Prologue

487 17 4
                                    

Richie's POV

Nakatayo ako sa tapat ng mall. Katatapos ko lang magtrabaho. Alas nuwebe na ng gabi. Buti na lang konti lang ang kinanta ko ngayong araw.

Isa akong singer sa isang resto bar dito sa Makati. Trabaho ko na iyon dati pa. Singer sa mga kasal, debut, birthday, at kahit pa sa burol. Kakanta ko kahit pa mamaos ako basta may maabot akong pera para sa pamilya ko. Mabigat na nga ako tapos magiging pabigat pa ko sa kanila. Ang tatalas pa naman ng dila ng mga kapatid ko. Hindi naman magaganda.

Ako si Richie Estrella. Many calls me Chingching. 26 years old at nakatira sa Makati City. Lagpas isang dekada ng singer at mataba ako. Yas! Mataba ako.

Mataba. As in mataba. May ilang layers ng bilbil, malaki ang braso at hita, may stretch marks sa halos lahat ng parte nang katawan, gano'n kataba. Hindi rin ako maganda. Sakto lang. Sakto lang panglampaso ng sahig. Boses ko lang talaga ang maipagmamalaki ko bukod sa malaki na talaga ako.

Hindi ako chubby lang, mataba ako. Hindi kagaya no'ng mga pasikat sa Facebook na malaking bulas lang pero flat naman 'yong tiyan. Ako 'yong tipo na kukutyain agad sa unang tingin pa lang.

Bumuntong-hininga ako saka pumara ng jeep na pauwi sa amin. Uuwi na naman ako para dakdakan dahil konting pera lang ang nabibigay ko. Limang daan lang naman kada araw ang sahod ko. 

Ewan ko nga kung bakit ang taba ko pa rin. Hindi naman ako malakas kumain. Nalilipasan pa nga ako ng gutom minsan. Lagi akong pagod at pinapawisan lalo na kapag bumabiyahe, pero ang taba-taba ko pa rin.

Sumakay na ko sa jeep. Muntik pa ngang umangat 'yong harapan. Sinamaan pa ko ng tingin no'ng driver. 

Nag-abot na ko ng bente pesos at sinabi kung saan ako bababa. Hindi na ko sinuklian. Sanay na ko. Dalawang upuan ba naman 'yong sinasakop ng katawan ko.

Nagpunas ako ng pawis at dumungaw na lang sa labas ng jeep. Narinig kong nagsalita 'yong tumabi sa 'kin na babae. "Miss, usog ka naman ng konti. 'Yong maitim mo na lang na batok ang nakikita ko."

Pucha! Taray naman nito. Hindi naman maganda. Itulak ko kaya 'to palabas ng jeep? O kaya siksikin ko kapag mabilis 'yong takbo ng jeep?

Umusog na lang ako at hindi nagsalita. Gano'n naman palagi. Kinikimkim ko na lang 'yong inis kahit naiinsulto ako. May magagawa ba ko? Maitim naman talaga ang batok ko. Kapag nagpadala ako sa inis ko, mababangasan ang mukha ng babaeng 'to.

May sumakay pang isa sa jeep. Hindi ko na siya pinansin at yumuko na lang ako dahil umupo siya sa kabilang gilid ko. Baka pintasan pa ko nito at makasapak na talaga ako.

Gumana naman ang lakas ng pang-amoy ng hindi ko katangusan na ilong. Ang bango kasi ng amoy. Amoy yayamanin. Amoy pogi!

Pasimple kong sinilip ang isa kong katabi. 

Nako! Nakatagilid pa lang ulam na. 

Moreno na matangkad, makapal ang kilay, at mamula-mula ang labi. Ganito pa naman ang mga type ko na hindi naman ako type.

Nagulat ako nang biglang huminto ang jeep. Muntik pa kong masubsob pero may humawak sa braso ko at hinatak ako. 

"You okay?" Tanong niya habang nakatingin sa 'kin.

Nag-init ang magkabila kong pisngi. Bihira pa naman ang mga pogi sa jeep. Madalas mga kung sino-sinong tao lang ang nakakasabay ko na wala ng ginawa kundi husgahan ang itsura ko.

"O-Oo. Salamat." Umiwas agad ako ng tingin at hindi naman siya nagsalita. Siguro lumagkit 'yong kamay niya nang hawakan niya ang braso ko. Pawis kasi ako. 

Sorry na agad, kuyang pogi.

Huminto na ang jeep sa bababaan ko. Sinulyapan ko muna 'yong lalaki at nakatingin siya sa 'kin. Ngayon lang ba siya nakakita nang kasing taba ko?

Hindi pa nga nakakaapak ang isa ko pang paa sa lupa ay umandar na ang jeep. Napasalampak tuloy ako sa kalsada. Bumuntong-hininga na lang ako ulit saka tumayo para lang makita ang mga mapanghusgang tingin sa akin.

Naglakad na ko pauwi sa bahay. Gabing-gabi na kaya medyo madilim. Hindi na ko natatakot. Hindi naman ako mare-rape dito. Hindi naman ako 'tong tipong pagnanasahan. Hindi rin ako nanakawan dahil takot silang madaganan.

Narating ko na ang tapat ng bahay namin. Patay na ang mga ilaw. Naka-lock ang pinto kaya ginamit ko na lang ang extra kong susi. Binuksan ko kaagad ang ilaw nang pumasok ako.

Umupo ako sa mahabang kahoy na upuan. Nakita kong pababa si Tatay ng hagdan. "Nasaan ang sahod mo ngayong araw?"

Linabas ko ang wallet ko at binigay sa kaniya ang limang daan. Hindi siya nagsalita nang makuha niya na ang pera at lumabas lang ng bahay. Mag-aaya na naman 'yon ng inuman tapos isang daan o dalawang daan na lang ang ibibigay niya kay Nanay.

Pumasok ako sa kwarto ko na nandito sa unang palapag namin. Ang kwarto nang dalawa kong kapatid at ang kwarto nila Tatay ay nasa taas. Kawawa naman kasi 'yong hagdan kung mag-aakyat-baba ako.

Nagbihis na ko at linatag ang foam saka linagyan ng dalawang unan. Sa kama sila nahihiga samantalang ako sa foam lang. Thankful pa rin. At least may higaan. Kawawa naman 'yong kama kung siya ang sasalo ng bigat ko araw-araw.

Kinuha ko na lang muna ang phone ko para mag-online sa Facebook account ko. Bumungad agad sa 'kin ang pangungutya ng mga tao dahil nagpalit ako ng profile picture.

Hindi ko na lang pinansin. Wala naman akong magagawa. Ganiyan sila palagi. Sanay na ko. Sanay na sanay na, pero hindi ko ikakailang masakit pa rin.

Nakita ko ang isa na namang nakakatawang post. Post na pampalubag-loob. Post na hindi naman totoo sa totoong buhay. Mga pakitang tao lang sa social media.

"𝘊𝘩𝘶𝘣𝘣𝘺 𝘨𝘪𝘳𝘭𝘴 𝘢𝘳𝘦 𝘣𝘦𝘵𝘵𝘦𝘳 𝘵𝘩𝘢𝘯 𝘴𝘦𝘹𝘺 𝘨𝘪𝘳𝘭𝘴. 𝘐𝘮𝘢𝘨𝘪𝘯𝘦 𝘩𝘢𝘷𝘪𝘯𝘨 𝘴𝘰𝘮𝘦𝘰𝘯𝘦 𝘵𝘰 𝘤𝘶𝘥𝘥𝘭𝘦 𝘸𝘪𝘵𝘩. 𝘛𝘩𝘢𝘵'𝘴 𝘵𝘩𝘦 𝘳𝘦𝘢𝘭 𝘵𝘩𝘪𝘯𝘨".

Pagak akong natawa sa kasinungalingan ng mga tao. Tanggap ka lang kapag mataba ka tapos maganda ka. Kapag makinis ka, maputi, malaki ang dede, matambok ang pwet at isa pa ulit, maganda saka ka lang matatanggap.

Sabagay, hindi naman ako basta chubby lang. Mataba ako. Matabang hindi maganda, matabang mabilbil, matabang puro stretch marks, matabang maitim ang batok, singit, at kili-kili. 

I'm just fat.

TinTalim

Just Fat (Completed)Where stories live. Discover now