Sa likod ng aking nakangiting mukha
Nagkukubli ang isang ilog ng luha
Sariling kaligayahan ang nakataya
Pagkat tungkulin kong pasayahin ang madla
Payaso ako - kilalang masayahin
Pagkunot ng noo'y di bagay sa akin
Sa aking palabas, isantabi ang damdamin
Lumikha ng ngiti, sila'y patawanin
Sadya ngang kayhirap ng aking tungkulin
Mahirap itago, mahirap pigilin
Ang sakit at pait ay sasarilinin
Ng isang payasong nabrokenhearted din.
Ang durog kong puso ay nabubuo rin
Sa bawat palakpak na alay sa akin
Hindi man tagumpay sa buhay pag ibig
Sa ngiti ng musmos ay panalo na rin