PART NINETEEN

1 0 0
                                    

[19]

Ilang beses na akong nababahing dahil sa kapal ng alikabok na dumidikit sa pawisan kong katawan.

Hindi ko na nga maintindihan kung naglilinis ba talaga kaming dalawa o nagkakalat ? Ang liit lang ng bahay namin pero napakaraming gamit na dapat ayusin at mga sulok-sulok na linisin.

Halos lahat ng gamit ay nakakahon na, tinakpan ko naman ng tela ang mga upuan para hindi masyadong maalikabukan. Ayaw kong iwanan na marumi ang bahay, baka bigla akong pauwiin ni nanay.

Wala naman kaming maleta kaya nakalagay lang sa malalaking sako bag ang mga damit namin Claire.

"Claire, patulong hilahin na natin 'to sa labas," sambit ko habang itinuturo ang isang sakong gamit na itatapon na namin. Masyado na itong luma at hindi na mapapakinabangan. May iilang damit nina nanay at tatay pa naman kaming  tinira. Umupo muna kami saglit sa sahig para makapagpahinga. Habang pinalilibutan ng kahon-kahong gamit.

"Ate, sigurado ka na ba rito ?"

Kunot-noong tanong ni Claire at inabutan ako ng isang basong tubig.

"Oo naman," diretso kong sagot.

Magdadalawang linggo na rin simula noong inilibing si tatay. Nag-ayos muna kami ng mga papeles ni Claire para sa paglipat. Hindi lang naman kasi bakasyon ang punta namin doon. Balak kong sa probinsya na rin magtrabaho mukhang hindi kasi para sa akin ang buhay sa siyudad.

"Baka kasi nabigla ka lang. Hindi ba't lagi mong paalala sa akin na 'wag magdedesisyon kapag hindi ayos ang pakiramdam mo ? Baka mamaya pagsisihan mo."

"Bakit ko naman pagsisisihan."

"'Wag ka na magpanggap ate !"

Mataray na sambit ni Claire at pabagsak na inilapag sa sahig ang baso.

"Paano si Kuya Carl ?"

Napairap naman ako dahil sa pagbanggit niya ng pangalang pinakaiiwasan kong marinig ngayon.

"Hayaan mo na 'yun. Makakahanap din siya ng iba."

Hindi ko alam kung saan ko hinugot ang mga salitang iyon na hindi naman galing sa puso. Wala lang, trip lang sabihin ng dila ko.

"Teka nga, boyfriend mo s'ya ate ! Nagkausap na ba kayo ?"

Todo taas kilay na tanong ni Claire. Bakit ba mas sumasakit pa ang ulo niya sa bagay na 'to hindi ba dapat ako lang ang mamomroblema dito ?

"Oo."

Agaran kong sagot kahit hindi.

"Talaga ?" Tinaasan niya pa ako ng boses habang niyuyugyog ang balikat.

"Oo nga ang kulit."

"Anong sabi ?"

Aba't ayaw pa rin n'yang tumigil.
Hindi na lang ako nagsalita at nagkunwaring hindi siya naririnig.

Bigla namang may kumatok sa pintuan. Salamat at niligtas ako ng pizza delivery boy sa kakulitan ni Claire.

Siguro galit na sa akin ngayon si Carl. Siguro nagtatampo 'yun sa akin kaya hindi nagpapakita. Siguro umaasa siya at naghihintay na magiging okay ako at babalik kami sa dati. Siguro hinihintay niya akong dumating.

Matagal-tagal na rin kaming nagkakasama ni Carl at wala pa akong matandaang may ginawa siyang mali sa akin. Madalas niya akong iwan noon dahil may trabaho siya pero hindi naman iyon sadya.

Akala ko sakit lang ang nakahahawa pati pala kalungkutan. Nakakatawa na ako ngayon, nakakapagbiro, nakakangiti at hindi na rin ako umiiyak gabi-gabi. Pero hindi iyon nangangahulugang ayos na 'ko. Pinipilit ko lang maging matatag kasi may kapatid pa 'ko, may nagpapalakas pa ng loob ko kahit papaano.

Kung patuloy akong mananatili sa tabi ni Carl pareho lang kaming masisira. Sa pagmamahal hindi pwedeng ikaw lang 'yung laging magbibigay, ikaw lang 'yung laging uunawa. Sa pagmamahal dapat give and take kayo. Kahit sabihin mong kaya mong itaya ang lahat ng mayro'n ka para sa kanya darating ang araw na mapapagod ka rin. Dahil wala ka ng mapapala, pareho na lang kayong malulungkot dahil hindi na kayo magkaintindihan.

Hindi na ako ang dating Kai na nakilala niya. Ibang-iba na ko, marami pa 'kong dapat ayusin sa sarili ko. Para akong isang nabubulok na gulay na kapag itinabi sa magandang gulay ay sabay itong mabubulok.

Masaya si Carl. Alam ko, ayaw kong maging hadlang sa pag-abot niya ng pangarap sa buhay. Hindi ko kayang mandamay ng tao lalo na kapag mahal na mahal ko.

Hindi ko na rin binalak na magpaalam. Ano namang sasabihin ko ? Hindi ko nga alam kung makakabalik pa ako. Wala naman siyang aasahan sa akin. Kahit hindi ko na sabihin sana maramdaman pa rin niyang malaya na siya. Malaya na kaming dalawa.

Kailangan na naming maghiwalay dahil iyon ang mas nakabubuting gawin. Kung magkikita man kami, magiging masaya ako. At kung hindi naman habang buhay ko pa ring aalalahanin ang mga panahong siya ang kasama ko.

"Ikaw muna maunang kumain n'yan ate. Ligong-ligo na talaga ako."

Ibinaba ni Claire sa sahig ang isang box ng Hawaiian Pizza bago magtatakbo patungong banyo. Kating-kati na siguro sa alikabok.

Naghugas ako ng kamay at kumuha ng isang slice ng pizza. Ngayon lang ako nakaramdam ng gutom, ngunit hindi ko pa nakakagat ito biglang bumukas ang pinto.

"Ready na ba mga gamit n'yo ?"

Tanong ni BamBam habang inililibot ang paningin sa buong bahay.

"Oo, maliligo lang ako tapos alis na tayo."

Inalok ko siya ng pizza at inihanda ko na ang susuotin kong pang-alis.

Sorry Carl. Hindi ko kayang magmahal habang patuloy pa akong nawawasak.

Limampung Tasa ng Kape Unde poveștirile trăiesc. Descoperă acum