Chapter 7:

191 3 1
                                    

Sa isang construction site sa may Quiapo, Manila ang lugar na pinagtatrabahuhan ni Vincent. Siya ay isa sa mga construction worker dito na kadalasan ay naghahalo ng semento, nagbubuhat at nagsasalansan ng mga hollow blocks o di kaya ay naglilipat ng mga graba gamit ang kariton na may tatlong gulong. Maghapon ang trabaho ni Vincent sa naturang construction site. Maghapon siyang nagbabanat ng buto. Tanghalian lamang at paminsan-misang pakikipaghuntahan sa mga kasamahang construction worker ang pahinga niya. Pagkatapos ng isang maghapon ay pagod na pagod at tila latang-lata na ang katawan niya. Bago umalis sa pinagtatrabahuhan ay aantayin niya muna ang pagdating ng kanilang foreman na siyang may dala ng kanilang susuwelduhin para sa araw na ito. Dahil maliit na proyekto lang naman ang construction na sinabitan ni Vincent ay maliit lang din ang pasahod sa mga tao dito. Halagang siyento singkuwenta lang kada araw. Saan nga ba puwedeng dalhin ng halagang siyento singkuwenta ang tao sa siyudad na ito na tila sa bawat kibot at galaw ay may kaukulang halaga?

Pauwi ay sasakay si Vincent ng dyip na biyaheng Pasig-Quiapo. Bente pesos ang pamasahe mula Quiapo papuntang Pineda. Ang siyento singkuwenta niyang kinita sa maghapong pagbabanat ng buto ay mababawasan kaagad ng bente pesos. Ang pinamasahe niya kaninang umaga at ang pinangkain niya kaninang tanghalian ay ang kinita niya kahapon. Pero hindi ito nangangahulugan na ligtas na sa mga pagkakagastusan ang matitirang siyento trenta niya matapos mabawasan ng bente pesos na pamasahe sa dyip. Sa pagdating niya sa Pineda ay dadaan pa siya sa Tapsilogan ni Aling Mameng upang bumili ng kanin dito. Sampung piso ang isang order ng kanin kaya siyento bente na lang ang matitira sa kinita niyang siyento singkuwenta. Para makatipid ay inihaw na isaw na lamang sa isang barbekyuhan sa tabi-tabi ang bibilhin niya at gagawing ulam. Dalawang pirasong inihaw na isaw ang bibilhin niya. Limang piso ang isa nito kaya sampung piso ang pangkalahatang kailangan niyang ilabas na pera. Dahil nabawasan na naman ng sampung piso ay siyento singkuwenta niyang kita na ngayong ay siyento diyes na lamang.

Uuwi siyang pagod na pagod sa kanyang maliit na tirahan at maiisipan niyang buksan ang maliit niyang aparador at dito ay kunin ang isang dating garapon ng asukal na ngayon ay nagsisilbi nang alkansiya niya. Ilalagay niya dito ang natira sa kinita niya sa maghapon, pero hindi na ito ang parehong siyento diyes na natira kanina matapos siyang bumili ng sampung pisong inihaw na isaw. Ito ay dahil babawasan pa niya ang siyento diyes na ito ng magiging pamasahe at pananghalian niya bukas. Kung mamalasin ay mag-aambag pa siya kapag nag-ayang tumoma ng ilang shot ang mga kaibigan niyang sina Ryan at Quincy. Mula sa siyento diyes ay sitenta pesos ang babawasin niya sa kinita niya bago tuluyang ilagay sa garapon. Ang sitenta pesos na ito ay para sa pamasahe niya para bukas at pangkain sa tanghalian at siyempre ay pantagay kung sakaling magkaayaan ng inuman. Kaya ang matitira lahat sa siyento singkuwentang kinita niya ay kuwarento pesos. Kuwarenta pesos na ilalaan niya para sa buwanang bayarin na katulad ng kuryente at tubig. Imenos na ang maliit na tirahan niya na libre lang courtesy of Quincy's mother Minerva na may malaki daw utang na loob sa kanya noong araw. Pero gayunpaman ay tila walang anumang naiipon si Vincent sa pagtatrabaho niya. Ang kita niya sa araw-araw ay para lamang sa mga gastusin niya sa pang araw-araw. Matapos maisip ang masakit na katotohanang ito ay mapapahiga na lamang si Vincent sa kanyang langitngiting papag at siya ay mapapatingin sa kisame ng kanyang maliit na tirahan na pinamamahayan na ng mga makakapal na sapot at mga naglalampungang butiki. At bigla ay mapapapikit si Vincent at tila ba may kung anong maaalala mula sa kanyang nakaraan...

Batang paslit pa lamang si Vincent ay tila puro kalupitan na ng buhay ang naranasan niya. Siya ay nagmula sa isang malayong bayan ng Bulacan. Namulat siya at nagkaisip na wala nang kinagisnang mga magulang. Tanging ang Lolo Apeng at Lola Nelia na lamang niya ang nakagisnan niyang nag-alaga sa kanya. Ayon sa mga ito ay namatay daw ang nanay niyang si Lea sa panganganak sa kanya. Ang ama naman daw niya na isang Chekwa ay tumakas sa responsibilidad matapos nitong mabuntis ang nanay niya. Bagamat inilagaan ay hindi naging maganda ang pagtrato sa kanya ng lolo at lola niya na mga magulang ng kanyang namayapang ina. Tila ba siya ang sinisisi ng mga ito sa maagang pagpanaw ng nanay niya at sa tila biglaang pagkasira ng maganda sanang buhay nito. Halos araw-araw ay pinapalo siya ng mga ito kahit na walang anumang dahilan. Nang lumaki-laki na siya ay pinatulong siya ng Lolo Apeng niya sa pag-aararo nito sa bukid.  Habang ang ibang mga kasing edad niyang bata ay masayang naglalaro at ine-enjoy ang pagkabata ay eto siya at nagbabanat na ng buto sa murang edad. Kapag libre siya sa trabaho ay sinusubukan niyang makipaglaro sa mga kasing edad niyang bata, pero siya ay pinagtatabuyan at kung minsan ay kinukutya pa ng mga ito. Iba raw siya. Isang alien na hindi nila kapareho. Iba ang hugis ng mga mata niya. Iba ang kulay ng balat niya. Iba ang lahing meron siya. Dilaw. Hilaw. Kinulang sa luto para maging ganap na batang Pilipino na puwede nilang matanggap at makasalamuha bilang kaisa sa kanila. Bata palang ay naranasan na ni Vincent kung paano ang maiitsapuwera dahil sa itsura at kulay niya. Bata palang ay alam na niya ang ibig sabihin ng diskriminasyon kahit na hindi pa niya naiintindihan o naririnig man lang ang salitang ito.

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now