Bayang kuyapos ng dangal at yaman
Kung saan bayani ay nangagduruyan
Minsan nang hinamak at pinagkaitan
Ng angkop na buhay na may kasarinlan.
Ang bayang mutya ay sadyang maningning
Kagaya ng buwan – liwanag sa dilim
Ang tanging tahanan ng dugong magiting
Ang likas na yaman ay talino’t galing.
Ang mga dantaon na pinagdaanan
Ay nagsilbing pilat na di malimutan
Mga taong saksi’t nagbuwis ng buhay
Ay tatak ng lahi na makasaysayan.
Ang bawat dugong sa lupa’y lumapat
Di matutumbasan ng ginto at pilak
Di inalintanang magdanas ng hirap
Masiguro lang ang silay ng liwanag.
Ilang bantayog man sa kan’lay ialay
Ay hindi sapat sa kalayaang bigay
Ang mga bayani bantog man o hindi
Marapat lamang na bigyan ng pugay.