9

648 41 8
                                    

Kinabukasan, tulad ng plano ay pumasok na ako sa School. Ang inaasahan ko ay naroon pa din ang mga mapanghusgang tingin nila pero ang ipinagtataka ko ay kung bakit parang ilag sila sakin ngayon.

Sa tuwing dadapo sa kanila ang tingin ko, sila na ang kusang umiiwas ng tingin, minsan pa nga ay naglalakad sila ng mabilis para lang makaiwas sa akin. Daig ko pa ang may sakit na nakakahawa, pero naisip ko na mas mabuti na ang ganito kesa naman harap harapan nila akong pinaguusapan.

"Mikaella! Huhuhuhu!" parang bata na atungal ni Buboy pagpasok ko sa room. Yayakap pa dapat siya sakin pero agad nahatak ni Cassey ang likod na part ng uniform niya.

"Hays selos ka na naman!" ani Buboy, as expected, pinatilyahan siya ng kaibigan ko.

"Asa ka, bata!" sigaw naman ni Cassey sa mismong mukha ni Buboy, natawa na lang ako nung pinunasan niya ang buong mukha niya na animo ay natalsikan iyon ng laway ni Cassey.

Dumaan ang maghapon ng mapayapa, sa canteen ay ilag pa din sa akin ang mga estudyante. Hindi na lang namin sila pinapansin ng mga kaklase ko. Inisip na lang namin na natakot sila sa sinabi ni Zachy sa interview na papanagutin namin ang mga nagpapakalat ng chismis tungkol sa akin o sa pamilya ko. Dumating ang oras ng uwian at sama-sama kaming pumunta sa parking lot.

"Mauna na ko bessy!" humalik sa pisngi ko si Cassey bago sumakay sa kotse.

"Ingat kayo ha." tugon ko sa kanya, kumaway pa siya sakin ng umandar na ang sasakyan, binusinahan pa ako ni Steven bago sila tuluyang makalabas sa gate ng school.

Maging sila Loree, Seph, Jomzel at Megan ay nagpaalam na sa akin na mauuna na. Ganoon din ang iba pa, as usual late na naman ang service ko sa hindi malamang dahilan. Lumipat ako ng pwesto sa ilalim ng puno, hindi naman na mainit ang sikat ng araw pero nakakasilaw pa rin at ang sakit sa sintido niyon.

"Oo, balita ko ipapa kick-out daw sa School kapag nalaman kung sino ang nagpakalat ng mga chismis tungkol sa kanila." pagkarinig ko sa usapan ng dalawang estudyante ay dali-dali kong kinuha ang earphone ko at isinuot sa tenga kahit walang tugtog, ayoko lang malaman nila na pinapakinggan ko sila. Hindi ko naman ugali ang makinig sa usapan ng iba pero sadyang naagaw lang ang pansin ko ng pinaguusapan nila, pakiramdam ko kasi ay tungkol sa akin iyon.

"Alam mo? Naniniwala ako dun sa mga sinabi ni Zachareus Santiago, ikaw ba?" tanong ng babae sa kausap niya na nakapagpatotoo sa hinala ko.

"Girl, kilala na natin si Mikaella dati pa dahil ka-batch natin siya at sa ilang taon natin siyang nakikita, wala naman ako nakitang pangit sa ugali niya." sagot naman ng isa.

"Kaya nga eh, friendly pa yun, kapag nga nakakasalubong ko yun nginingitian ako kahit hindi niya naman ako kilala." napangiti ako sa narinig. Atleast may mga naniniwala pa din pala sa akin.

"Kaso nakakatakot yung pamilya nila no?" doon naman nangunot ang noo ko.

"Oo nga eh, naalala mo yung balita dati na kinidnap sila ng sarili nilang kamaganak? Grabe yun no?"

"Naku huwag na nga nating pag-usapan! Baka mamaya may makarinig pa satin at mapatalsik tayo dito sa School o di kaya ay mawalan ng scholarship!"

"Oo talaga, Saavedra pa naman ang sponsor natin kaya mahirap na. Basta ako naniniwala na mabubuti silang tao."

"Mikaella may sundo ka ba? Hatid na kita!" sigaw na ani Buboy sa akin ng makahinto ang sasakyan niya sa harap ko. Medyo naalarma ako lalo na ng makita ko sa gilid ng mata ko ang natatarantang itsura ng dalawang babaeng estudyante na naguusap kanina.

"Ano yun?" tinanggal ko sa tenga ko ang earphone. Kunwari ay hindi ko narinig ang sinabi ni Blake. Sa gilid ng mata ko ay nakita kong parang nakahinga ng maluwag yung dalawang estudyante. Hindi ko napigilan ang sarili ko, tinignan ko sila at nginitian. Gusto kong magpasalamat sa kanila, atleast naniniwala sila na mabubuti kaming tao ng pamilya ko. Agad naman nila akong nginitian pabalik saka dali-dali silang umalis na dalawa.

Until our paths cross again, my Engineer. (COMPLETED) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon