Chapter 40

2.4K 178 37
                                    

Chapter 40


TITUS


"Ghorl? Talaga bang ayos na ang pakiramdam mo? Baka masakit pa iyang sugat mo." nag-alalang tanong sa akin ni Ruhk habang binubuksan ang kurtina ng malaking bintana sa aking likod.

Dahan-dahan niya akong inalalayan makaupo sa aking kama. Mariin akong napakagat ng labi dahil ramdam ko pa rin ang hapdi ng aking likod mula sa pagkakahiwa sa akin ng Emperador. Balot na balot pa rin ng benda itaas na bahagi ng aking katawan. Mas mabuti na ang kalagayan ko ngayon kaysa nitong mga nakaraang araw.

Pinagmasdan ko ang mga estudyante saa labas na unti-unti nang nagdadatingan mula sa kanilang isang linggong bakasyon. May kataasan na ang pang-umagang kaya tumatama na ang sinag nito sa aking balat. Bahagyang binuksan ni Ruhk ang bintana upang malanghap ko ang sariwang hangin mula sa labas. Doon mas lalo kong naramdaman ang lamig ng pang-umagang hangin.

Magsisimula na ang ikalaawang semestre bukas ng Lunes. Kaya nag-iikot na ang mga Maestro upang bilangin kung sino pa ang nasa labas ng Akademiya. Kanina ay dumaan na din dito ang Maestrong naka-antabay sa akin. Ang malaking hiwa ko sa likod ay nagtamo ng ilang tahi at hindi ko alam kung tuluyan na mawawala ang iniwan bakas nito sa aking balat.

Ngumiti ako "Huwag kang mag-alala, mas maayos na ang pakiramdam ko ngayon. Pasensya na nga pala kung bakit naantala ang iyong bakasyon ng dahil sa akin." malumanay na saad ko at nilingon ang katabi kong kama.

Wala pa rin malay si Glenn at hindi man lamang ito nagising sa limang araw namin na pananatili namin dito sa Pagamutan sa Dormitoryo ng Akademiya. Bahagyang namumutla pa rin ang kanyang mukha. Bakas pa rin ang dugo sa puting benda na nakabalot sa kanyang pang-itaas na katawan. Nagtamo si Glenn ng ilang operasyon para sa kanyang malalim na sugat.

Ayon sa Maestrong nakausap ko ay ilang parte ng kanyang lamang loob ang tinamaan ng espada kaya kinakailangan na tahiin ang mga ito. Isang malaking milagro na rin daw ang nangyari sa kanya dahil maraming dugo ang nawala sa kanyang buong katawan. Kaya ilang sisidlan ng dugo ang isinalin sa kanya upang mapunan ang pagkukulang na nawala sa kanya.

Gumamit lamang ng kaunting mahika sa akin ang Maestro dahil kailangan daw ay natural na gumaling ang aking sugat sa sariling kapabilidad nito. Si Glenn ang ginamitan ng ilang salamangka upang mapunan ang napakalalim na sugat mula sa kanyang likod na tumagos hanggang sa ibaba ng kanyang dibdib. Mabuti na lang daw at hindi tinamaan ang kanyang puso.

Marahan na hinampas ni Ruhk ang aking kanang braso "Ano ka ba Ghorl! Parang hindi naman tayo mag-beshie niyan! Alam mo bang halos takbuhin ko na ang itong Akademiya galing Tanbarun?! Halos hindi magkandaugaga sa pagbabalita sa akin itong sina Kisumi at Levi!" natatawang wika niya habang inaayos ang aking almusal na inihahanda niya sa maliit na lamesa sa tabi ng aking kama.

Limang araw na ang lumipas nang mabalik kami ni Glenn dito sa Akademiya. Pagkapindot ko pa lamang doon sa instrumentong ginamit niya noong tumakas kami sa kweba ay napunta kami kaagad dito. Buong akala ko ay sa huling destinasyon na namin kami dadalhin nito. Biglaan kaming sumulpot dalawa sa harapan ng napakalaking tarangkahan ng Akademiya.

Sa loob ng limang araw na iyon ay isang buong araw akong tulog at walang malay. Nang magising ako ay si Ruhk na ang nagbabantay sa akin. Palit-palitan sila nina Kisumi at Levi ng oras. Si Ruhk mula ala-sais ng umaaga hnggang alas-dose ng tanghali. Si Kisumi naman ay mula alas-dose ng tanghali haggang ala-sais ng gabi. Habang si Levi ay mula ala-sais ng gabi hanggang alas-diez.

Ang isa pang labis kong pinagtataka ay walang Maestro ang nagtanong sa akin kung anong nangyari sa amin ni Glenn. Hindi ko alam kung hinihintay muna nila kaming gumaling bago tuluyan usisain. Wala rin akong pinagkwentuhan ng nangyari. Kahit si Ruhk ay hindi na nagtanong pa at nirespeto na lang ang desisyon ko na manatiling tahimik.

Grimoire AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon