Chapter 4:

213 4 0
                                    

Sa isang pribadong paaralan sa may Kapasigan nag-aaral si Brian. Di tulad ng ibang kabataan na kaedaran niya ay tila salok si Brian sa maraming materyal na bagay na puwedeng ipagyabang kapag nasa eskuwelahan. Sa uniporme palang na suot ay talong-talo na si Brian sa kanyang mga kaklase. Habang ang kanyang mga kaklase ay bago ang mga uniporme at branded ang suot na sapatos na sinamahan pa ng mga mamahaling alahas na nakasabit sa katawan ay eto siya't ang suot na uniporme ay uniporme pa niya mula nung siya ay first year high school pa lamang. Hapit na hapit na sa kanya ang suot na polo. Bitin na bitin na sa kanya ang kakeng pantalon niya. Halos magsalita na ang nakabukang mga suwelas ng pares niya ng sapatos na tila namana niya pa sa lolo niya. Ni wala siyang pambili ng gel upang maayos ang gulot-gulot niyang buhok na tila pang-70's hairstyle ang datingan. Dahil sa ganitong ayos ni Brian ay madalas siyang tawan-tawanan at kutya-kutyain ng mga kaklase niya. Madalas ay tinatawag siyang baduy, weirdo, outcast at galing sa kung saang malayong nayon na hindi marunong makisabay sa uso at IN. Pero sa isipan niya ay ano nga ba ang magagawa niya. Gustuhin man niyang makisabay sa uso ay wala siyang sapat na pera para doon. Ang perang meron lang siya ay para sa pag-aaral niya na kinita niya mula sa mahirap at halos patayan ng katawang pagtatrabaho tuwing gabing dapat sana ay namamahinga siya.

Bagamat tila isang outcast at alien sa paningin ng mga kaklase ay marunong din namang magkagusto at humanga si Brian sa isang magandang kaklase. Ito ay ang kaklase niya at tila pangarap ng buong campus na si Melissa Volk. Anak ng isang mayamang Aleman na nag-donate ng maraming gusali sa eskuwelahang pinapasukan nila. Parang artista sa t.v. ang dating ni Melissa na hindi nakakasawang tignan at talagang nakakaakit ang kagandahan. Kaya naman di mapigilan ni Brian ang lihim na mapatitig dito tuwing siya ay nasa klase. Napapangiti pa nga si Brian na parang nahihibang habang nakatitig kay Melissa. Nang araw na ito ay lihim na nakatitig na naman si Brian kay Melissa. Napapatulala na naman siya at napapangiti na parang nahihibang at nakasinghot ng Rugby. Sa gitna ng pagiging ganito ni Brian ay hindi niya namamalayan na padating na pala sa kinalalagyan niya ang mga kaklase niyang madalas lumoko-loko at umapi-api sa kanya. Ito ay si Gilbert na kilalang sisiga-siga sa campus at ang mga gagu-gagong kabarkada nito na sina Rick, Edmund, Raffy at Luis.

"Kumusta, Brianboy?", nakatawang pagbati ni Gilbert kay Brian sabay lamukot sa kulot-kulot nitong buhok.

"A-e okay naman, mga tsong!", ganting bati ni Brian kay Gilbert.

"Mukha yatang busy ka ha! Masahihin mo naman kami. Masakit ang katawan namin e.", ang tila pag-uutos naman ni Luis kay Brian.

"A-e gagawa pa kasi ako ng mga assignments e.", ang tila pagtanggi ni Brian sa gustong ipagawa sa kanya ni Luis.

Pagalit naman ay kinuwelyuhan ni Edmund si Brian.

"Tinatanggihan mo na kami ha?! Gusto mong samain?!", ang tila paninindak naman ni Edmund kay Brian habang ito ay kinukuwelyuhan.

"A-e hindi naman sa ganon, mga tsong! Busy lang talaga ako!", ang kabadong pangangatwiran ni Brian kay Edmund.

Si Rick naman na kilalang tirador sa campus ay naisipang tignan ang tila kulay itim na kuwaderno sa ibabaw ng lamesa ni Brian.

"Ano 'to ha?!", pagulat pang tanong ni Rick kay Brian sabay kuha sa itim na kuwaderno.

Nang makuha ni Rick ang itim na kuwaderno ay binuklat niya ito at napag-alaman na ito pala ay diary ni Brian.

"Uy! Uy! Uy! May diary ang bida natin! Ano ka si Joe D'Mango ng Love Notes?", ang natatawa namang pahayag at pagtatanong ni Rick kay Brian.

Agad naman ay inagaw ni Raffy mula kay Ricky ang diary at ito ay binasa niya ng malakas sa buong klase.

"Dear Diary! Kanina ay maghapon ko lang tinignan at sinulyapan si Melissa. Napakaganda niya talaga at hindi nakakassawang titigan at sulyapan. Parang nakikita ko at nadarama ang tunay na kahulugan ng paraiso tuwing siya ay nakikita ko. Parang bigla ko na lamang nahihiling na sana ay tumigil na sa pag-ikot ang mundo habang nakatitig ako sa kanya at ito ay sa aming pagitan na lamang umikot. Upang kahit sandali ay mapansin niya na may isang Brian na nagkakagusto at humahanga sa kanya.", pagbabasa ni Raffy ng nilalaman ng isa sa mga pahina ng diary ni Brian.

"How pathetic! How pathetic! Di ko akalain na bukod sa pagiging isang weirdong nerdo ay stalker ka rin pala! Ang taas din naman ng pangarap mo. Si Melissa pa na napakaganda at napakayaman ang inaambisyon mo! Hoy palakang kumag! Huwag ka nang mangarap! Sa baklitang aso lang nababagay ang isang alien na tulad mo!", ang tila panlalait at pang-iinsulto naman ni Gilbert kay Brian.

"Ambisyoso!!!", sigaw naman ni Raffy sabay bato ng isang tumpok ng papel kay Brian.

Naggayahan naman ang ibang mga mapang-api rin sa klase sa ginawang ito ni Raffy. Pinagbabato rin nila ng tumpok ng papel si Brian habang isinisigaw sa mukha nito ang salitang ambisyoso. Bagamat halos ang buong klase ay nasisiyahan sa pang-aapi kay Brian, tila labis namang naawa sa kawawang binatilyo ang magandang si Melissa. Makikita sa mukha niya ang labis na pagkahabag habang napapanood ang pang-aapi ng halos buong klase sa kaawa-awang si Brian. Pero ano nga ba ang magagawa niya sa kagustuhan ng karamihan? Tila para sa kanya ay pagkasira ng reputasyon niya ang ipatanggol o ang madikit man lang ang pangalan niya sa tinatawag na alien at wacko ng buong campus.

Si Brian naman ay lihim na lumuluha ang kalooban habang nararanasan ang ganito. Tila pang araw-araw na parte ng buhay niya ang maapi at maalipusta sa eskuwelahan. Pero ang masakit lang para sa kanya, sa mga sandaling ito ay inaapi siya habang ipinagsisigawan ng mga umaapi sa kanya ang kanyang lihim na pagtangi kay Melissa. Batid niyang pagkatapos ng sandaling ito ay wala na siyang mukha pang maihaharap kay Melissa.

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now