Special Chapter 4

962 64 25
                                    

Special Chapter 4

TITUS


"Palagi kang nababanggit sa akin ng Mahal na Emperador, Titus... Marami siyang mga alaala na ng inyong pagkakaibigan noong kayo ay nasa Akademiya pa lamang." nakangiting saad sa akin ng Mahal na Emperatris habang ako ay mariin na tinititigan.

Hindi ko naman maiwasan na mapangiti dahil hanggang ngayon pa rin pala ay pinahahalagahan ng Mahal na Emperador ang aming pinagsamahan. Buong akala ko noong umalis siya sa Akademiya at opisyal ba naging Emperador ay makakalimutan na niya ako.

Ngumiti ako at humigop ng tsaang inihanda nila sa akin "Kayo rin naman, Mahal na Emperatris. Nabalitaan ko ang inyong pagsasama sa mga liham na ipinadala niya sa akin." malumanay na sagot ko sa kanya.

Ganoon din ang ginawa ng Mahal na Emperatris, uminom din ito ng tsaang nakahanda sa kanyang harapan. Sa bawat kilos ng kanyang kamay ay mapapansin ang pagiging Maharlika nila. Nag-uumapaw ang kanyang maayos na pag-uugali at etiketo.

Hindi maipagkakaila na napakaganda ng Emperatris na nasa aking harapan. Ang kanyang itim na itim na buhok ay napakahaba. Ang kanyang mapupungay na mga mata ay nangungusap. Ang kanyang mukha ay palaging nakangiti.

Ang nasabi lamang sa akin ng Mahal na Emperador noon ay Anak ng Alkalde ng Tanbarun ang Pamilyang pinanggalingan ng Mahal na Emperatris. Nararamdaman ko naman magiging isang mabuting Inang Bayan ang Mahal na Emperatris sa buong Imperyo.

"Alam mo Titus, na-iinggit ako sa'yo. Alam kong alam mo na ang aming pagpapakasal sa isa't-isa ay tungkol lamang sa pagiging matapat ng aming Pangalan sa Imperyong Pamilya." seryosong wika niya sa akin kaya biglang nag-iba ang igip ng hangin.

Tumahimik ako at mariin siyang tinitigan. Kitang-kita ko sa ekspresyon ng kanyang mga mata ang pagiging seryoso sa mga sinasambit niya sa akin. Napasinghap ako ng hangin dahil hindi ko inaakala na ganito ang nararamdaman niya.

Muli akong humigop ng tsaa bago ako magsalita "Wala ka dapat na ika-inggit sa akin Mahal na Emperatris. Isa lamang akong ordinaryong tao na may ordinaryong buhay." malalim ngunit may laman kong sagot sa kanya.

Narinig ko ang pagbuntong hininga niya "Na-iinggit ako dahil kitang-kita ng aking mga mata ang labis na pagmamahal sa'yo ng Bise Alkalde. Ang bawat titig niya sa'yo ay kanina ay punong-puno ng pagmamahal." dagdag wika pa niya.

Napaisip ako sa binanggit niya kanina. Hindi kaya ito ang tinatawag nilang pag-iisang dibdib para lamang sa kapangyarihan? Madalas ko lamang itong nababasa sa mga libro ngunit hindi ko inaasahan na nangyayari pala ito sa buong buhay.

Sabagay, hindi naman ako lumaki bilang isang Maharlika. Kaming dalawa ni Milo na namuhay ng simple at ordinaryo sa isang malayong Bayan. Doon kami nagsimula at hanggang ngayon naroon pa rin kami at masayang nagsasama.

Kung kanina ay masayang reaksyon ang aking nakikita, ngayon naman ay animo'y nabalot ito ng kalungkutan. Sana balang araw, matapos man ang kanilang pag-iisang dibdib ay pareho silang maging masaya para sa isa't-isa.

Malumanay niya akong pinagmasdan "Malalim ang aking nararamdaman para sa Mahal na Emperador ngunit pakiramdam ko ay napakalayo pa rin ng kanyang loob sa akin." mahinang wika niya sa akin habang mariin niyang hinahawakan ang kanyang tasa na may lamang tsaa.

Huminga ako ng malalim "Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin sa inyo Mahal na Emperatris dahil hindi ko naman naranasan ang inyong nararamdaman noon." saad ko sa kanya at tinitigan ang kanyang itim na mga mata.

Muli akong nagsalita "Ang aking maipapayo lamang, gawin mo pa rin ang iyong buong makakaya upang makuha mo ang loob ng Mahal na Emperador. Ako nga ilang taong naghintay at halos mamatay para lamang sa pagmamahal ko sa Bise Alkalde." natatawang saad ko pa sa kanya.

Grimoire AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon