Kabanata 2

6.9K 237 57
                                    

02 – Summer

Nang gisingin ako ni nanay ng umaga ay wala na si tatay. Ang sabi niya ay dumiretso na sa farm matapos mag-almusal. Malamang ay tatakas na naman ako mamaya para sumunod do'n at maglaro. Siguro ay naroon pa ang batang lalaki?

"Nay?" Tawag ko. "Kailan ang pasukan?"

Lumingon siya sa akin mula sa kusina. Pumangalumbaba ako habang nagmamasid sa maliit naming bakuran. Ang mga insekto talaga, kinakain ang petchay na tanim ni nanay!

"Sa susunod na buwan na, anak. May sapat na oras ka pang maglaro, huh? Pagtapos ay mag-aaral na nang mabuti."

Ngumuso ako saka nilingon siya. Sana naman ay maintindihan ko sa ang leksyon tungkol sa Ingles para maintindihan ko na rin ang bata sa mansyon.

"Mag-aaral ako nang mabuti sa Ingles, nay!"

Humalakhak siya saka nagpatuloy sa pagluluto. Palihim akong bumaba sa bangko saka tahimik na naglakad palabas ng bahay. Ngumisi ako nang makalabas ng bakuran saka nagkukumahog na tumakbo palayo.

Gusto kong gumawa ng mga purselas na santan ngayon. Hindi ko alam kung nakakalbo na ba ang tanim sa mansyon pero siguro naman ay hindi ako pagagalitan. Mabait naman si Aling Nenita at alam kong marami pa siyang tanim sa likod bahay.

Ngumuso ako saka pinagmasdan si tatay na kasama ng mga nag-aani. Pawisan na siya at mukhang pagod. Bumuntong-hininga ako saka inalala ang sabi nila ni nanay. Na dapat ay mag-aral ako nang mabuti para guminhawa ang buhay ko balang araw.

Tumalon-talon ako sa mga marka sa lupa papunta sa bahay nina Aling Nenita. Saktong binubuksan na ni Mang Renato ang gate at tumatawa sa akin. Humagikgik ako saka pumasok at agad na tinakbo ang gilid bahay.

"Magandang umaga, mahal kong mga santan!"

Ngumuso ako saka pinagmasdan ang mga bulaklak. Hindi naman yata magagalit si Aling Nenita kung pipitas pa ulit ako. Huling beses na ito! Bukas ay babalik na ako sa paggamot sa mga pasyente ko.

Pinitas ko ang isang kumpol saka marahang hinawakan iyon. Gaano naman kaya kahabang kuwintas ang magagawa ko?

"You're here again."

Halos mapatalon ako sa boses na iyon. Ang batang lalaking may pangalang Atlas ay naririto na naman. Ngumiti ako saka pinakita ang mga santan ko.

"Pumitas ulit ako.." itinaas ko iyon. "Gusto mo ring gumawa ulit?"

Nagkibit-balikat siya. "Sure."

Kumunot ang noo ko saka tumalikod na lamang. Hindi ko pa rin maintindihan. Hindi ba't marunong naman siyang magsalita ng tagalog? Bakit puro ingles pa rin ang salita niya ngayon?

Dumiretso ako sa likod bahay habang nakasunod siya sa akin. Gaya ng kahapon ay inilapag ko ang isang kumpol na santan at pinaghiwa-hiwalay iyon. Tumabi siya sa akin at nakigawa rin.

"Ang sabi ng nanay, isang buwan pa bago ang pasukan.." Ngumuso ako. "Ibig sabihin, isang buwan pa rin bago ako matuto ng Ingles."

Tumango siya saka nagsimulang pagdugtungin ang mga dulo ng santan. "Okay."

"Tagalog muna ang sabihin mo, ah? Huwag mo muna akong kausapin ng Ingles dahil hindi ko maintindihan."

"Sige, hindi na."

Malawak akong ngumiti saka tumango. Nang matapos ang malaking purselas na ginawa niya ay kumunot ang noo ko.

"Masyadong maluwag ang purselas na 'yan sa akin. Payat lang ako, e!"

Tumawa siya saka umiling. Dahan-dahan niyang iniangat iyon saka inilagay sa ulo ko. Pumormang O ang bibig ko saka nanlalaki ang mga mata na tumingin sa kaniya.

Rage Against The Heart (Valdemar Series #3)Where stories live. Discover now