Equinox #18

1K 39 1
                                    

#18

Sa wakas at weekend na rin.

Masasabi kong okay naman ang unang linggo ko sa V.U.. Oo, may mga weirdo akong kaklase (nangunguna sa listahan si Saber), weirdong senaryong nasasaksihan at weirdong eksenang naaabutan ('yung uniform ng prinsipe sa rooftop), pero overall, masasabi kong okay naman ang V.U.. Not bad (wag lang talagang may mananakit sa aking bampira, kundi naku! Ako mismo bubunot sa ngipin nila).

Wala akong pasok ngayon pero walang day-off ang pagiging muchacha ko sa bahay. Nandito ako ngayon sa palengke, pinagkakasya ang iniwang budget ni mommy sa pamimili. Hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi ang magaling kong madrasta mula nang ginising at binilinan niya 'ko noong madaling araw na 'yon. Ni hindi rin alam ng dalawa niyang anak kung saan siya nagpunta. O pwede rin namang baka wala lang talaga silang pakealam sa nanay nila.

"1/4 kilo nga po niyang tilapya," sabi ko sabay nguso ko roon sa mga naghihingalong tilapya. Ngumiti naman si Aling Martina at inasikaso ang binibili ko. Suki na 'ko rito kaya pihadong may diskwento ako sa kanya.

Pero nagulat ako nang biglang tumalon ang tilapya mula sa mga kamay ni Aling Martina. Tsk tsk. Pasaway na tilapya. Nang mapatingin ako kay Aleng Martina--MAHABAGING LANGIT! May batang babaeng mukhang taong grasa ang nakasampa mula sa likod ni Aleng Martina, pula ang mga mata nito at napakatulis ng mahaba nitong pangil!

Kakagatin niya si Aling Martina!

Pero bago pa man mangyari ang iniisip ko ay biglang tumigil ang paggalaw ng lahat. Ang mga tao. Ang isdang naghihingalo sa sahig. Pati ang ihip ng hangin ay mistulang tumigil rin. Sinubukan kong gumalaw. Naigalaw ko naman ang daliri ko. Nakita kong masama ang tingin sa akin ng batang babae. Mas lalong nanlisik ang kanyang mga mata.

"Lapastangang mga pure bloods!" sigaw sa akin ng bata. Nagulat ako nang tumalon siya mula kay Aling Martina patungo sa'kin.

"ARGGH! Alis!" pagpupumiglas ko dahil sa likod ko na ngayon nakapasan ang bata.

"Itinigil mo pa talaga ang oras! Hindi mo 'ko mapapatay ng ganyan!" asik nito. Nakakabingi dahil sumisigaw siya sa tenga ko.

"W-Wala akong kinalaman sa pinagsasabi mo!" anas ko habang pinilipit kong kumawala. Tangina baka kagatin ako nito!

"Wag ka nang magmaang-maangan! Papatayin ki---" bigla ko na lang narinig ang malakas na pagbagsak ng bata sa sahig. Nang tignan ko ito ay may nakatusok nang pulang sibat sa kanyang leeg. Umuusok ang sibat, at kasabay ng pag-usok nito'y tuluyang naging abo ang bata.

Lumipad ang sibat na para bang may pwersang humihila rito. Sinundan ko ito ng tingin at hindi ko inaasahang makita ang sibat na hawak ng taong iyon.

"Caleb?"

Pero hindi ako pinansin ni Caleb. Sa halip ay gumuhit siya sa sahig ng malaking bilog gamit ang sibat. Umilaw ang bilog. Inilagay niya ang sibat sa gitna ng bilog at doon ay bigla na lamang may nagsulputang umiilaw na numero na nakapaikot sa loob ng bilog.

Orasan?

Mukhang tumumpak ang hinala ko dahil nahati ang sibat at umikot ang dalawang parte nito na parang kamay ng orasan. Nang tumigil ito sa pagikot ay nagsi-galawan na ang mga tao.

"Krishna.."

Muntik na 'kong mapatalon sa gulat nang masumpungan ko si Caleb sa likuran ko. No where to be seen na ngayon ang sibat at bumalik na sa normal ang lahat.

"A-Anong nangyari?" naguguluhan kong tanong.

"Naku, lintek na tilapya tumatalon pa," napatingin akong bigla kay Aling Marta na pinupulot ang tilapya sa sahig.

"Wala silang matatandaan," bulong sa'kin ni Caleb.

"Pero..paanong.."

"Hija, ito na ang tilapya mo." iniabot sa akin ni Aling Martina ang supot ng isda. Pinapanood lang ako ni Caleb habang binabayaran ko ang aking pinamili.

"Ipaliwanag mo sa'kin kung ano yung nangyari kanina," untag ko kay Caleb habang palayo kami sa palengke.

"Baligtad," ani Caleb. Seryoso siya ngayong nakatingin sa akin. "Ako dapat ang nagtatanong. Bakit noong itinigil ko ang oras ay hindi ka naapektuhan?"

"Hindi ko alam kung anong sinasabi mo.."

"Makinig ka." tinitigan niya ko sa mga mata. "Mga bampira lang ang hindi naaapektuhan ng kapangyarihan ng Lance. At kanina..hindi ka tinablan."

Hindi ako nakaimik. Hindi ko alam kung anong sasabihin. Kahit ako ay naguguluhan din. Bakit nga ba?

"Ang mabuti pa ihahatid na kita," sabi niya.

"T-Teka.." alam kong mas marami pang tanong ang dapat masagot pero na-curious talaga ako sa isang ito. "Pure blood ka di ba? Bakit hindi ka nasusunog sa ilalim ng araw?"

Tinitigan lang ako ni Caleb. Matagal. Hindi ko alam kung nagiisip ba siya ng isasagot o kung iniisip ba niya kung dapat niya bang sagutin ang tanong ko.

"Ang Lance," sa wakas at nagsalita rin siya. "hinihigop nito ang Mana ng kanyang bikitma. At ang Mana na iyon ang ginagamit ko para makatagal sa ilalim ng araw. Kaya kung ako sayo, magmadali na tayo sa bahay niyo dahil maya-maya mawawala na ang talab ng Mana sa'kin.."

***

Binigyang liwanag sa akin ni Caleb ang mga naganap habang nasa byahe kami pauwi. Hindi kami naka-motor, siguro ay dahil sa umaga ngayon kaya kotse ang ginagamit ngayon ni Caleb.

Ang tawag daw sa batang taong grasa na nakita ko kanina ay Pâgala. Iyon pala 'yung sinabi dati ni Saber sa'kin na mas mababang klase ng bampira kesa half bloods. Ang mga Pâgala ay mga bampirang wala sa katinuan. Ang mga ganitong klaseng bampira ay nabubuhay lamang sa pag-inom ng dugo ng tao hanggang sa mamatay ang kanyang biktima.

"Mag-iingat ka sa kanila. Wala silang pake kung makapatay man sila ng tao basta lang makainom ng dugo. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagpatay ng tao kaya naman tinutugis ng monarkiya ang mga tulad nila," pagpapatuloy ni Caleb.

"Mabuti na lang pala at nandoon ka," sabi ko. "kung hindi baka namatay na si Aling Martina."

"Hindi siya agad mamatay," sagot ni Caleb na hindi man lang tinatanggal ang tingin sa daan. "Meron pa siyang matitirang power of existence kaya hindi pa siya agad agad mawawala sa mundong ibabaw."

"Anong power of existence?"

"Basta. Malalaman mo rin iyon balang araw.."

Ilang sandali pa at nakarating na rin agad kami sa bahay. Tumanggi si Caleb nang ayain ko siyang pumasok kaya't nagpasalamat na lang ako sa kanya bago siya umalis.

Ngunit pagpasok ko ay hindi ko inaasahan ang maaabutan ko sa bahay.

"K-Kamahalan.."

Midnight FairytaleWhere stories live. Discover now