Lost

46 7 53
                                    

25

Kinabukasan ay kaagad nakarating sa hari ang balita. Nalaman ko na lang dahil biglang pinatatawag sina Enoch at ang mga kasama niya sa kastilyo. Ang inaasahan ko ay magagalit nang matindi ang hari dahil iyon ang sinabi ni Damien pero kalmado lang itong nakaupo sa trono nang masaksihan ko ang pag-uusap nila. Pero mahahalata pa rin sa mukha nito na hindi ito natutuwa. Nakakatakot pa rin kahit pa ganoon lang ang ikinikilos niya o di kaya'y mas lalo pa itong nakakapagbigay ng takot dahil kalmado at tahimik lang ito. Dagdag mo pa na walang makikitaan ng emosyon sa mukha niya.

Nanginginig si Enoch na nagpapaliwanag at humihingi ng tawad sa mahal na hari. Paulit ulit na lang ang mga sinasabi at pinapaliwanag nito dahil wala silang natatanggap na tugon mula sa hari kundi ang malamig na tingin lang nito.

Hanggang sa mangibabaw na lang ang katahimikan sa silid dahil wala nang masabi si Enoch. Nanatiling nakayuko na lang ang tagapagsiyasat at patuloy pa rin sa panginginig ang mga kamay nito. Nilibot ng hari ang tingin niya sa mga kasama ni Enoch atsaka siya nagpakawala ng isang malalim na buntong hininga.

"Bakit ganiyan ang mga itsura niyo?" nagtatakang tanong ng hari sa kanila. "Walang rason para kayo ay nakatungong humarap sa akin. Matagal ko nang alam ang tungkol sa misyon."

Kaagad na sabay sabay na napatunghay sila Enoch at rumehistro ang gulat sa mga mukha nila. Pati rin ako ay nagulat rin sa sinaad ng hari.

Ibig sabihin...matagal nang pinaalam ni Snow White sa hari ang tungkol sa binabalak n'yang gawin? Bakit naman pumayag ang hari!?

"Anong ginagawa mo rito, tagapaglingkod?" napaigtad naman ako nang bigla na lang akong may narinig na boses babae sa gilid ko. Mabilis kaagad akong humarap doon at awtomatiko akong napayuko nang makita ko ang mukha ng mahal na reyna. Napalitan ng kaba ang dapat na inis na mararamdaman ko.

Maamo ang mukha ni Queen Mariana. Malambing at mahinhin ang boses nito na para bang hinahaplos lang ang tenga mo pero sa tindig at pagkikilos nito ay doon niya nakukuha ang intimidasyon at respeto ng mga tao sa paligid niya. Kaya, mayroon pa rin s'yang makapangyarihang presensya na katulad rin sa mahal na hari.

Ibang klase rin ang angking kagandahan nito. Kahit pa siguro ang mga mas nakababatang babae na pinagkalooban ng mga magagandang mukha ay mahihiyang tumabi sa reyna.

"Nakalimutan mo na ba ang mga alintuntunin ng mga tagapaglingkod rito sa kastilyo?" mautoridad na tanong n'ya sa akin. "Hindi ka pwedeng manatili sa silid kapag may pribadong pinag-uusapan ang hari. O ang kahit na sinong parte ng pamilya niya."

Yumuko na lang ako muli sa harapan niya, "Pasensya na po kayo, mahal na reyna."

Naglakad siya palapit sa akin habang nanatiling seryoso ang mukha nitong nakatingin sa akin. Kinabahan naman ako sa pananahimik nito dahil mataman niya akong tinitignan mula ulo hanggang paa. Hinuhusgahan niya ba ang itsura ko? O sinusuri niya kung sino ako?

"Mukhang baguhan ka pa nga lang," ani niya. "Sa susunod ay huwag mo na lang uulitin ang pagkakamaling ito."

"Opo, mahal na reyna." Tugon ko sa kaniya. "Aalis na po ako." Pagkatapos kong sabihin iyon ay yumuko na naman ako muli sa pangatlong pagkakataon sa harap niya atsaka na ako dahan dahang naglakad paalis.

Malamyang napabuntong hininga na lang ako habang naglalakad palayo mula sa reyna. Gusto ko pa sanang pasimpleng makinig sa mga nagaganap kina Enoch pero mahirap na kapag nagawa kong painitin ang ulo ng reyna. Baka mapalayas pa ako rito sa kastilyo at magiging komplikado na naman ang lahat.

~*~

"Matagal ng alam ng hari ang pinaplano ni Snow White," nakapameywang na saad ko kay Damien habang nasa loob kami ng aparador niya na tinitirhan ng mga alaga niyang mga paru-paro. "Paano na natin ngayon mapipigilan sina Enoch sa binabalak nilang paglalakbay?"

Rose RedWhere stories live. Discover now