Sana bawat araw ay kasama kita
At bawat minuto ay nakikita ka
Kung ganon lang sana, magiging masaya
Ang simpleng ngiti mo ay ligaya ko na
Dadalhin kita kahit saang bansa
Sabihin lang sakin at wag mahihiya
Bisitahin natin Barcelona Espanya
Danasing lumuhod sa Sagrada Familia
Kung nais mo naman ay doon sa Italya
Sa Roma o Venice, ipapasyal kita
Habang sakay tayo sa kan'lang gondola
Mayrong taga-sagwan at mayrong kakanta
Kung pagod ka na ay isasama kita
Sa ikal'wang palapag ng sikat na Eiffel
Sa tinaguriang "Siyudad ng Liwanag"
Ang Paris sa Pransya, walang makatulad
Sabihin sa akin pag tyan ay kumalam
Bubusugin kita sayong tanghalian
Thessaloniki, Greece ating dadaanan
"Tahanan ng Cafe's at mga restoran"
Di makukumpleto ang ating pagpasyal
Kung di makikita ang Lisbon Portugal
Sa Fatima kung san ilang ulit natanaw
Ang Mahal na Birhen na sati'y may tanglaw.
Denmark naman tayo trip to Copenhagen
Kung san nakilala si (Hans) Christian Andersen
At ang Little Mermaid na siya ang may akda
May estatwa na rin na nakakamangha
Marami-rami na rin ating napuntahan
Ngunit iisa ang aking inaasam
Sa 'Pinas, sa Simbahan ng San Agustin
Ating panunumpa'y doon gaganapin.