PART ONE

7 1 0
                                    

LIMAMPUNG TASA NG KAPE
#LTNK1
[1]

Nagmamadali kong itinulak ang glass door ng pinakamalapit na cafe na nakita ko. Nakahinga ako nang maluwag matapos salubungin ng malamig na hangin at amoy ng brewed coffee. Tagaktak ang pawis ko ngunit hindi pa rin naman ako amoy mabaho dahil sa ipinaligo kong pabango kanina.

Katatapos lang ng kauna-unahang job interview ko, at ngayon may hinahabol akong oras para sa susunod kong a-apply-an. Ang hirap nga naman talaga ng buhay. Hindi pa nga ako nakakahinga pagkatapos kong gumraduate, ngayon naman nagkakandarapa akong mag-apply ng trabaho. Sunod-sunod, at kapag pipiliin kong magpahinga, walang mangyayari, mas babagal ang usad, mas mababawasan ang mga oportunidad.

Umupo muna ako sandali at pinaypayan ang sarili gamit ang kamay habang pinupunasan ng tissue ang butil ng pawis sa aking noo.

Tuyong-tuyo na ang lalamunan ko at kanina ko pa ginagawang inumin ang sariling laway. Tamang lunok-lunok lang. Ngunit matapos ang pagtakbo ko sa ilalim ng tirik na tirik na araw, kahit yata sariling laway ko ay natuyo na.

Tumayo ako at tinungo ang counter. Tumingala ako at tiningnan ang menu. Anong klaseng cafe ba 'to at ang mamahal ng kape ?

Inilibot ko ang paningin at napansin ang mga tao sa paligid ko. Lahat ay pormal at maayos ang pananamit. Kanya-kanyang tutok sa laptop at cellphone. May mga mukhang ginagawa para sa trabaho, mayroon din namang pa-chill lang at palinga-linga sa paligid. Agaw pansin pa rin ang mga mag-jowang animo'y nasa commercial kung makahigop ng kape. Kung estado sa lipunan lang naman ang pag-uusapan hindi talaga ako nababagay dito.

Sinilip ko ang wallet at tumambad sa akin ang isang 100 at 50 peso bill.

Mamamasahe pa ako papunta't pauwi.

Parang hangin na lang ang pera sa panahon ngayon. Kahit anong tipid ang gawin ko lagi pa rin akong kinakapos.

Lumapit ako sa cashier at naglakas-loob na umorder, baka sakaling may pasok naman sa budget ko papatulan ko na. Panglaman lang ng kumakalam kong sikmura, baka mamaya lantang gulay ako sa interview.

"Ano pong pinakamura n'yong kape dito?"

Tanong ko sa cashier na mukhang kasing edad ko lang. Nakasuot ito ng round eyeglasses na bumabagay sa nagniningning n'yang mga mata. Iyong unang tingin mo pa lang alam mo nang mabait s'yang tao at mapagkakatiwalaan, inosente . Lalo pa s'yang pumuti sa kulay itim at brown n'yang apron.

Ngumiti ito sa akin at mukhang nagpipigil ng tawa. Tumingin siya sa paligid na parang nahihiya bago ako sagutin.

"45 pesos po ma'am"

"Ah, sige, bigyan mo ko ng isa."

Tumalikod s'ya sa akin at kinausap ang isa pang bartender, nang umiling ang kausap sunod n'yang tiningnan ang lalagyan ng mga kape.

"Ay, ma'am sorry po, unavailable na po pala"

Napakamalas nga namang araw.

"Ahh, ganun ba ? Sige, pwede bang bigyan mo na lang ako ng malamig na tubig"

Tumango naman ang babaeng cashier at tumalikod para pagbigyan ang request ko.
Hinilot ko ang sintido habang naghihintay. Sakit nga naman sa ulo. Hindi pa naman siguro ako bubulagta sa daan nito ? Ang mahalaga hydrated ako kahit gutom.

Nagpasalamat ako nang iabot sa akin ang tubig. Medyo nakaramdam pa ako ng hiya nang makita ang limang taong nakapila sa likuran ko, ang tagal yata nilang naghintay.

Umupo ako sa high chair katapat ng aircon. Kitang-kita mula sa glass window ang mga estudyanteng pauwi na galing ng school. May mga nagtatawanan kasama ang barkada habang naghihintay ng Jeep. Mayroon pang sinusundo ng magulang o driver gamit ang kotse.

Ang sarap na lang mag-aral ulit. 'Yung wala kang iintindihin kundi sarili mo. Ngayon, palaki na nang palaki ang mundong ginagalawan ko.

Bigla na lang akong natawa mag-isa nang mapagtanto ang sitwasyon ko ngayon. Naalala ko nung panahong wala akong pambaon at pamasahe lang papunta't pauwi ng paaralan ang naibibigay sa akin nina nanay at tatay sa pag-inom ng tubig lang din ako umaasa. Akalain mo nga namang hanggang ngayon magagamit ko pa rin ang teknik na 'to.

Dire-diretso kong tinungga ang malamig na tubig, pumikit ako at inisip na kunwari kape o frappe itong iniinom ko, tutal amoy kape naman ang buong paligid.

Mabilis kong naubos ang isang baso ng malamig na tubig. Kahit papaano naibsan naman ang gutom ko. Nadagdagan din ang lakas ko ng ilang porsyento.

Tatayo na sana ako't pupunta ng wash room para mag-retouch nang may maglapag ng kape sa harapan ko.

Noong una'y akala ko gusto lang n'yang umupo sa pwestong iyon pero nang huminto s'ya at tumitig sa aking mga mata nakaramdam na ako ng kakaiba.

"Iyan ang pinakamahal nilang kape rito," walang emosyong sabi ng matangkad na lalaki bago ako iwanang nakatulala.

Sino 'yun ?

-cejayrie 💛

THANK YOU FOR READING
VOTE AND LEAVE A COMMENT 

Limampung Tasa ng Kape Where stories live. Discover now