PART TEN

2 0 0
                                    

LIMAMPUNG TASA NG KAPE
#LTNK10
[10]

Sa kauna-unahang pagkakataon mas maaga akong umuwi ngayon. Akala ni Jenn siya lang ang marunong mang-iwan. Ngayon lang naman dahil alam kong kanina pa naghihintay sa akin si BamBam. Fourth year high school pa 'yung huli naming kita at sa Nueva Ecija pa 'yun, sa probinsya nina tatay.

Nanatili muna ako sandali sa kanto at hinintay ang pagdaan ng nagtitinda ng balot. Naaalala ko pa noong ilang beses ko pang pinilit si BamBam na kumain nito. Maiyak-iyak pa siya noon sa harap ko dahil nandidiri siya sa itsura ng sisiw, mabalahibo raw kasi.

Ang ginawa ko nilagyan ko ng piring sa mata gamit ang panyo at tsaka isinubo sa kanya ang buong sisiw ng balot. Halos mapaos ako sa kasisigaw at katatawa dahil hindi niya malunok-lunok iyon.

Tinakot ko lang siyang hindi na niya ko makikita kahit kailan at pupunta kami sa Maynila kapag hindi niya kinain ang sisiw ng balot.

Mula noon naging paborito na niya ang pagkain ng balot siya pa iyong laging nag-aaya sa aking bumili. Kaya nga lang narinig yata ng malas ang sinabi ko sa kanya, kahit kinain niya ito natuloy pa rin ang pagpunta namin ng Maynila at doon ako nag-kolehiyo.

Hindi ko kailanman inisip na darating ang panahong maaalala niya pa ako at babalikan. Marami nang nangyari sa buhay namin kaya kung hindi man niya matutupad ang pangakong pagkikita, mauunawaan ko.

Iba talaga si BamBam, kahit madalas siyang isip at kilos bata hinding-hindi pa rin siya tumatalikod sa pangako, dahil 'pag sinabi niya, gagawin niya.

Inabutan ko sila ni Tatay sa sala na nagkukwentuhan. Sabik kasi sa anak na lalaki ang tatay at nanay ko. Sinubukan naman nilang sundan kami ni Claire, kaso hindi talaga kaya, hindi kami biniyayaan.

Ang tatay ni BamBam ay matalik na kaibigan rin ni tatay kaya sobrang close nilang dalawa sa isa't isa.

"May pasalubong ako !"

Masiglang bungad ko at iniangat ang plastic na naglalaman ng apat na pirasong balot.

Napatingin naman agad sa akin si BamBam na ngayo'y naka t-shirt na lang at nasa upuan ang denim jacket.

"Hoy, balot ! Pahingi ako !"

Tumakbo naman sa direksyon namin si Claire.

"Dahan-dahan hindi ka mauubusan, tig-iisa tayo d'yan!"

Saway ko sa kanya. Mukha kasi siyang isang gutom na dragon kung makaagaw ng plastic na hawak ko.

Umupo ako sa tabi ni BamBam at inamoy-amoy siya. Lagi ko itong ginagawa sa kanya simula noong mga bata pa kami. Lagi kasi siyang amoy Johnson's baby powder, pinapaligo niya kasi ang pulbo. Mahilig din siya sa gatas kaya literal na kahit dalaga't binata na kami may gatas pa rin siya sa labi.

Tawang-tawa siya nang makita ang ginagawa kong pag-amoy at pagdikit sa t-shirt niya.

Hinaplos naman niya ang aking buhok at biglang napaharap sa akin nang may naalala.

"Claire, bigyan mo nga ako ng dalawang panali."

Halos mapunit ang kanyang mga labi sa lawak ng ngiti. Lumayo naman ako kaagad dahil alam ko na ang gagawin niya.

"Bambam, parang-awa mo na twenty-four years old na ko wag mo na 'yang gagawin sa akin..."

Pagmamakaawa ko habang mahigpit na nakahawak sa ulo. Sakto namang iniabot ni Claire ang dalawang panali na kulay pula.

"Baby KaiKai, tara na rito..."

Tumayo na siya at tsaka ako hinabol. Nagpaikot-ikot kami sa maliit na bahay habang si Claire walang pakialam sa nangyayari basta kumakain siya ng balot.

Sa huli, wala akong nagawa kundi sumunod sa gusto ni BamBam. Sadyang kahit ilang taon na talaga ang lumipas walang nagbago sa aming dalawa.

Iniharap niya ako sa salamin at hinati sa gitna ang buhok ko. Tsaka ito binanat nang todo, itinaas at hinigpitan. Naging singkit na naman tuloy ang mga mata ko.

Mukha akong contestant sa jingle making contest.

Bata pa lang ako hanggang bewang na ang buhok ko, paborito kasi itong suklayin ni nanay.

Kapag naglalaro kami ni BamBam sa bukid hinahayaan ko itong nakalugay. Pakiramdam ko kasi ang ganda-ganda ko lalo na't kapag hinahangin at tumatalbog ito sa tuwing tatakbo ako. Iyon nga lang mas lalo akong pinapawisan kaya pinag-aralan ni BamBam kung paano ito itali.

Matutulog na sina tatay at Claire dahil may pasok pa sila kinabukasan kaya hindi kami pwedeng mag-ingay sa loob.

Bigla akong hinila ni BamBam sa labas at kinuha ko naman ang plastic ng balot.
Kunot-noo ko siyang tingnan habang kinukuha ang hagdanan.

"Akyat !"

Sambit niya at inilahad ang kamay. Nakuha ko naman ang ibig niyang sabihin kaya agad akong sumunod.

Naupo kami sa bubungan ng bahay habang naliliwanagan ng buwan.
Tahimik at kakaunti na lang ang tao sa daanan dahil alas-dose na ng madaling araw.

"Gaya ng dati !"

Masigla kong sabi sa kanya habang binabasag ang shell ng balot.

"Paunahan ? Sus, matatalo ka naman," pagmamayabang niya.

"Matagal na ang huling panalo mo, mas mabilis na kong kumain sa'yo ngayon !"

"Yabang, sige tingnan natin."

"Isa.." panimula ko.

"Dalawa..."

"Tatlo !" sabay naming sabi at sinubo ang balot.

Sa huli, siya pa rin ang nanalo.

"Napakadaya hindi mo yata nginuya e!" reklamo ko dahil hindi ko matanggap na natatalo na niya ako ngayon sa pagkain ng balot.

Matapos noon, kumalma na rin kami sa wakas. Sandali kaming natahimik at tiningala ang mga bituin.

"Alam mo, hindi ko inaasahang babalik ka," pagtatapat ko sa kanya at tiningnan siyang nakatingala pa rin sa langit.

"Bakit naman hindi," natatawa niyang tugon.

"Wala lang, ang dami nang nangyari sa 'tin, siguro kung ikukwento natin 'yun lahat kulang ang buong magdamag."

Tinitigan niya ako sa mata, nangungusap ito na animo'y binabasa ang buong pagkatao ko.

"Saan ba tayo magsisimula ?" tanong niya at iniharap ang sarili sa akin.

"Sa sinasabi ng lahat kapag matagal na hindi nagkita..."

"Long time no see ?"

"Hindi yun ! Iyong....kamusta ka ?"

"Mabuti naman dahil nahanap kita," sagot niya at ramdam ko ang sinseridad sa kanyang tinig.

"Ikaw ? Kamusta ka ?" pormal niyang tanong. Mukha tuloy kaming nasa stage at gumaganap sa isang role play.

"Masaya, pilit na inaabot ang pangarap."

Akala ko'y sasagutin din niya ang sariling tanong ngunit nagulat ako sa sunod niyang sinabi.

"Kai ?"

"Hmmm..."

"Are you seeing someone ?"

Natahimik ako at pilit na pinoproseso sa aking utak ang tanong.

"Anong ibig mong sabihin ?"

Huminga siya nang malalim at tumingin sa mga butuin.

"May nagugustuhan ka na ba ?"

Hindi ko maintindihan ngunit sa mga pagkakataong iyon isang tao lamang ang pumasok sa isipan ko.

Si Carl.

-cejayrie 💛

THANK YOU FOR READING
VOTE AND LEAVE A COMMENT !

Limampung Tasa ng Kape Where stories live. Discover now