Chapter 20

2.3K 131 17
                                    

Romans 8: 18

Consider that our present sufferings are not worth comparing with the glory that will be revealed in us.

Why do bad things happen to good people? Mimi can't help lingering to that question.

Naalala niya mula noong bata siya, ang pamilya niya ay nagsisikap na mabuhay ng disente at marangal ngunit sunud-sunod pa rin ang mga pagsubok na dumating sa kanila. Ni minsan ay hindi kinwestiyon ng mga magulang niya ang Diyos. Lumaki rin siyang hindi nagrereklamo.

Ngayon lang siya nag-iisip na magtanong. Sobra-sobra ba ang hinahangad niyang makapiling si Aguiluz? Ang pagmamahal ba niya sa lalaki ay isang kasalanan kaya ito pinahihirapan ngayon ng tungkulin nito? Ni hindi ito pwedeng lumapit sa kanya.

Ang mga bisig nito na dapat ay ligtas na kulungan para sa kanya ay itinuturing ngayong mapanganib. Hindi niya maintindihan. Bakit wala siyang karapatang tumanggi at umayaw bilang alay ng Hestas? Hindi ba pwedeng tanggalin ang marka sa kanyang dibdib?

"Anak, huwag mong subukang galawin iyan. Hindi natin alam kung ano iyan, baka ikapapahamak mo." Pigil sa kanya ni Myrna habang kausap niya ito sa cellphone. "Patawarin mo kami ng Papa mo pero wala rin kaming alam. Noong dalhin ka sa akin ng nurse mula sa nursery, nandiyan na iyan sa dibdib mo. Akala ko talaga balat lang iyan."

"Wala po kayong kasalanan ni Papa, Ma. Iyong kulto na iyon ang may ginawang mali. Naninira po sila ng buhay ng ibang tao." Pinunasan niya ang pumatak na luha.

Ilang araw na niyang iniiyakan ang sitwasyon nila ni Aguiluz. Dapat ngayong may pinagdadaanan ang binata ay nasa tabi siya nito. Pero heto siya, bantay-sarado sa isang magandang bahay na hugis kabibe. Nasa tuktok ng pampang. May malawak na bakuran. May hardin at swimming pool. May magandang tanawin ng dagat at dalampasigan sa ibaba. Mga bagay na hindi naman niya hiningi dahil sapat na sana sa kanyang makasama si Aguiluz.

Isang linggo na mula nang lumipat siya rito sa Villamanor. Kasama niya sina Martin at Charice. Nagkalat ang mga gwardiya sa pamumuno ni Jerad. Wala namang nagbago sa araw-araw niyang nakagawian. Hindi siya pinatitigil sa trabaho. Pero hindi na siya nakapagsisimba araw-araw.

"Those crazy tears again?" pukaw ni Jerad sa kanya habang nakaupo siya sa malamig na buhangin sa dalampasigan at pinanonood ang paglubog ng araw.

Niyakap niya ang mga binti at sumubsob sa nakapamaluktot na mga tuhod.

"Fine, tell me what you want."

"Aguiluz, I want Aguiluz," impit niyang sagot.

"I'm tired hearing you say that."

"Huwag mo akong kausapin!" sikmat niya.

Kinilabutan siya nang maramdamang may gumapang sa kanyang braso. Nilagyan siya ni Jerad ng hermit crab. Dinakma niya iyon at ibinato sa mukha ng lalaki.

Nakailag ito.

"Umalis ka nga rito! Para kang bata!" gigil niyang bulyaw. Napaka-insensitive nito. Hindi man lang ba ito naawa sa kapatid?

"You need diversion and stop thinking about him."

"Ayaw ko! Gusto ko siyang isipin lagi, ano bang pakialam mo?"

Umigting ang mga panga nito.

"Ngayon klaro na sa akin, bukod sa kruz minarkahan ka rin ng katangahan."

Dumakot siya ng buhangin at hinambalos sa lalaki. Dahil sa ginawa niya ay nawala siya sa balanse at tumimbuwang sa buhanginan.

Humagalpak ng tawa si Jerad.

Nagmamaktol siyang umuwi ng bahay. Sa sobrang inis ay hindi niya kinibo ang lalaki hanggang kinabukasan. Pumasok siya sa trabaho na may sumpong. Dumagdag pa ang monthly period niya kaya nag-aapoy ang kanyang utak. Mabuti na lang at hindi dagsa ang mga kliyente nila.

NS 13: THE LOST SACRAMENT ✅Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon