon ay hindi na. Kaya labis ang pasasalamat ko sa mga magulang ko dahil ginabayan nila si Milo sa madidilim nitong taon. Alam kong hindi naging madali ang pagtanggap niya sa nawala niyang mga mahal sa buhay.

"Huwag kang mag-alala, narito naman ako para lagi kang samahan. Alam mo naman na hinding-hindi kita kayang iwan. Sabay natin hihintayin ang muli nilang pagbabalik." dagdag pa ni Milo at malumanay akong niyakap.

Sa apat na taon kong kasama si Milo ay naging mabuti ang pagsasama namin. Lagi kaming naglalarong dalawa. Lagi niya akong tinutulungan sa paaralan. Lagi niya rin akong ipinagtatanggol sa mga nang-iinsulto sa akin dahil hindi pa lumalabas ang aking mahika. Lagi siyang nasa aking tabi kapag kailangan ko siya. Lagi siyang nakangiti sa akin na para bang masaya rin siya na kasama niya ako.

Ngumiti ako at pinunasan ang aking mga luha "Tara, kumain na tayo sa ibaba. Baka lumamig na ang nilutong almusal ni Nanay Agatha at mapagalitan pa tayong dalawa."

Matapos namin kumain ay dali-dali rin kaming nag-ayos dalawa dahil mag-aalas otso na ng umaga. Magagalit ang aming Maestro kapag nahuli nanaman kaming dalawa sa klase. Hinatid lang kami ni Tatay Berto gamit ang kanyang karitela patungo sa paaralan. Ito ay isang pampublikong paaralan para sa lahat ng estudyante ng Bayan ng Slavia.

"Sandali lang Titus, pinapatawag lang ako ng Maestro. Huwag mo na akong hintayin at kumain ka kapag nagugutom ka na. Mabilis lang ito." nagmamadaling saad ni Milo at mabilis akong iniwan doon sa lagi namin pinupuwestuhang puno kapag tanghalian.

Masarap na ulam ang ipinabaon sa amin ni Nanay Agatha. Kahit na gusto ko nang kumain ay napagdesisyunan ko na hintayin na lamang si Milo. Mataas na ang sikat ng araw dahil tanghaling tapat na. Tanging ang malaking puno sa gilid ko ang nagsisilbi kong lilim sa mainit na tanghali. Maalingsangan din ang buong paligid at mahapdi sa balat ang mainit na simoy ng hangin.

"Ang tagal naman ni Milo, akala ko mabilis lang siya -----" napahinto ako sa pag-aayos ng aming kakainin nang may malakas na sumipa sa mga sisidlan na dala-dala ko.

Nanlaki ang mga mata ko nang magliparan sa buong paligid ang ulam na may halong kanin. Nang tignan ko naman kung sino ang gumawa nito ay nakita ko ang tatlo kong kaklaseng malalaking lalaki. Nakangisi ang kanilang mga mukha na para bang labis nilang ikinatuwa ang kanilang ginawa sa aming pagkain. Mariin naman na nagtagis ang mga ngipin ko kasabay ng malabilis na pagtibok ng puso ko.

Grimoire AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon