Chapter 47:

67 0 0
                                    

Halos hatinggabi nang ganap na makakuha ng lakas si Vincent para makaalis sa lugar na kinalalagyan niya. Dahil walang kapera-pera ay naglakad lang siya mula sa lugar kinalalagyan niya hanggang sa tirahan niya sa may Barangay Pineda. Pagdating niya sa loob ng compound na tinutuluyan ay halos pagapang na siyang pumasok sa kanyang maliit na tirahan dito. Pagkapasok na pagkapasok niya sa maliit na tirahan niya ay agad siyang nahiga sa langitngitin niyang papag dito. Habang nakahiga sa naturang papag ay walang patid ang kanyang pagluha. Dinadama niya ang sakit na dinanas niya kani-kanina lamang. Ang sakit ng kanyang buong katawan bunsod ng tila walang habas na halinhinang panggugulpi sa kanya nila Jason. Ang sakit ng damdamin dahil sa tila napipinto nilang tuluyang pagkakalayo ni Cristina. Dahil kay Cristina ay tila napuno muli ng pangarap ang kay saklap niyang buhay. Tila ba si Cristina ang nagbigay sa kanya ng bagong pag-asa sa buhay. Tila ba si Cristina ang isang nagpamulat sa kanya na may tunay na pag-ibig ngang nananalaytay sa kay lupit na mundong ito na kanyang ginagalawan. Pero ano’t ngayon ay tila magkakalayo na sila ng babaeng ito na tila tanging nagbibigay ng ligaya, pag-asa at pag-ibig sa kanyang tila kay abang buhay? Napakalungkot at napakasakit ng nararamdaman niya na tila ba gusto niyang mamatay na lang at matapos na lang ang tila walang kahulugang buhay na meron siya.

“Bakit? Bakit kailangang patuloy na maging malupit sa akin ang buhay? Sa amin…???”, ang paulit-ulit ay natatanong ni Vincent sa kawalan.

Sa gitna ng tila matinding paghihinagpis na ito ni Vincent ay biglang dumating sa lugar na kinalalagyan niya si Ryan na tila kadarating lang buhat sa trabaho. Gayon na lamang ang pagkagulat ni Ryan nang makita ang kalagayang ito ni Vincent.

“Shit! Vincent! Ano nangyari sa iyo?”, ang gulat na gulat at alalang-alalang sigaw ni Ryan matapos makita ang tila kalunos-lunos na kalagayan ng matalik na kaibigan.

Patakbo ay nilapitan ni Ryan si Vincent upang alamin ang kalagayan nito.

“Shit, pare! Nilalagnat ka! Ang taas ng lagnat mo!”, ang alalang-alalang nasabi ni Ryan kay Vincent.

Patakbo ay lumabas si Ryan sa tirahan ni Vincent upang humingi ng tulong sa mga kapitbahay na sina Vina at Josie. Agad namang tinulungan ng dalawang butihing ginang si Ryan sa paggamot at pagkalinga sa sugatan at tila inaapoy ng lagnat na si Vincent. Nang maging maayos-ayos na ang lagay ni Vincent ay iniwan na siya ng dalawang butihing ginang habang si Ryan na matalik niyang kaibigan ay patuloy na nagbantay sa kanya.

“Ano ba nangyari sa iyo, Vincent? Bakit ka nagkaganyan?”, paluhang natatanong ni Ryan sa walang malay na si Vincent.

Maya-maya pa ay unti-unti nang nagkamalay si Vincent at bagamat medyo nanghihina pa ay nagawa niyang makakilos-kilos kahit konti upang bahagyang maitayo ang sarili mula sa pagkakahiga sa kanyang langitngiting papag.

“Ryan… Kailangan ko ang tulong mo. Kailangan ko ang tulong niyo ni Quincy.”, si Vincent na tila may hinihinging kung anong pabor sa matalik na kaibigang si Ryan.

“Anong tulong iyon, Vincent?”, takang natanong naman ni Ryan kay Vincent.

“Kailangan ko siyang ialis sa lugar na iyon… Kailangan ko siyang…itanan…”

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now