CHAPTER THREE

726 69 14
                                    

Shane Andrea Juarez

Tapos na ang laro sa pagitan ng basketball team namin at ng Growling Tigers nang dumating kaming magkakaibigan sa University of Santo Tomas. Nakasalubong namin ang karamihan sa mga nanood niyon sa Gate 2. Base sa pagkadismaya ng mga kaeskwela naming dumayo pa roon para manood, natalo kami sa friendly match na iyon.

"Pambihira! We walked all the way from Morayta to España tapos bad news ang sasalubong sa atin?" nakabusangot na pahayag ni Eula. Napailing-iling ito. "What should we do now? Tapos na raw ang laro?" tanong pa niya at tumingin sa akin.

"Saglit. Hindi man lang ba tayo papasok sa loob?" sabi ko naman. Gustong-gusto ko nang makita ang boyfriend ko. Hindi ba nito nahahalata? Dapat ito ang mas nakakaalam. Sa lahat sa amin ito ang mas may karanasan.

Itinirik ni Eula ang mga mata. Sumulyap ito kay Keri. Nagpapatulong. Mayamaya pa nga'y sinang-ayunan naman ito ni Keritot. Sinimangutan ko silang dalawa.

"Pagbigyan na natin ang bata. Atat nang makita ang boyfriend, eh. Ano ba kayo?" asik sa kanila ni Felina at hinila na niya akong pumasok sa loob. Hiningan kami ng ID ng mamang guard. Pinaiwan nito ang isa sa ID namin.

"Ako na!" nakangising boluntaryo ni Felina. "O, hayan, Kuya. I-add mo na rin ako sa Facebook," nakabungisngis na sabi pa nito sa guwapong guwardiya. Hindi man lang natuwa sa kanya si Kuya Guard. Seryoso itong nagpasulat pa ng pangalan namin sa log book. Pero nang makita nito sina Eula at Keri at napag-alamang kasama rin namin, bigla na lang na nagbago ang ihip ng hangin. Ngumiti ito sa amin at sinabihan pa si Felina na okay nang hindi mag-iwan ng ID total naman ay alam niyang makiki-cheer lang naman kami sa team namin.

"Gunggong iyon, ah!" naiinis na sabi ni Felina nang makapasok na kami. Nilingon-lingon pa nito ang guwardiya. Nang matingin ito sa amin, kaagad niyang inirapan.

"Hayaan mo na si Kuya Guard. Ikaw naman. Napaka-balat sibuyas mo talaga," natatawa kong saway sa kanya. Ang dalawa naman sa likuran ay clueless. Nawili yata sa kwentuhan nila tungkol kay Sir Maurr. Ni hindi nila napansin kung ano ang naging effect nila sa poging guard.

Sa totoo lang, wala sa akin ang ginawa ng guwardiya. Eh sa totoo namang drop dead gorgeous ang dalawa naming BFF. Hindi lang basta maganda. Nakakalingong-ganda!

Hinayaan kong magsenti si Felina dahil kay Thijs ang pokus ng atensiyon ko. Kailangan kong makita ito ngayon. Aba, may nakapagsabi sa akin na may kaharutan daw itong bading noong isang araw. Kailangan kong masiguro sa lalaking iyon kung totoo ang balita.

Hindi na kami nakapasok sa Quadricentennial Pavilion nang makita namin ang iilang miyembro ng koponan naming lumalabas mula roon. Pagkakita ni Drae kay Yolanda kaagad itong kumaway at iniwan na ang mga ka-team para lumapit sa amin. Napahigpit naman ang kapit ni Felina sa kamay ko nang maispatan si Mason, ang forward ng basketball namin na crush na crush naman niya. Ramdam ko ang pagpiksi nito nang bigla na lang ngumiti ang hunghang sa direksiyon naming apat. Sa biglang tingin kasi'y parang sa amin ito nakamasid. Pero bago pa mangarap si Felina na para sa kanya iyon, kumaway na rin ito kay Eula at Keri saka tinawag pa ang mga pangalan nila. Gaya ni Drae ay lumapit na rin ito sa amin, pero si Eula at Keri ang binati nila.

"Ba't ngayon lang kayo? Kung kanina pa kayo dumating eh di sana nanalo kami!" salubong agad ni Drae kina Eula at Keri. Sinimangutan pa sila kunwari. Ganoon din halos ang sinabi ni Mason.

"Juicekolord! Kung magaling kayo, magaling talaga kayo ke me cheerers o wala!" asik din sa kanila ni Eula. "Paano na? Sayang pala ang pagpunta namin dito? Aba, manlibre naman kayo kahit milk tea lang diyan sa tapat." At namaywang na sa kanila si Yolanda Ysadora. Tatawa-tawa lang sa tabi nito si Keri.

QUEEN SERIES #3:  THE MILK TEA QUEEN [COMPLETED]Where stories live. Discover now