Chapter 1:

595 6 1
                                    

Lunes ng umaga, simula na naman ng unang araw ng linggo para sa karamihan sa Barangay Pineda. Sa umagang ito ay makikita ang paggising ni Vincent buhat sa may kahimbingang pagkakatulog. Sa pagbangon niya ay bahagya pa niyang hinipo ang tila masakit niyang ulo. Naalala niya na halos magdamag pala silang nag-inuman kagabi ng mga kaibigan niyang sina Ryan at Quincy. Pagkabangon ay naligo siya ng mabilis at pagkatapos ay nagbihis siya ng mabilis din. Matapos magbihis ay nanalamin pa siya at sinuklay ang humahaba na niyang buhok. Batid niyang hindi naman masama ang itsura niya sa salamin, pero ang itsura niyang ito ay ang tila nagpapaalala sa kanya na siya ay hindi nabibilang sa alinmang lipunan ng dalawang lahing pinagmulan niya. Pusong Pinoy siya pero itsurang Chekwa. Itsurang Chekwa siya pero ni hindi niya alam kung ano ba ang mga gawi ng pamumuhay ng mga taong dilaw ang balat. Napapailing na lang siya habang naiisip ang katotohanang tila siya ay isang estranghero sa alinmang lipunan.

Nang lumabas siya ng kanyang tirahan ay nakita niyang nakaaabang na sa kanya doon ang dalawa niyang kaibigan na sina Ryan at Quincy.

"Tara na, pare! Baka mahuli pa tayo sa trabaho natin.", aya pa ni Ryan kay Vincent.

"Mukhang pormadong-pormado ka ngayon ha! Saan na naman ba taping?", biro naman ni Vincent kay Ryan.

"Wala naman, pare. Magbabakasakali lang akong makuhang extra sa ABS-CBN. May bago daw teleserye dun e. 'Yung "Walang Hanggan" ata. Bida daw dun si Coco Martin at ang crush kong si Julia Montes. Malay mo baka sakaling makuha kahit rapist lang ni Julia Montes. O di ba?! Nakatsansing pa 'ko!", tugon at pabiro pang pagkukuwento ni Ryan kay Vincent.

"Puro ka talaga kamanyakan! O sige! Pagbutihin mo pag-aartista ha! Baka magka-award ka niyan!", muli ay biro ni Vincent kay Ryan.

Saglit pa ay naglakad na ang tatlo palabas ng Barangay Pineda. Nakaugalian na ng magkakaibigan na mag-almusal muna sa isang tapsilogan sa may Banaag St. bago sila tuluyang pumasok sa kani-kanilang trabaho. Mula M. Diaz ay maglalakad sila ng diretso hanggang makarating sa Purok Dos at mula Purok Dos ay may tatahakin pa silang pataas na daan patungo sa Banaag St. Nang nasa may bandang Purok Dos na sila ay napadaan pa sila sa parlor ng baklitang hair dresser sa Pineda na si Seldah. Kasalukuyang nagkulukot ang baklita ng mabungaran nila sa parlor. Ngumiti pa nga ito sa kanila lalo na kay Quincy na crush na crush nito. Bilang ganti ay kumindat naman si Quincy sa baklita.

"Ampogi!", malanding sabi pa ni Seldah kay Quincy.

"Mukhang nagkakaigihan na kayo ni Seldah ha! Ano na ba status niyo? In A Relationship na ba?", pabiro namang tanong ni Vincent kay Quicy.

"Ulol! Kahit gaano na 'ko kadesparado magka-gf di ako papatol sa bakla ano!", ang tila pikon na sabi ni Quincy sa pagbibiro ni Vincent.

"Easy! Easy!", si Vincent na parang umaakmang natatakot kay Quincy.

Ilang sandali pa ng paglalakad ng magkakaibigan ay nakarating na sila sa paborito nilang Tapsilogan. Ito ay pag-aari ni Aling Mameng na masasabing pinakamagaling na kusinera sa Barangay Pineda. Sa katunayan ay dinadayo pa ito ng mga taga-Kapitolyo at Bagong Ilog. Nang umagang ito ay punung-puno ang Tapsilogan at karamihan sa mga narito ay mga tricycle at taxi driver na bago pumasada ay nakaugalian nang dito kumain. May dalawang waitress ang Tapsilogan. Ito ay ang pamangkin ni Aling Mameng na si Kriselda at ang bestfriend at kapitbahay ng huli na si Karina. Kapwa maganda ang dalawang waitress na ito, pero tila namumukod-tangi ang ganda ni Karina na tila ba isang cover girl sa FHM ang dating. Sa katunayan ay siya ang maituturing na pantasya ng mga kalalakihan sa buong Barangay Pineda. At isa na sa mga kalalakihang ito si Ryan na simula't sapul pa ay patay na patay na kay Karina.

"Ano order niyo?", tanong ni Karina sa tatlo.

"Ikaw, Karina! Ang puso mo! Ang matamis mong OO!", biro ni Ryan kay Karina.

"Hay naku! Puwede ba, Ryan?! Ang aga-aga!", inis at umiirap pang sabi ni Karina kay Ryan.

"Ano ba ayaw mo sa akin? Guwapito naman ako at future leading man ng mga pelikula at teleserye ang datingan!", ang tila pagyayabang pang sabi ni Ryan kay Karina.

Naiinis namang kinuwelyuhan ni Karina si Ryan at piningot-pingot pa niya ang tenga nito.

"E kasi po! Pareho po tayong dukha! Hindi naman po kasi nakakain ang kapogian noh! Kahit pa ikaw ang pinakapoging lalaki sa mundo kung di mo naman kayang bumuhay ng pamilya e wala din po 'yun! Kaya kung puwede lang! Huwag ka nang magpa-cute pa sa akin!", ang inis na inis na sabi ni Karina kay Ryan.

Parang nasaktan naman si Ryan sa sinabing ito ni Karina.

"Ang sakit mo namang magsalita! Baka balang-araw kapag sikat na 'ko pagsisihan mo kung bakit hindi mo 'ko pinapansin! Baka ikaw na ang maghabol sa akin! Sana lang patay na patay pa 'ko sa iyo ng mga panahon na iyon kahit na andami nang mga babaeng nagkakandarapa sa akin!", ang naghihimutok pero tila nagyayabang paring sabi ni Ryan kay Karina.

"Sige! Managinip ka ng gising! Baka magkatotoo!", ang tila pang-iinis pa ni Karina kay Ryan.

Napapailing namang pinagmamasdan ni Vincent ang kaibigan.

"Hay! Ano ba napapala mo sa paghabol-habol kay Karina e mukhang di naman siya interesado sa iyo?", ang napapailing na tanong ni Vincent kay Ryan.

"Pare, hindi mo kasi alam kung paano ang magmahal e! Kapag tinamaan ko nun ng matindi...kaya mong magpakatanga at magpakagago para sa taong mahal mo!", inis namang paliwanag ni Ryan kay Vincent.

"Pag-ibig! Sssh! Kalokohan lang 'yan! Ano ba magagawa ng pag-ibig na 'yan sa may ilang milyong Pilipinong nagugutom sa araw-araw? May maidudulot ba 'yan para maiahon man lang ang buhay nating puno ng paghihikahos? Ang tunay na dapat pagtuunan natin ng pansin ay pag-asenso sa buhay at hindi ang pag-ibig!", katwiran naman ni Vincent kay Ryan.

Si Quincy naman ay tila sinusuwerte dahil patay na patay sa kanya ang pamangkin ni Aling Mameng na si Kriselda.

"Ano order mo, bhe?", malanding tanong ni Kriselda kay Quincy.

"Tulad parin ng dati, bhe? 'Yung paborito ko! Magkano ba?", sagot naman ni Quincy na tila nagpapa-cute pa kay Kriselda.

"Isang kiss lang puwede na... Ahihihihihi!!!", ang lumalantod naman na sabi ni Kriselda kay Quincy.

At marahan ay hinalikan sa pisngi ni Quincy si Kriselda na labis namang ikinakilig ng dalaga.

"Wait ka lang diyan, bhe ha. Kukunin ko lang 'yung order mo.", si Kriselda na parang lumalanding matrona ang boses.

"Dagdagdagan mo ha, bhe!", ang tila pag-uutos pa ni Quincy kay Kriselda na may kasamang kindat.

"Anything for you, bhe...", si Kriselda na pulang-pula na ang mukha sa pagkakilig sa simpleng pagpapa-cute ni Quincy.

"Itong isang ito ang gayahin mo, pare! Tuso! Wais!", ang hangang-hangang pagbibida naman ni Vincent kay Quincy sa kaibigang si Ryan.

Iiling-iling naman at napapakibit pa ang balikat na tumitig si Quincy sa mga kaibigan na tila puno ng pagmamayabang at pagkabilib sa sarili.

"Charm lang 'yan, mga repapips!", pagyayabang pa ni Quincy sa mga kaibigan.

Ilang sandali pa ay natapos nang mag-almusal ang magkakaibigan at sila ay pumasok na sa kani-kanilang mga trabaho. Kapwa nila baon ang pag-asa sa dibdib nila na sa araw na ito ay may magandang mangyayari sa kanilang buhay. Kahit tila unang hakbang man lamang marahil sa pinakaaasam nilang pag-asenso...

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now