Chapter 13

1.9K 149 19
                                    

Psalm 73: 25

Whom have I in heaven but you? And earth has nothing I desire besides you.

Natapos ni Mimi sa pag-sliced ang huling piraso ng mansanas at hinulog ang maliliit na chunks sa salad bowl. Ang mangga, buko, cheese at dried grapes ay naihalo na rin niya. Ipinasok niya sa loob ng fridge ang bowl at nagligpit ng mga kalat sa kusina.

Lumabas siya ng bahay. Hapon na at ang Mama niya ay nasa bakuran, nagwawalis at nagsisiga ng mga tuyong dahon. Naupo siya sa mahabang upuan na gawa sa kahoy at tumingin sa malayo.

Dalawang buwan na ang nakalipas at nawalan na siya ng balita kay Fr. Aguiluz. Huli niyang nakita at nakausap ang pari noong isinauli nito sa kanya ang panali sa buhok. Kinabukasan nang magsimba siya ay wala na ito roon sa kombento at bumalik na raw ng Italy.

Nalungkot siya. Nanghinayang na hindi sila nagkausap bago ito umalis. Pero hindi masama ang kanyang loob. Hindi nito obligasyong magpaalam. Araw-araw pa rin siyang nagsisimba, maliban lang ngayong narito siya sa barrio nila.

Bakasyon na niya mula sa eskwela at nagfile siya ulit ng leave sa trabaho para paunlakan ang hiling ng kaibigang si Leah na pumasyal dito. Kasama rin nila si Raymund at siyempre ang bodyguard niyang si Jiego.

"Hindi mo ba sila pupuntahan? Mamimitas daw ng mangga ang mga iyon." Lumapit sa kanya ang ina. Naaamoy niya rito ang usok ng siga.

"Hihintayin ko na lang sila rito, Ma." Pinatay niya ang lamok na dumapo sa kanyang braso.

"Ang mga lamok dito ang titigas ng ulo, ginawa pa yatang vitamins ang usok tuwing nagsisiga ako. Lalong tumatapang," angal ni Myrna na ginawang pambugaw ang bitbit na walis.

Natawa siya. "Kasing-tigas ng ulo ni Papa?"

Naroon na naman sa bukid ang kanyang Papa at nag-aararo. Hindi ito pumayag nang sabihin niyang magrenta sila ng traktora. Pinagyayabang nitong malakas pa ito tulad ng kalabaw nila.

"Mimi, magtapat ka nga sa akin. May problema ka ba? Kumakain ka ba ng maayos?"

"Oo naman, Ma. Okay lang ako."

"Huwag kang magsisinungaling. Kahit ang Papa mo napapansin na lagi kang may malalim na iniisip."

Hindi niya matagalan ang nanunuring tingin ng ina. Tahimik siyang bumaling sa makapal na usok ng siga. Normal lang naman sigurong mangulila siya araw-araw sa lalaking mahal niya. Pero hindi ibig sabihin na hindi siya maayos. Namimiss niya si Fr. Aguiluz kaya binabalik-balikan niya ang mga araw na nakasama niya ito at nakakausap.

"Sinagot mo na ba si Raymund sa panliligaw niya?" Pukaw ni Myrna.

"Hindi po."

"Ay bakit siya nagpaalam sa Papa mo? Handa raw siyang pakasalan ka anumang oras."

Namilog ang ulo niya sa narinig. Pero pilit siyang kumalma.

"Baka nagbibiro lang iyon. Nilinaw ko na sa kanya na wala siyang aasahan sa akin."

Kahit magtagal pa sa Italy si Fr. Aguiluz, maghihintay pa rin siya. Hindi man magiging pabor sa kanya ang sagot nito sa kanyang nararamdaman balang araw. Maghihintay pa rin siya.

"Nakakatuwa, ang daming bunga ng Indian mango!"

Sabay silang napalingon ng Mama niya sa pinagmumulan ng hiyaw ni Leah. Kasama ng dalaga sina Raymund at Jiego at puno ng Indian mangoes ang mga basket na bitbit ng dalawang lalaki.

Sinalubong niya ang mga ito. "Mukhang inubos niyo na ang bunga!" Natatawa niyang bulalas.

"Marami pa roon. Parang bibigay na nga iyong isang sanga sa sobrang dami ng bunga." Kwento ni Leah.

NS 13: THE LOST SACRAMENT ✅Where stories live. Discover now