Lihim ng Probinsya #2: Ang Taga-sundo

1.3K 31 0
                                    

Lihim ng Probinsya #2: Ang Taga-sundo


Patotoo ng isang Kababata :


Labindalawang taong gulang pa lamang kami nang isalaysay sa akin ng aking kababatang si Jewel ang pangyayaring kaniyang nasaksihan.


Isang hapon, matapos nilang lumabas mula sa eskwelahan ay nagtungo siya at ang ilan sa kaniyang mga kamag-aral, kasama ang kanilang guro sa kabilang baranggay upang dalawin ang ama ng kanyang kaklase na noon ay nakaratay na lamang sa higaan at hindi na magawang bumangon o makapagsalita man lamang.


Nakarating sila sa munting dampa ng kanilang kamag-aral saktong alas-singko ng hapon. Madilim na ang paligid dahil sa papalubog nang araw na dumagdag sa takot na nararamdaman ng bawat isa sa kanila.


Naroon lamang silang lahat maging ang kanilang guro sa harapan ng nakaratay na matanda. Kapansin-pansin naman na hindi mapakali ang matanda at maya't maya ang paggawa ng nakapangingilabot na tunog na tila ba'y umuungol at nahihirapan. Pinapatigil ito ng kaniyang asawa ngunit hindi ito magpapigil.


Kapansin-pansin rin naman ang mga uwak na maya't maya ang pagdapo sa bintana ng munting dampa kung saan sila naroroon. Hindi lamang sa bintana ngunit maging sa pinto at bubong ng bahay ay may mga nagsisidapong mga ibong kulay itim na kung tawagin nga nati'y uwak.


"Nung isang araw pa ang mga uwak na iyan" banggit ng ginang na nakatabi sa nakaratay niyang asawa

"Dati nama'y wala sila" dugtong pa nito


"At bukod tanging sa bahay lang namin makikita ang mga itim na ibon sa pagsapit ng ganitong oras. Hindi aalis ang mga iyan hanggang bukas - hangga't hindi muling sumisikat ang araw" sabat naman ng kaklase ni Jewel


Tahimik lamang silang lahat dahil na rin sa narinig nila, tanging ang nakapangingilabot na ungol ng matandang lalaki ang maririnig mo at tanging haplos lamang ng malamig na hangin ang madarama mo. Sa pagkakataong ito ay tumataas na ang balahibo ng guro na katabi ni Jewel.


"Mauna na po kami. Gagabihin ang mga bata" dahilan ng guro upang makaalis lamang sa lugar na iyon.

"Dumalaw lamang po kami saglit upang alamin ang kalagayan ng iyong asawa at maging ng aking mag-aaral. Nag aalala na po kasi ako sa madalas niyang pagliban sa klase.  (tinutukoy niya ang kaklase ni Jewel)" dugtong pa ng kanilang guro.


Dali-daling nagsitayuan ang ilang mga bata na kasama ng guro kabilang na rin si Jewel.

Sa kanilang pagtalikod ay tumigil sa pag-ungol ang matanda. Ngunit hindi pa man sila nakakalabas sa pinto ng bahay ay narinig nila ang paghagulhol ng ginang... Tumigil na ito sa pag-ungol at pagdaing. Tumigil na ito sa paghinga. Namatay na ang matanda!





Naudlot ang pag-alis ng guro dahil nais pa niyang tulungan ang ginang na nawalan ng asawa ngunit pinauwi na niya ang kaniyang mga estudyante dahil alas-sais na ng gabi.


"Nang lumabas ako ng bahay ay ang mga uwak ang unang hinahap ng aking mga mata... Ngunit ... wala na sila. Wala na ang mga uwak. Kahit saang sulok ng bahay ko ilingat ang aking paningin ay wala na akong makita. Nakakapagtaka -- hindi pa naman sumisikat ang araw ngunit nawala na sila!" sabi pa ni Jewel habang sinasalaysay niya sa akin ang kakaibang kwentong ito.


--At dyan na nagtatapos ang salaysay ni Jewel--

True Experienced Ghost StoriesWhere stories live. Discover now