Anak, pakaingatan mong lubos ang yong ina
Ang taong maliban sa iyo'y lubhang mahalaga
Ang aking kabiyak, ang buhay at tanging sinta
Ang sayo'y nagluwal, nagbantay, nag-aruga
Ama, bata pa ang araw, ako pa ay gabayan
Sa masalimuot na daan ako ay bantayan
Upang hamon ng buhay ay mapaghandaan
Ako ang magtutuloy ng mithi mo't laban
Anak, pasyalan mo ang ating bukirin,
At simulang pag-aralang ito ay bungkalin
Mga binhing natago ko'y maitanim
Upang sa panahong kapos ay mayrong anihin
Ama, ramdam ko ang lungkot ng iyong paglayo
Kapayapaan ang sa balikat mo'y nakapako
Hiling ko lang na sa akin ay mangako
Pagkatapos ng digmaan, ika'y buhay - nakatayo
Anak, ang ating munting tahanan ay bantayan
Pagkat narito ang tunay nating kayamanan
Ang ating mga ala-ala at karanasan
Pamana ko kung sakaling ako ay lilisan
Ama, hindi ko hangad ang anumang iyong iiwan
Nais ko lamang makasama kang mainit pa ang katawan
Pagkat ikaw ang haligi ng ating tahanan
Ang pagkawala mo'y pagtagilid nito pagkat hindi timbang