Chapter 14 - Nefario Warehouse

6.9K 306 156
                                    

Celestine.

Ayon sa mapa na meron kami ni Cello, dapat hindi tataas sa sampung oras ang ibyabyahe namin upang makarating ng Maynila. Subalit sa kaso namin, halos tatlong araw ang ginugol namin makarating lang sa pupuntahan namin.

"Ito na ba 'yun?" tanong ni Cello sa akin.

May ilang beses kong binasa ang nakasulat sa mapa pabalik doon sa pangalan ng lugar na dapat ay pupuntahan namin—parehas na parehas talaga. "Ito nga. Nefario Warehouse."

"Eh bakit..." Nagtatakang itinuro ni Cello ang gate at buong building na halos wasak-wasak na. May yellow at black ribbon pa ito ng mga pulis na nagsasabing hindi maaaring makapasok ang sino mang hindi otorisado. "anong nangyari rito? Ito ba talaga ang warehouse na tinutukoy sa mapa? Mukha namang pinasabog. Sa itsura ng building dinaig pa nya ang isang haunted house na iniwan magmula noong nakaraang Unang Digmaan."

Tumawid ako roon sa dilaw na tali upang makalapit. Tinawag ni Cello ang pangalan ko at sinabi na baka raw delikado pero hindi nakinig. Kinapa ng kamay ko ang malamig na pader. May mga butas ito dahil sa tama ng bala. Marahan kong hinaplos ito sa ilalim ng mga daliri ko.

"Mukhang bago lang ang mga ito Cello. Kung hindi ako nagkamali, kamakailan lang na nangyari ang anumang naganap dito." Muli kong inilipat ang tingin sa karumaldumal na nangyari sa gusali di kalayuan. Wasak-wasak ito at halos matanggalan na ng bubong.

"Gano'n ba? Kung ganun, anong gagawin natin sa mga dala natin?" turan nya sa truck na sinakyan namin papunta rito. Kung hindi lang siguro kami naligaw-ligaw ay naabutan pa namin ang gusali na ito sa maayos na estado. Pero hindi rin naman ako nagrereklamo dahil sa loob ng tatlong araw na iyon, ang mga prutas na dala namin sa sinasakyang truck ang naging laman ng aming mga tyan upang pantawid gutom. Kung maaga siguro kaming nakarating, baka wala kaming libreng pagkain.

"Kailangan na nating maihatid ang mga ito sa may ari upang makaalis na tayo rito at nang mahanap na natin ang hinahanap natin." Maraming mga basura sa baba kaya napatingin ako sa lupang tinatapakan ko. Ang mga plastik ay nangingitim at nagkandalukot-lukot dulot ng pagkasunog na natamo. Sa tabi ng mga maliliit na kumpulang bato ay may napansin akong tila ba bola na kulay dilaw. Pinulot ko ito mula sa baba.

"Ihahatid pa ba natin? Eh nandito na tayo pero mukhang wala namang tao. Ano kaya kung wag na nating ihatid at ibigay sa kanila? Sa atin na lang tutal malaki ang pakinabang nito dahil bukod sa may sasakyan na tayo, tulugan, bubong sa tuwing umuulan, at pagkain dahil sa mga prutas, may extra pa tayong mga armas kung sakaling nagkaroon tayo ng problema." Suhestyon nya.

"Kahit sabihin pa nating ilegal ang mga baril, hindi pa rin sa atin 'yan Cello. Kailangan nating isoli para wala tayong kahit ano mang tali na maiuugnay sa atin tungkol sa mga madudumi nilang operasyon."

"Nandoon na tayo, pero sayang pa rin. Tutal napapakinabangan naman na natin, bakit hindi pa natin lubusin?" Lumapit sya sa akin. "Ano 'yang hawak mo?"

May ilang beses kong iniikot ang bola sa palad ko. Medyo maalikabok kaya pinagpag ko. Ang maliit na bola na ito ay may smiley na nakaguhit. Mahigpit ko itong pinisil-pisil. Sobrang lambot nito na tila ba kung sino mang madalas na naghahawak nito,  matagal na itong nalamog sa kamay nya sa kakapisil na ginagawa. "Ewan ko. Bola? Napulot ko lang dito sa baba."

Kinuha nya ito sa kamay ko upang pagmasdan. "Sino naman kaya ang nakaiwan nito? Mukhang pambata." Hinagis-salo nya ito sa isang kamay nya. Sinalo ko ito sa hangin bago pa muling mahulog sa kamay nya. "Nilalaro ko pa. Celestine naman." Reklamo nya.

Inikot ko ang bola sa palad ko. May napansin akong maliit na nakasulat dito. "J loves S?" kunot-noo kong nilingon si Cello. "Mukhang kung sino man ang may ari nito, may sentimental value sa kanya ito." Kukunin sana ulit ni Cello upang makita ang sinasabi ko pero agad ko itong inilayo sa kanya at itinago sa likod ko. "Akin ito. Baka mawala mo pa eh."

Listen To My LullabyWhere stories live. Discover now