Chapter 17

4.1K 264 54
                                    

Chapter 17


TITUS


"Ghorl ba't parang puyat na puyat ka ata? Partida wala pa tayong ginawang matindi sa klase kahapon. Namahay ba 'yang katawan mo at hindi ka ata nakatulog ng maayos." nagtatakang tanong sa akin ni Ruhk habang nasa ibabaw nanaman kami ng araw.

Ito ang pangalawang araw ko sa klase at sinabi ni Maestra Raphaela na ganoon pa rin daw ang aming gagawin. Muli naming iikutin hanggang mamayang tanghali ang buong Akademiya at mamayang hapon daw magsisimula ang aming klase tungkol sa kasaysayan ng mahika.

Ilang oras lang ang aking naging tulog kagabi dahil nga napasarap ako ng tulog kahapon. Isa rin dahilan ang pamamahay ng aking katawan na naninibago pa sa kwartong tinuluyan ko. Ngunit ang hindi talaga nakapagpatulog sa akin kagabi ay ang ginawa ni Milo.

Hindi ako maaaring magkamali na siya iyon, bakit hindi niya ako nakikilala? Simula bata pa lang ako ay kabisado ko na ang pasikot-sikot ng bituka nyan kaya nang sabihin niyang hindi niya ako kilala ay para bang may tumurok na ilang daang karayom sa dibdib ko.

Nakikita ko sa kanyang mata na nagsasabi siya ng totoo at hindi ko ito mabakasan ng anumang bahid ng pagsisinungaling. Para bang hindi man lang niya ako nakasalamuha sa buong buhay niya at iyon ang unang pagkakataon na magkita kaming dalawa.

Hindi rin ako nakaligtas sa paghihimutok niya dahil daw sa paggalaw ko ng mga kagamitan niya. Aambaan niya pa sana ako ng sapak sa mukha at mabuti na lang na may kung anong espirito ang sumapi sa kanya at hindi niya itinuloy iyon. Pinatulog lang naman niya ako sa malamig na sahig ng kwartong iyon.

"A-ah oo napuyat kasi hindi ako makatulog kagabi kakaisip kung kailan natin sisimulan ang paggamit ng ating mga mahika." nakangiting pagpapalusot ko.

Agad namin simulan ang aming pag-eehersisyo. Ang nakakapagtaka lang ay halos nabawasan ng lima ang mga kaklase ko na nabalitaan namin na lumipat na pala sa ibang Maestro. Kaya naman natatawa kaming pinagalitan ni Maestra Raphaela na wala pa raw sa kalingkingan ang gagawin niyang pagpapahirap sa amin.

Lupasay kami ni Ruhk na naglalakad papunta sa hapag-kainan kung saan kumakain ang lahat ng estudyante ng Akademiya kapag tanghalian na. Marami kaming nakakasalubong na mas matataas ang taon sa amin ngunit marami-rami rin ang mga nasa unang baitang.

"Grabe naman 'yang Maestra natin Ghorl. Nakakaloka, pagod na pagod na itech." wala sa sariling saad ni Ruhk sa akin habang pinupunasan ang nagmamantika niyang mukha.

Bumuntong hininga na lamang ako dahil kahit ako ay hindi ko rin malaman-laman ang dahilan kung bakit ganoon ang uri ng pagtuturo ni Maestra Raphaela. Ang isa pa sa labis kong ipinagtataka ay ang uri ng pananalita ni Ruhk. Hindi ko maintindihan ang karamihan sa mga ito.

Pareho naman kami ng lenggwaheng binibigkas ngunit may ibang salita akong naririnig na ngayon ko lang nalaman. Para bang may kung anong halong iba pang lenggwahe ang winiwika niya. Ayaw ko naman siyang tanungin at mamaya ay magtatalak naman ito.

"Oo nga, bakit kaya ganoon si Maestra Raphaela? Saka may mga kaklase tayong nais na raw na lumipat sa ibang Maestro -----" napahinto ako sa pagsasalita nang mabangga ang aking mukha mula sa matipunong likod ng isang lalaking pamilyar sa akin.

Ang asul nitong mga mata na mala karagatan ang itsura ay nagbigay ng kakaibang kuryente sa akin likod ng lingunin niya ako. Agad na sumilay sa manipis niyang mga labi nang mapansin niya ako. Halos manlaki naman ang mga mata ko nang maalala ang ginawa niya sa akin noong una kaming nagkita.

Grimoire AcademyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon