Bakit ka lumisan?
Bawat galaw at kilos mo ang hinahanap sa bawat dumaraan..
Umiiyak ako ngayon, naghihintay, nag-aasam.
Sadya bang wala ka nang pakialam?
Wala ka bang nakikita o nararamdaman?
Ang aking mga mata ay ibinigay sa akin
Hindi upang masaksihan ang nakakahumaling na kurba ng iyong katawan
Kundi upang makita na ikaw ay nasa mabuting kalagayan at aking mabantayan..
Nalimot mo na ba ang lahat ng ating pinagsaluhan?
Ang aking tenga ay ipinagkaloob
Hindi upang marinig ang lambing ng ating pagmamahalan
Higit pa roon ay upang marinig na sabihin mong ako’y iyo ring mahal.
Bakit tila ang pagtalikod mo sa akin ay kaybilis naman?
Ang aking bibig ay sadyang nilikha
Hindi upang madampi ang nag-aapoy na init ng iyong katawan
Kundi upang matikman ang matamis mong halik na tanda ng ating ugnayan.
Nakatagpo na ba ng sa akin ay mas mainam?
Ang aking katawan ay aking inaalay
Hindi lamang upang maglapat ang ating natutuksong diwa
Higit pa roon ay upang iyong maging sandalan..
Paghihintay ko kaya’y hanggang kailan?