Chapter 12:

137 1 0
                                    

Kinabukasan, umagang-umaga pa lamang ay ginising si Quincy ng maingay na bunganga ng ina niyang si Minerva.

"Hoy, Quincy! Bumangon ka ngang pesteng bata ka! Wala kang pakinabang! Wala kang silbi! Puro pambababae at pag-inom lang ang alam mong gawin!", pagbubunganga ni Minerva sa anak.

Pupungas-pungas pa at medyo masakit ang ulo ay bumangon si Quincy mula sa pagkakahiga sa kanyang higaan. Medyo nahihilo pa ang pakiramdam niya dala ng hangover buhat sa halos magdamagang pag-iinuman nila kagabi ng kanyang mga kaibigan.

"Ay! High blood na naman ang babaeng iyon!", inis na bulong ni Quincy habang bumabangon.

Nang tuluyang mabangon sa higaan, napapailing at napapapalatak ay lumabas si Quincy sa kanyang kuwarto. Paglabas niya sa kuwarto ay sinalubong siya ng nakasimangot at nakasinghal niyang ina.

"Hindi pala makakapunta sina Binong at Nilo sa handaan mamayang gabi! Bakit ni hindi mo man lang sinabi sa akin para nakahanap ako ng kapalit nila?! Ano ba pinaggagagawa mo dung lintik ka at tila wala kang kaalam-alam sa mga nangyayari?!", galit na pananabon at pagtatanong ni Minerva sa anak.

Napapakamot ng ulo ay nagsalita si Quincy.

"Nakaw! Oo nga pala! Nagpaalam sila sa akin kahapon! Pasensiya na po at nalimutan kong sabihin sa inyo.", ang tila paghingi ng tawad ni Quincy sa ina.

"Ano ka ba naman?! Dapat kapag mga ganyang bagay ay sinasabi mo sa akin! Alam mo namang malaking kliyente ang kliyente natin mamaya e! E paano ngayon 'yan?! Sino papalit sa kanila para mag-waiter mamaya?!", inis na pahayag at tila nangangambang wika ni Minerva sa anak.

Sandaling napaisip si Quincy at pagdaka ay biglang napangiti na tila may kung anong naisip na magandang ideya.

"Ako na po ang bahala dun, 'nay! Basta sabihin niyo na lang po kila Aling Mel na magkita-kita na lang kami mamaya sa venue.", ang kalmado at nakangiting sabi ni Quincy sa ina.

Pagkasabi ni Quincy nito ay nagmamadali siyang bumalik sa kanyang kuwarto upang maligo at mag-ayos na. Pero bago siya tuluyang makabalik sa kanyang kuwarto ay tinawag siya ng kanyang ina.

"Sandali lang! Paanong ikaw ang bahala?", takang tanong ni Minerva sa anak.

"Basta 'nay! Trust me!", nakangiting tugon ni Quincy sabay kindat pa sa ina na para bang isang commercial model na nagpapa-cute.

Tuluyan nang pumasok si Quincy sa kanyang kuwarto habang si Minerva naman ay naiwang napapatulala.

"Ano ba ang pinag-iisip ng batang iyon...???", ang nagtatakang natanong ni Minerva sa kawalan.

Kinangtahalian ay makikita si Quincy sa isang branch na McDonald sa may MRT-Quezon Ave. station. Ito ang branch ng McDo kung saan nagtatrabaho si Ryan bilang isang waiter. Saktong nagma-map ng mga sahig sa naturang kainan si Ryan nang dumating dito si Quincy. Nagulat pa nga si Ryan nang makitang naririto ang pinsan.

"O pare! Naligaw ka dito? Huwag mong sabihing dito ka naman maghahanap ng mabibiktimang tsikas?!", bati ni Ryan kay Quincy.

"Hindi pare. Nandito ako para tanungin ka kung okay ka mamaya. Kulang kasi sa tao ang catering namin sa pagse-service mamayang gabi sa isang malaking handaan e. Baka gusto mong umekstra. Extra-income din 'yun.", pagsasabi ni Quincy ng pakay niya kay Ryan.

Sandali namang napaisip si Ryan. Mula sa bulsa niya ay kinuha niya ang maliit na organizer.

"Saglit lang, pare ha. Titignan ko lang kung ano ang sked ko pagkatapos ng work.", marahang sabi ni Ryan kay Quincy habang binubuklat ang organizer nitong hawak.

Parang labis namang natawa si Quincy sa ginagawa ni Ryan.

"Walanjo! Parang tunay ha! Feeling artista ka na talaga, pare!", nakatawang kantiyaw ni Quincy kay Ryan.

Napapailing at napapangiti namang tumingin si Ryan sa pinsan at nagpatuloy siya sa pagtingin sa kanyang organizer. Matapos tignan ang kanyang organizer ay tumango-tango siya.

"Well, okay naman ang sked ko ngayong araw. Walang nakapilang taping or any important appointments.", si Ryan na nagboses-Elvis Presley pa habang sinasabi ang schedule niya kay Quincy.

"Ulol! Para namang andami mong ibang appointments! So mamaya ha! Aasahan kita!", kantiyaw at pagsisigurado ni Quincy sa pinsan na ito ay makakarating sa catering services nila mamaya.

Mula sa pinagtatrabahuhan ni Ryan ay nagtungo naman si Quincy sa construction site sa may Quiapo, Manila kung saan nagtatrabaho si Vincent. Kasalukuyang namamahinga sa may rooftop ng construciton site si Vincent nang madatnan ito ni Quincy. Tulad ni Ryan ay nagulat ito nang makita ang kaibigan.

"Uy, pare! Napagawi ka dito? May problema ba?", bati at tanong ni Vincent kay Quincy.

"Oo, pare e! Kulang kami sa tao mamaya e. Malaking kliyente pa naman iyon. Baka puwede kang mag-sub muna sa isa sa mga tao naming hindi makakarating? Ako na bahala sa kikitain mo at pati na rin sa tsibug mo sa hapunan.", tugon at pagsasabi ni Quincy ng pakay niya kay Vincent.

Napapailing naman ay nagsalita si Vincent.

"Naku, pare! Baka abutin pa ng hanggang mamayang alas onse itong trabaho ko dito ngayon e. Kaya baka pass muna ako diyan. Si Ryan baka puwede. O kaya sina Punk at Brian.", si Vincent na tila nagpapahayag na hindi niya mapagbibigyan ang hinihinging pabor sa kanya ng kaibigan.

"Ang gara naman, pare e! Okay na si Ryan e! Ikaw na lang ang kailangan para makumpleto! Baka naman puwedeng mag-undertime ka muna diyan? Ako na bahala sa kikitain mo para sa araw na 'to.", ang tila pamimilit ni Quincy kay Vincent.

Parang napaisip naman si Vincent.

"Wrong timing e! Minamadali na pagtapos ng gusaling ito e. Ihahabol daw para sa pasukan ng mga estudyante sa Hunyo. Pero ita-try ko rin kung papayagan ako ni Mang Dante na mag-undertime. Sabihan na lang kita mamaya kung puwede ako.", nasabi na lang ni Vincent sa pangungulit sa kanya ni Quincy.

"Okay, sige! Pilitin mo mamaya ha!", ang tila pagsisigurado ni Quincy na makakarating si Vincent sa kanilang catering services mamaya.

Pag-alis sa pinagtatrabahuhan ni Vincent ay makikita si Quincy na tila problemadong naglalakad sa kahabaan ng Quiapo.

"Ay sana ay dumating sila..."

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now