PART SEVENTEEN

1 0 0
                                    

LIMAMPUNG TASA NG KAPE
#LTNK17
[17]

Pinaghalong amoy ng bulalak at kandila ang bumabalot sa buong bahay. Kape, biscuit, candy at kung anu-ano pang kukutin ang makikita sa bawat sulok. Kanya-kanyang pwesto ang mga taong nakaputi at itim. Pilit ipinagkakasya ang mga sarili sa maliit naming bahay. Lahat sila'y may kanya-kanyang kuwento at maya't maya ko ring naririnig ang ngalan ng tatay ko.

Nanatili akong nakatulala sa kabaong na nasa aking harapan. Hindi maubos-ubos ang mga taong lumalapit dito para siya'y masilayan.

Kanina, agaw eksena ang isang babaeng nasa bente anyos lang ang edad. Dire-diretso kasi siyang lumapit sa kabaong at doon nag-iiyak habang bitbit ang isang taong gulang na batang lalaki.

Maraming nagtaka at inakalang babae raw ito ni tatay at kapatid namin ang dala-dala nitong bata. Kinausap naman ito ni Calire at napag-alaman naming isa lang siya sa mga pasahero ni tatay sa tricycle.

Kuwento niyang makailang beses nang nasalba ni tatay ang buhay ng anak niya. Simula noong ipinanganak niya ito hanggang sa paulit-ulit itong naitatakbo sa ospital. Ang tricycle raw ni tatay ang naging ambulansya nila. Para na rin daw sariling anak ni tatay kung ituring.

Habang abala si Calire sa pag-aabot ng kape sa mga nakikiramay wala sa sarili naman akong nakatulala sa kabaong na nasa aking harapan. Hindi ko lubos maisip na si tatay ang nasa loob nun.

Ang hirap tanggapin, parang hindi totoo, parang panaginip lang. Walang sakit si tatay rayuma lang kaya madalas s'yang magpamasahe. Hindi siya high blood, walang sakit sa puso, laging nakangiti, laging masaya. Masyadong biglaan, wala man lang paramdam. Natulog lang siya at hindi na nagising. Parang ang daling makuha ng buhay dahil sa isang bangungot lang.

Alam ng lahat na mahal na mahal niya si nanay. Noong mga panahong buo pa kami, kitang-kita ko kung paano nila ituring ang isa't isa na para bang prinsipe at prinsesa. Kahit ang daming pagsubok na dumaan sa buhay namin noon hindi nila kami sinukuan. Kung mag-away nga sila hindi umaabot ng isang araw makikita mong nagtatawanan ulit sila sa harap ng TV.

Si nanay at tatay ang perpektong depenisyon ko ng mga salitang 'true love'.

Huminga ako nang malalim habang tinititigan ang litrato niyang nasa ibabaw ng kabaong.

Mahal na mahal mo talaga si nanay, kaya ba sumunod ka agad sa kanya tay ?

Lagi n'yang sinasabi sa akin na proud siya sa lahat ng ginagawa ko. Ramdam ko na mahal na mahal niya ko. Alam kong malaki ang tiwala niya sa 'kin pero, tay.

Hindi pa rin po ako handa.
Hindi ko pa rin po kaya.
Wala pa nga akong napapatunayan.
Wala pa akong pangarap na naaabot.

Noong nawala si nanay sobra rin akong nasaktan. Ilang gabi rin akong umiyak pero nandoon si tatay noon. Nayayakap ko pa siya, naririnig ko pa ang boses niya, napupunasan niya pa ang mga luha ko.

Ngayon, kaming dalawa na lang.

Pakiramdam ko ang liit liit ng mundong ginagalawan ko. Gusto kong magsalita ngunit maging iyon ay nakalimutan ko na yata.

Tatlong araw ng nakaburol si tatay pero hindi nababawasan 'yung sakit, parang araw-araw mas nadadagdagan pa. Unti-unti na akong nauubos.

Ngayon ko napagtanto na hindi lahat ng humihinga at kumikilos ay buhay. May pulso pa ko, nakakalakad, pero wala na akong maramdaman. Naging manhid na ako, parang de-bateryang robot na kusang gumagalaw kahit hindi mo sabihan.

Naliligo ako pero hindi ko man lang maramdaman ang lamig ng tubig, luha na lang yata ang alam kong umaagos sa balat ko. Kumakain ako pero hindi ko nalalasahan ang pagkain, hindi rin ako nabubusog. Nakakakita ako pero lahat ng 'yun malabo, parang wala na akong nakikilalang tao. Naririnig ko pa lahat ng pakikiramay nila pero hindi ko ramdam lumalabas lang din ito sa kabilang tainga ko.

Habang lumilipas ang mga araw parami nang parami ang pumupunta sa bahay para makiramay. Karaniwan mga kasama ni tatay sa TODA, mga nagiging pasahero niya, nakatrabaho, nakabatian, nakakwentuhan. Lahat sila nalulungkot sa pagkawala ni tatay.

Masyado kasi siyang madaldal at palakaibigan kaya hindi na nakapagtataka kung hanggang sa huling araw niya ay marami pa ring nakaaalala sa kanya. Lahat naman tayo mamamatay pero ang mga mabuti nating nagawa sa kapuwa kahit kailan hinding-hindi malilimutan.

Naramdaman kong may papalapit sa akin. Akala ko isa lang sa mga kakilala ni tatay na nakikiramay ngunit si Carl na pala iyon.

Inabutan niya ako ng isang basong tubig. Kinuha ko iyon at dire-diretsong ininom.

Hindi ko siya nilingon. Kahit pa noong mga nakaraang araw, hindi siya nawawala sa tabi ko. Minsan aalis lang siya ng mga sampung minuto tapos babalik na naman. Alam kong marami pa siyang dapat gawin lalo na't nag-uumpisa pa lang siya ngayon sa trabaho. Gusto ko siyang paalisin pero wala na akong natitirang lakas para gawin 'yun.

Wala naman siyang napapala sa pagbabantay sa akin, hindi naman ako nagiging maayos, pakiramdam ko mas lumalala pa. Parang lahat ng lungkot ko naipapasa ko sa kanya. Nakakahawa rin pala iyon.

Ang dami kong iniisip. Parang nagbubuhol-buhol sa utak ko lahat ng problema.

Saan ako mag-uumpisa ? Anong susunod kong dapat gawin ? Paano ako uusad ? Kung sarili ko nga mismo hindi ko magawang maitulak.

Sa isang iglap biglang nagbago ang lahat, wala na akong nakikita kundi dilim, hindi man lang ako nasisinagan ng liwanag, wala man lang akong makitang bituin.

Hindi ko na kilala ang sarili ko, para akong naligaw sa isang masukal na kagubatan at malabo nang makalabas. Para akong nakakadena sa kulungan ng sarili kong katawan.

Naramdaman kong niyakap ako ni Carl mula sa likuran. Dati, sa tuwing ginagawa niya ito parang tatalon ang puso ko sa tuwa.

Ngayon, alam kong nand'yan siya, nasa tabi ko lang. Abot kamay. Ngunit bakit ganoon ? Hindi ba dapat luluwag man lang kahit papaano ang pakiramdam ko ?

Si Carl na 'yun, isa sa mga taong pinakamamahal ko bukod sa pamilya ko.

Wala na yatang tibok ang puso ko kahit kaunting pagmamahal wala na rin akong naramdaman.

#

-cejayrie 💛

THANK YOU FOR READING!
VOTE AND LEAVE A COMMENT!

Limampung Tasa ng Kape Where stories live. Discover now