Ako naman ang ngumiti. Tumalima na rin ako para kahit paano ay mabawasan ang bigat na nakapagitan sa amin ngayon. Inabot ko ang kutsara at tumikhim ng sabaw bago kumuha ng kaunting laman. Kakaiba ang lasa. May kaunting anghang at saktong alat. Sakto lang din ang luto ng mga gulay lalo na ng meatballs. Hindi siya malansa sa panlasa. Malambot sa dila at kapag kinagat ay mas lumalasa ang linamnam nito. Inshort, masarap ang meatball soup na luto ni Tita Aileen. "Masarap po 'to ah. Nagluluto rin po si mama ng meatball soup pero mas masarap po itong gawa niya."

"Talaga? Mabuti naman at nagustuhan mo," bumakas na ang masayang ngiti sa mga labi ni Tita Aileen.

"Opo, sana ganito rin kasarap magluto ang mama ko," natatawang biro ko.

"H'wag kang mag-alala, bago ka umalis dito... Ibibigay ko sa 'yo ang recipe ng meatball soup na 'yan para ikaw mismo ang makapagluto para sa mga magulang mo. Oh siya, babalik na ako sa kusina at baka nagkakagulo na do'n sina Myra." Saglit pa niyang hinawakan ang kamay ko at malambing na pinisil. "Salamat ulit, Junica."

*****

"Bukas na pala 'to?" takang sabi ko nang makita ko ang signage na 'Open' sa nilapitan kong pinto.

'Museo Caridad'

Ang gift shop na nasa kabilang tabi ng apartment ni Tita Aileen. Sa pangatlong araw ko dito sa Barrio San Vicente ay ngayon ko lang ito nakitang bukas kaya sinadya ko na ring pasukin. Nagkalat ang mga inukit na kahot na may ibat't-ibang desenyo sa paligid. Kung hindi ako nagkakamali, ganito rin ang mga nakita ko sa may lobby ng bahay paupahan ni Tita Aileen.

Maluwag sa loob ng shop. May lamesa sa gitna na puno ng mga inukit na kahoy na may disenyo ng mga poon, iba't-ibang klase ng hayop o halaman, pero ang karamihan ay mga kamay ng tao na may iba't-ibang hugis at kumpas. May mga wood sculpture din sa bawat sulok, ang iba ay halatang binebenta dahil may presyo pero ang iba ay parang pang-display lamang. Naglakad-lakad pa ako at dinala ako ng mga paa ko sa isang sulok na may hindi gaanong kalakihang lamesa, at sa ibabaw ay may mga inukit na kahoy din. Kumunot ang noo ko dahil sa kakaibang disenyong nakaukit sa mga kahoy. Hinawakan ko ang isa sa mga 'yun, isang kamay ng tao na may tatlong daliri dahil ang dalawa ay tila sadyang pinutol. Nabaling ang tingin ko sa iba pang disenyo, pugot ng paa ng tao na may nakasaksak na kutsilyo sa gitna, isang ulo ng tao na ang isang mata ay nakaluwa, isang kamay pa na may hawak na tila puso ng tao at iba pang disenyo na puro putol na parte ng katawan ng tao. Wala sa loob na napalunok ako ng laway at bahagyang napaatras. Horror-suspense ang genre ng mga sinusulat ko pero sadyang matatakutin lang talaga ako. Ayokong nakakakita ng mga ganitong klase ng bagay.

Ano bang klaseng mga sculpture art 'to?!

"Ang gaganda nila 'no?" sabi ni Lola Harlie na bigla na lamang lumitaw sa may tabi ko. Lumapit siya sa may lamesa at kinuha ang kamay na may tatlong dailiri na lang. "Lalo na 'to... Ang ganda-ganda ng pagkakagawa. Anak ko ang may gaw anito. Kuhang-kuha niya ang orihinal na may-ari ng kamay nito."

"O-orihinal na kamay?" usal ko. Anong ibig niyang sabihin na orihinal? Na may totoong kamay ng tao na pinagkopyahan ang inukit na 'yon?!

Ngumiti si Lola Harlie ng pagkatamis-tamis bago ako tumingin sa akin habang yakap-yakap ang kamay na kahoy. "Oo, ganitong-ganito ang hitsura ng kamay na -"

"Ma!"

Bahagya akong napapitlag sa malakas na boses na nanggaling sa may likuran ko. Kaagad na naglakad palapit ang isang lalaki sa amin ni Lola Andang. Hindi siya gaanong katanggakaran, medyo malaki ang t'yan at balbas sarado.

"Nandito lang pala kayo. Kanina pa kayo hinahanap ni Myra sa café," may inis na sabi ng lalaki. Kinuha niya mula sa kamay ng matanda ang hawak nito at ibinalik sa lamesa. "Anton! Anton, halika nga dito!"

Mula sa may pintuan na papasok pa sa loob ng museo ay lumabas ang isang lalaking pawisan, nakasuot ng sando at may towel sa may balikat. "Ano po 'yon, sir?"

"Ihatid mo muna 'to si Mama sa café at kanina pa natutuliro si Myra sa paghahanap sa kanya. Ako nang magtutuloy ng paglilipat mo ng mga kahoy na uukitin d'yan sa likod," utos ng lalaki.

"Sige po. Halika na Madam, punta tayo do'n sa kabilang bahay," inakay na ni Tony si Lola Harlie pero bago sila tuluyang makalabas ay tinapunan niya ako ng makahulugang sulyap. Salubong ang kanyang mga kilay at napakaseryoso ng mukha. Ewan ko pero parang may gusto siyang sabihin na hindi niya magawa. Naputol lang ang pagtititigan namin nang magsarado na ang pinto kung saan sila lumabas ni Lola Harlie.

"Ikaw ba 'yung bagong umuupa ng isang kwarto sa amin?" tanong ng lalaki habang inaayos ang mga pwesto ng ginalaw ni Lola Harlie.

"Sa inyo po?" takang balik tanong ko.

"Oo, asawa ako ni Aileen. Madalas ako sa kabilang bayan kaya baka hindi mo alam o hindi pa nasasabi sa 'yo ng asawa ko ang tungkol sa akin. Nagde-deliver kasi ako do'n ng mga wood sculpture na ino-order do'n," saad niya.

"Ah opo, ako nga po. Junica nga po pala ang panagalan ko," pakilala ko sa sarili ko bago inilahad ang kamay ko. Malaki ang katawan ng lalaki. Kahit malaki ang kanyang t'yan ay halatang batak siya sa mabibigat na gawain. Napansin ko rin ang malalim na peklat sa may braso niya na parang paso o kaya ay makailang beses na malakas na hinampas.

Nang matapos siya sa pag-aayos ay muli siyang humarap sa akin. Hindi hamak na mas malaki siya sa papa ko pero sigurado ako na hindi sila nagkakalayo ng edad. "Madumi ang kamay ko. Nagbuhat kasi ako ng mga kahoy sa labas. Pero tawagin mo na lang akong Tito Andrew."

"Sige po," sagot ko bago ko ibinaba ang kamay ko.

"Pasensya ka na pala sa nanay ko, matanda na kasi at na-uulyanin kaya kung ano-ano na ang sinasabi," dispensa ni Tito Andrew.

"Wala po 'yun."

"May iba pa ba siyang nasabi sa 'yo kanina?" muling tanong niya habang kunwa'y inaayos ang iba pang wood sculpture sa paligid.

"Wala naman po aside sa kahoy na kamay na hawak niya."

Huminto si Tito Andrew sa ginagawa pero hindi lumingon sa akin. Parang ayaw niya na makita ko ang ekspresyon ng mukha niya. "Anong sabi niya?"

"N-na magaling daw po mang-uukit ang anak niya. M-Maganda nga po talaga 'yung pagkakagawa sa kamay na 'yon, parang... Parang totoong-totoo." Hindi ko alam kung bakit kailangan kong magsinungaling. Bigla kasi akong nakaramdam ng kakaibang kaba sa tono ng pananalita ni Tito Andrew. Nakita ko ang pagbaba ng mga balikat niya na tila ba nakahinga siya ng maluwag bago humarap sa akin.

"Isa rin kasing mang-uukit ang Lolo ko kaya gusto ko na ipagpatiuloy 'yun para kay Mama." Nakangiti na niyang kwento. "Baka may nagustuhan kang sculpture art, bibigyan kita ng malaking discount bilang isa ka sa mga nangungupahan sa amin."

"Hindi na po!" Mariin akong napailing na kaagad ko ring binawi. Baka isipin kasi niya na natatakot ako kahit 'yun naman ang totoo. Hindi ko maintindihan pero may hatid talagang takot sa akin ang mga inukit niyang kahoy. Para kasing nai-imagine ko ang sinabi ni Lola Harlie kanina na mula iyon sa isang orihinal na kamay. Ibig bang sabihin, nakakita na siya ng putol na kamay na may putol ding mga daliri? Inayos ko na ang sarili ko bago ako dahan-dahang naglakad palayo sa kanya. "P-Pero bibili po ako bago ako umuwi sa amin, pampasalubong po ko po sa parents ko. S-Sigurado po ako na magugustuhan nila ang mga gawa ninyo. S-Sige po, aalis na po ako."

"Oh sige iha. Balik ka lang kapag may gusto ka ng bilhin o ipagawa. Bibigyan kita ng malaking discount at ako pa mismo ang gagawa para sa 'yo."

"S-Salamat po." Pilit akong ngumitiako at tumango bago nagpatuloy sa paglalakad patungo sa may pinto. Ramdam kongnakatingin pa rin siya sa akin. Hanggang sa maisarado ko na ang pinto at tuluyan nang makalabas ngMuseo de Caridad. 

RecursionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon