Chapter One

33.6K 613 49
                                    

Buwan ng Abril, taong dalawang libo't pito.

Sa kasagsagan ng tag-init ay nagdesisyon ang mag-asawang Delfin at Susan na lumuwas mula sa Cebu patungong Maynila. Hindi para magbakasyon kung hindi para lumipat na sa kanilang bagong tayong bahay sa isang payak at payapang subdivision sa siyudad ng Paranaque.

Nais kasi ng mag-asawa na maging pamilyar na sa bago nilang tahanan at maging sa lugar kung saan sila maninirahan ang kanilang nag-iisang anak na lalaki na si Juan Carlo.

Ang tanging hangad lamang nina Delfin at Susan ay magkaroon ng magandang kinabukasan ang kanilang anak. Kaya nagdesisyon na ang mag-asawa na doon na sa Maynila pag-aaralin si Juan Carlo ng kanyang huling taon sa sekondarya hanggang sa kolehiyo na nito. Gagawin nila ang lahat sa abot ng kanilang makakaya upang matupad ang mga pangarap ng kanilang anak.

Itinuturing na isang milagro ng mag-asawa ang pagdating ng anak na si Juan Carlo sa kanilang buhay. Hindi naging madali para kay Susan ang dalhin ang anak sa kanyang sinapupunan. Dalawang beses na kasi itong nakunan at ayon sa doktor na sumuri sa kanya ay mahihirapan na siya na ipagpatuloy pa ang pagdadalang tao at maaari pa ito maging sanhi ng kanyang pagkamatay kung babalakin pa nilang muli na magkaanak ni Delfin.

Ngunit sa kabila ng paliwanag sa kanila ng doktor ay hindi pa rin natigatig at nawalan ng pag-asa sina Delfin at Susan.

Walang araw na hindi hiniling ng mag-asawa sa Poong Maykapal na nawa'y mabigyan silang muli ng pagkakataon na magkaroon ng isang supling.

Lahat ng uri ng dasal ay kanila nang naidalangin, kumain ng mga masusustansyang pagkain at regular na pagpapatingin sa doktor.

Sa loob ng pitong buwan ay matiyagang ginawa ito ng mag-asawang Susan at Delfin ngunit tila mailap pa rin sa kanila ang pagkakataon. Magkagayunman ay hindi sila pinanghinaan ng loob. Hindi pa rin sila sumusuko at naghanap pang muli ng ibang alternatibong paraan.

Hanggang sa isang araw ay napadpad sila sa milagrosong simbahan ng Simala. Malakas ang kanilang paniniwala na dito nasagot ang kanilang panalangin dahil pagkalipas lamang ng isang buwan ay isang magandang balita ang dumating sa kanilang mag-asawa.

Buntis na si Susan!

Walang pagsidlan ang galak at lubos na pasasalamat ang kanilang nararamdaman sa biyayang ipinagkaloob ng Poong Maykapal sa pagdating ni Juan Carlo sa kanilang pamilya. Ipinangako nila sa Diyos na aalagaan, poprotektahan at bubusugin nila ng labis na pagmamahal ang kanilang anak.

Lumaki naman na malusog, mabait, may takot sa Diyos, mapagmahal at masunurin na bata ito. Kinse anyos na ngayon si Juan Carlo at maipagmamalaki sa lahat ng mag-asawang Delfin at Susan na napalaki nila ng maayos ang kanilang nag-iisang anak na lalaki.

Matangkad ito para sa edad niya, dulot marahil ng vitamins na kanyang iniinom. Nakuha niya sa kanyang ina na si Susan ang pagkakaroon ng maputi at makinis na balat samantala, ang pagkahilig naman nito sa pagguhit at sa asignaturang mathematics ay minana naman niya sa kanyang ama na si Delfin na isang Civil Engineer.

Nagpasya ang mag-asawa na huwag ng bumalik pa sa pagtatrabaho si Susan. Dati kasi itong nagtatrabaho bilang isang front desk officer sa isang five star hotel sa Cebu upang lubos na matutukan at magabayan nang husto nito ang paglaki ng kanilang anak na si Juan Carlo.

Ibinuhos ng mag-asawa ang kanilang buong oras at atensyon sa nag-iisa nilang anak kaya lumaki ito na punong-puno ng pagkalinga at umaapaw sa pagmamahal.

"Nay ako na po." Ang magalang na sabi ni Juan Carlo sa kanyang ina habang kinukuha ang mga bagahe nila sa conveyor. Kasalukuyan silang nasa domestic arrival ng Airport Terminal. Kakalapag lang ng kanilang sinasakyang eroplano sa paliparan ng Maynila.

The Lustful Neighbor | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon