Chapter 34:

93 0 0
                                    

Bago pumasok sa pinagtatrabahuhan ay naisipan muna ni Brian na umuwi sa kanilang bahay sa pagbabakasakaling meron siyang madaratnan doon na panghapunan man lang upang kahit paano ay maibsan ang kumakalam niyang tiyan na tila maghapong walang anumang laman kundi tubig mula sa drinking fountain ng kanilang eskuwelahan. Pero pagdating niya sa kanilang bahay ay labis siyang nadismaya nang madatnan niya doong nagkakainan na ang tatay at ang dalawang kuya niya. Kitang-kita niya kung paano solohin ng tatlong barako ang lahat ng nakahain sa hapag-kainan na tila puwede na sa pang-dalawang pamilya. Nang makita ang pagdating niya ng ama niyang si Braulio ay pagalit pa siya nitong tinawag at tila kinikilan.

“Hoy, Brian! Meron ka bang isang libo diyan? Bertdey kasi ni Pareng Rex dun sa may Purok Dos e. Nanghihingi lang ng konting donasyon para sa pagdiriwang ng kaarawan niya. Meron ka ba diyan?”, pagtawag at pagtanong ni Braulio sa anak.

“E ‘tay, medyo wala din po ako ngayon e. Ang narito lang po ay pamasahe ko na lang para sa pagpunta ko sa trabaho mamaya. Ni hindi na nga po ako nakakakain ng almusal at tanghalian sa eskuwelahan e.”, marahang tugon at pangangatuwiran ni Brian sa ama.

“At ano? Nagrereklamo ka na ikaw ang kumakayod sa pamilyang ito? Aba dapat lang! Baka hindi mo alam ang hirap namin ng nanay mo sa pagpapalamon sa iyo! Ngayong di na namin kayang magtrabaho pareho ay nararapat lang na ikaw naman ang kumayod at magbanat ng buto para magkasilbi ka naman! Sige na! Lumayas ka na sa harap ko at baka hindi pa kita matantiya! Wala ka naman palang maibibigay sa akin e! Nairirita lang ako sa pagmumukha mo!”, pagalit ay bulyaw at pang-iinsulto ni Braulio sa anak.

Naluluha ay umalis na lamang sa bahay nila si Brian baon ang mga masasakit na sinabi at tila panunumbat sa kanya ng ama. Sa kanyang pag-alis sa kanilang bahay ay nasalubong pa niya ang kanyang inang si Vina na tila galing sa mga tindahan sa hindi kalayuan dahil may dala-dala pang supot na naglalaman ng mga bote ng beer. Labis pa ngang nagulat si Vina nang mapansin na tila luhaan ang anak.

“O anak! Ano nangyari ha? Bakit ka umiiyak? Kinagalitan ka naman ba ng tatay at ng mga kuya mo?”, ang tila nag-aalalang pag-uusisa ni Vina sa anak.

“Wala pa naman po, ‘nay! May naalala lang po akong malungkot. “, ang tila pagkakailang sabi ni Brian sa ina.

“Ano bang wala e umiiyak ka? Siguro hindi ka na naman tiniran ng pagkain ng mga hinayupak na ‘yun ano?”, si Vina na tila inuusisa talaga ang anak.

“Okay lang po talaga ako, ‘nay! Huwag na po kayong masyandong mag-alala sa akin.”, si Brian na tila ayaw nang pag-alalahin ang ina.

Naluluha naman ay niyakap ni Vina ng anong higpit ang anak.

“Pagpasensiyahan mo na lang sana ang tatay at mga kuya mo ha! Pagpasensiyahan mo na rin kung ganito lang ang klase ng buhay na naibigay sa iyo ng nanay! Hindi mo lang alam kung gaano pinapangarap na mabigyan ka ng magandang kinabukasan… Na maging kumportable at masaya ang buhay mo… Lahat ng ina ay ganun ang pangarap para sa kanilang mga anak… Kaya pasensiya na talaga kung hindi ganung klase ng buhay ang naibigay sa iyo ng nanay! Pasensiya na, anak! Pasensiya na…”, ang buong pagluhang pahayag at tila paghinga ng tawad ni Vina sa anak.

Di namamalayan ni Brian ay napapaluha na rin siya dahil sa pagluha ng kanyang ina habang yakap-yakap siya.

“Okay lang po ‘yun, ‘nay! Ang mahalaga po ay magkakasama tayo! Ang mahalaga po ay alam kong may isang inang nagmamahal sa akin kahit na paano! Kahit na gaano pa kasaklap kung minsan ang buhay na meron ako… I love you, ‘nay!”, ang tila pagpapalubag-loob namang sabi ni Brian sa ina at ang pagpapahayag niya na rin ng pagmamahal para dito.

“I love you din, anak!”, ang pagpapahayag din ni Vina ng kanyang pagmamahal para sa anak.

Sandali ay dinama ng mag-ina ang napakainit at puno ng pagkalingang yakap ng isa’t isa. Para bang sa mga yakap nilang iyon ay sinasabi nila sa isa’t isa kung gaano nila kamahal ang isa’t isa sa kabila ng katotohanang isang napakasaklap na buhay ang buhay na meron sila.

Half-Cooked (Ang Mga Pilipinong Hilaw)Where stories live. Discover now