Anong bagay kaya ang mas hihigit pa
Sa halik na handog ng may pagkukusa
Sa lapat ng labi na tamis ang dala
Sinumang mabigyan, tiyak pikit-mata.
~
Ang halik na bigay ng sintang hinirang
May pagkamabagal at banayad lamang
Di tulad sa Pranses, tila ubos-lakas
Magaslaw, mabilis at walang hingahan.
~
Ang halik ni lola, paamoy kung minsan
Pasinghot sa pisngi ng hinahalikan
Ang halik ng lalaki sa nililigawan
Sa kamay – pag nariyan ang mga magulang.
~
Ang halik na ngayon ay patok at uso
Ano pa nga ba, edi beso-beso
Pisngi ang siyang gamit at hindi ang nguso
Tila umiiwas sa parteng mabaho.
~
Ang halik ni ina ang pinakawagas
Ang halik ni Ama, minsan lang mamalas
Ang halik sa noo – tanda ng paggalang
At kung sa leeg na'y iba nang usapan
~
Halik ay ‘sang gawi na kay simple lamang
Ngunit di makubling makapangyarihan
Pagkat kaya nitong mabigyan ng buhay
Ang sinumang tao kahit di maalam
~
Ang halik ay libre sa lahat ng bata
Minsa’y binibili ng ilang matanda
Ang halik na unang natikman ni Adan
Na nagpalaganap sa sangkatauhan
~
Anumang paraang ito'y igagawad
Tandaang ibigay ng may pag-iingat
Ang halik na nakaw ang ayaw ng lahat
Maliban sa asawang nanabik ng singkad.