PART EIGHTEEN

1 0 0
                                    

[18]

Huling gabi na ng burol ni tatay kaya nagsidatingan ang mga kamag-anak namin mula pa sa malalayong probinsya.

Panay ang mano ko kina Tito at Tita na halos sampung taon ko nang hindi nakikita. Bata pa lang kami ni Claire noong huli kaming nagsama-sama sa kasal pa iyon ng tita ko na kapatid ni tatay.

Nakalulungkot mang isipin na tsaka kami makukumpleto kung kailan wala ni si tatay.

Maraming nagtatanong kung anong balak naming gawin ni Claire, kung paano kami mabubuhay ngayong kaming dalawa na lang ang matitirang magkasama.

Tinapat naman ako nina tito at tita na hindi nila kami kayang kupkupin. Lima kasi ang anak nila may toddler pa at lahat ay kasalukyang nag-aaral. Inabutan na lang kami ng sobre. Kaunting tulong daw, makakahanap din daw ako ng trabaho.

Siguro kung ako ang nasa katayuan nila iyon din ang sasabihin ko. Magpakatatag ka, kakayanin mo 'yan, may tiwala ako sa'yo. Kaso nga lang ako 'yung nasa sitwasyon. Ang hirap pala, para akong nahulog sa malalim na hukay na kada susubukan kong umahon ay nadudulas lang ako, nadadapa at mas lalong nasasaktan.

Pagsapit ng madaling araw dumating si BamBam at ang tatay niyang si Tito Mario galing Nueva Ecija. Natagalan daw sila sa pagluwas dahil marami pa silang inasikaso tungkol sa negosyo.

Pagkarating niya agad niya akong niyakap at inaya sa labas para magpahangin. Huminto kami sa itim na van na dala-dala niya. Inayos niya ang upuan para doon ako mahiga habang iniwang nakabukas ang pinto nito.

Ilang gabi na rin akong walang matinong tulog naiidlip lang ako ng limang minuto tapos magigising na naman ako.

Tinabihan niya lang ako habang hinahaplos ang buhok kong ilang araw ko ng hindi nasusuklay. Hanggang sa unti-unti nang bumigay ang talukap ng aking mga mata.

Nagising ako dahil sa liwanag na sumalubong sa aking pagdilat. Akala ko sinusundo na ako ni tatay, buhay pa pala ako. Wala sa sarili akong tumayo nang mamalayang nasa loob ako ng van ni BamBam. Lumaglag sa sahig ang isang black button-down jacket na nagsilbi pa lang kumot ko.

Pababa na sana ako para maligo nang makita ko si Carl na nakaabang sa pinto ng van. Puting t-shirt ang suot niya na tinernuhan ng black jacket na binigay sa amin ni Jenn.

Pilit itong ngumiti sa akin. Doon ko lang din napansin ang eyebags niya, medyo pumayat din ito at hindi na nag-aayos ng buhok.

Tumango lang ako sa kanya at tsaka dire-diretsong tinungo ang banyo para maligo.

Hindi ko na namalayan ang mga araw na lumipas. Parang kailan lang sabik na sabik pa kong isukat kay tatay ang mga binili kong damit ngayon dahan-dahan na akong naglalakad kasunod ng kabaong niya para ihatid sa huli nitong hantungan.

Magkahawak-kamay kami ni Claire. Hindi namin magawang bitawan ang isa't isa lalo na sa ganitong panahon.

Mataas na ang sikat ng araw kaya pinayunhan kami ni BamBam. Nakasuot din kami ng shades ni Claire para kahit papaano'y maitago namin ang pamamaga ng mata.

Itinabi namin sa puntod ni nanay ang labi ni tatay. Sigurado akong magtatampo iyon kung paghihiwalayin pa namin sila.

Habang winiwisikan ko ng holy water ang kabaong tsaka lang bumuhos ang luha ko. Hindi ko na mapigilan, parang isang bombang bigla-bigla na lang sumabog, tuloy-tuloy, walang patid.

Dahan-dahan na itong ibinababa sa lupang limang pulgada ang lalim. Isa-isa namang hinuhulog ang mga white roses sa ibabaw nito habang pinalilipad ang mga puting lobo.

Wala kaming nagawa ni Claire kundi yakapin ang isa't isa.

Unti-unting naubos ang mga taong nakapaligid sa amin kanina lang. Nanatili pa rin kaming nakaupo ni Claire, nakasandal ang ulo niya sa aking balikat habang kapuwa naming pinanonood kung paano tabunan ng lupa ang pinaglibingan ni tatay.

"Kai, tara na, umiinit na rito," malumanay na sabi ni Bambam.

"Ayaw ko pa..." nanghihinang sagot ko habang patuloy pa rin sa pagtulo ang luha.

"Ate tara na, masaya na roon si tatay, nagkita na sila ni nanay..."

Bahagya akong niyugyog ni Claire dahilan para matauhan ako na kailangan na naming umalis.

Wala na si tatay. Wala na si nanay. Kailangan ko 'tong harapin.
Kailangan ako ni Claire.

Pumasok kami sa loob ng van ni Bambam. Nakita kong naka-uniporme ang nakaupo sa driver's seat, family driver siguro. Habang sa front seat naman nakaupo si Tito Mario, ang tatay ni BamBam na matalik na kaibigan ni tatay.

Nagsimula nang umandar ang kotse. Ngayon lang ako nakaramdam ng pagod. Parang bigla akong babagsak, gusto ko lang matulog buong araw.

Nasa tapat ako ng bintana habang si Calire ay napapagitnaan namin ni Bambam.

Sinubukan kong ipikit ang mata ngunit hindi naman ako makatulog.

"Kai ?" tawag sa akin ni Bambam.

"Bakit ?" mahinang tugon ko habang marahang minamasahe ang ulo.

"Saan kayo ni Claire ngayon."

"Sa bahay, kaya naman siguro namin, makakahanap din siguro ako ng trabaho."

"Wala ka pa rin bang nahahanap ?" nagtatakang tanong sa akin ni Bambam.

"Wala e."

"Eh kung doon muna kayo sa Nueva Ecija. Malaki naman ang bahay kasyang-kasya kayo doon," singit ni Tito Mario. Halatang seryoso siya sa sinasabi dahil nilingon niya pa ako.

"Oo Kai, mas mabuting doon muna kayo. Wala kayong ibang kamag-anak na nandito nakatira. Pareho pa kayong babae, mahirap na." Pagpapatuloy ni BamBam habang sinusuri kami ng tingin.

"Huwag ka nang mahiya, kung alam lang ng tatay n'yong maaga rin siyang mawawala sigurado akong sa akin niya kayo ibibilin," dagdag pa ni Tito Mario.

Napapikit ako nang mariin. At tinanong ang sarili. Kaya ko ba ? Kakayanin ko bang mag-isa ? Maghanap ng trabaho agad-agad ? Tustusan ang pag-aaral ni Claire ?

Kung para rin naman sa kapakanan ng kapatid ko ayos lang naman sigurong sa probinsya muna kami tumira. Kampante naman ako sa pamilya ng kababata ko.

Wala naman akong maiiwan dito dahil wala naman akong permanenteng trabaho.

Bigla akong napadilat nang may maalalang isang tao na ilang araw ko na palang kinalilimutan.

Nasa'n si Carl ?

Limampung Tasa ng Kape Where stories live. Discover now